CBCP, ‘walang magagawa’ sa kaso ng paring nanggahasa


Matapos paghintayin ng halos isang oras sa labas ng tanggapan ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP), hinarap si “Leah”, 17-anyos na biktima ng panggagahasa ng pari sa Butuan City, ng isang opisyal ng CBCP para sabihing “walang magagawa” ang Simbahang Katoliko hinggil sa kaso. Ito ang isiniwalat ng grupong Gabriela, na sinamahan si Leah […]

Ang menor de edad na si Leah na diumano'y ginahasa ng isang paring Katoliko sa Surigao Del Norte, habang nasa proseso ng counseling theraphy ng grupong Gabriela. (Macky Macaspac)

Matapos paghintayin ng halos isang oras sa labas ng tanggapan ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP), hinarap si “Leah”, 17-anyos na biktima ng panggagahasa ng pari sa Butuan City, ng isang opisyal ng CBCP para sabihing “walang magagawa” ang Simbahang Katoliko hinggil sa kaso.

Ito ang isiniwalat ng grupong Gabriela, na sinamahan si Leah na magsampa ng reklamo sa CBCP ngayong araw sa Maynila. “Hindi man lang nila (CBCP) kinumusta kung ano na ang nararamdaman ko ngayon, o tinanong man lang sana kung ano ang gusto kong mangyari,” ayon kay Leah.

Noong Marso, dalawang beses na ginahasa si Leah ni Fr. Raul Cabonce, isang paring Katoliko at Kura Paroko sa Tubay, Butuan City. Nagsampa ang biktima ng kasong rape, act of lasciviousness at child abuse laban kay Rabonce sa Butuan Regional Trial Court. (Basahin ang istorya)

Dumulog ang biktima, kasama si Gabriela Rep. Emmi de Jesus at iba pang lider-kababaihan, sa CBCP para subukang ipaloob ang kaso laban sa pari sa Canon Court ng Simbahang Katoliko. Hinarap sila ni Msgr. Juanito Figura, secretary general ng CBCP.

“Lumapit kami sa CBCP upang mapayuhan sa kung paano maisasailalim sa korte ng simbahan ang kaso at mabigyang hustisya ang biktima. Subalit hindi pa man nababasa ang iniabot naming sulat, ibinungad na ni Msgr. Figura na walang magagawa ang CBCP ukol dito,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sa sulat kay CBCP President Rev Bishop Jose Palma, sinabi ng grupo na hindi matanggap ni Leah na isang alagad ng Diyos ang nanggahasa sa kanya. (“It was very difficult for her to accept that Fr. Cabonce, a servant of God, and with whom her mother worked as a catechist for five years, would become her sexual abuser.”) Pinirmahan din ang sulat nina Mother Mary John Mananzan, tapagangulo ng Association of Major Religious Superiors of Women in the Philippines, at Carmencita Karagdag ng Ecumenical Women’s Forum.

Ayon kay Linaban, ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado ang ibinigay na dahilan ng CBCP kung bakit hindi ito pwedeng umaksiyon sa kaso laban kay Rabonce. “Ngunit sa ganitong diwa din naman namin inilalapit sa kanila ang reklamo ng biktima…Hindi kaya ginagawa lang nila itong dahilan bilang pagtatakip sa kahayupan ng kanilang pari?” aniya.

Dagdag pa ng lider-kababaihan, “Akala pa naman namin ay tapos na ang panahon ni Padre Damaso at ng mga kunsintidor na prayle. Pinapatunayan lamang nito na nananatiling pyudal ang katangian ng Simbahang Katoliko lalong lalo na sa mga isyu ng kababaihan.”

Nangako ang grupo na patuloy na susubaybayan ang kaso. Nauna nang nagpahayag ng suporta kay Leah ang mga presonalidad sa showbiz na sina Bibeth Orteza, Armida Siguion-Reyna, at Carlitos Siguion-Reyna.