PED XING

Apat na Tula ng KM64 Ukol sa Paksang Oil Price Hike at Tigil-Pasada


Itinatampok ng Kilometer 64 Poetry Collective itong kalipunan ng apat na tulang tumatalakay sa paksang Oil Price Hike (OPH) at sa isinasagawang tigil-pasada tuwing nagaganap ito.

Itinatampok ng Kilometer 64 Poetry Collective itong kalipunan ng apat na tulang tumatalakay sa paksang Oil Price Hike (OPH) at sa isinasagawang tigil-pasada tuwing nagaganap ito. Natatangi ang kalipunang ito sapagkat taglay ng bawat isa ang iba’t ibang pananaw ukol sa mga paksang ito—mula matalim na pagkwestiyon sa pagtaas ng halaga ng langis, sa paglalarawan ng pangangailangang lumahok sa tigil-pasada, sa mapang-uyam na pagsagot sa mga tunay na perwisyo, hanggang sa makulay na paglalahad ng pang araw-araw na buhay ng isang namamasada.

(T)rollback: From Sentimo to Piso

Noel Vinoya Gomez

Words that you receive
are still
words that deceive you.

It ain’t Merry Christmas
for you,
It ain’t Happy Halloween
for them.

Can you feel the pleasure?
Oh yes, we feel the pain.
Is that your treasure?
How about our disdain?

Si Noel Vinoya Gomez ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas. Kasalukuyang private tutor. Madalas magluto, nakikinig sa rock music at magbasa ng mga librong akda at limbag ng kapwa Pilipino sa sariling bansa. Ang mga gusto niyang mabago sa Pilipinas: lakihan ang sahod at damihan ang benefits ng mga manggawang nagpapakahirap upang iangat/mapaganda ang ekonomiya ng bansa; mawala ang mga naglalakihang gusali’t establisyamento, taniman ng mas maraming halaman at puno; at mas tangkilikin ang produktong Pinoy.


Tigil-Pasada

ni Emmanuel Halabaso

Tigil, pasada.

Tanong-sagot na madalas na nakaamba
sa bawat rally na namumuo sa Maynila.

Tigil! Pasada!

Sa bawat pagtatangka ng mga TODA
na maghurumentado sa Mendiola.

Tigil o pasada

Sa bawat kuwestiyon ng kunsensiya
bumubulong din ang pag-aalsa

ng mga tigil-pasada.

Hindi biro ang kilos protesta.
Maalikabok na ang pitaka

kapag nagtigil-pasada.

Si Emmanuel Halabaso ay isang guro sa pampublikong paaralan (sekundarya). Isa sa mga pinalad na graduate ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa kursong AB Filipino. Hilig niyang sumulat ng tula at maikling kuwento. Mahilig din magbasa ng kung anu-ano. Nais lang niya mabago ang buhay sa Pilipinas.


Perwisyo, Bow.

ni Jeric Jimenez

perwisyo bang maituturing
isigaw aming hinaing
sa pamahalaang may pagkiling
sa Big 3’ng panay ang paggiling

perwisyo bang masasabi
ang umuwing ngalay ang kilikili
kesa maghapong tumili
sa sasakyang panay lamang ang ngiwi
kesa maghapong ngumisi
sa bulsa ng mga walang silbi

perwisyo palang maituturing
kung dumaing ng mga hiling
kung sumigaw sa lansangang
magiging mitsa

ng papalapit na ningning

Si Jeric Jimenez ay dating Tagapangulo ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM-PUP), isang malawak na alyansa ng manunulat sa PUP at dating katuwang na patnugot ng The Catalyst, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral sa PUP. Nagkamit narin ng pagkilala si Jeric sa pagsulat ng tula at maikling kwento tulad ng Gawad Emman Lacaba ng College Editors Guild of the Philippines noong taong 2008 at 2009. Nakadalo rin si Jeric sa mga palihan sa malikhaing pagsulat at journalism tulad ng Lunduyan ng CEGP at Palihang Nasa Linya ni Dr. Jun Cruz Reyes. Kasalukuyan ngayong guro sa Filipino at Sosyolohiya si Jeric sa isang kolehiyo sa Cainta, Rizal. Nagtapos si Jeric ng AB Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, PUP-Sta. Mesa Maynila.


How’s My Driving?

ni Rolan Decena

0 porsyento na sa pamamasada ang asenso;

9 na buwang nagdadalang-tao ang asawa ko’y kapos sa sustento;

2 beses na lang kung kumain sa maghapon;

1 kamay ko’y halos mabali na sa pagpihit ng kambiyo.

4 diyos,

4 santo, mahigit laging

8 oras na akong nagmamaneho.

7 araw sa isang linggo na dapat

7 beses din kumakain nang maayos.

7 gabi sa isang linggo na akong puyat at hindi lang

7 beses ang presyo ng gasolina’y umangat.

Papaano pa natin tatahakin ang landas na matuwid,

kung darating ang panahon, gumagapang na tayo pagtawid?

Si Rolan Decena ay isang makata mula sa Lopez, Quezon.