Pinoy Weekly

Liderato ng Palea, nagtaksil sa mga manggagawa ng PAL?

Gerry Rivera, tagapangulo ng Philippine Airlines Employees Association at pangalawang tagapangulo ng Partido ng Manggagawa (Larawan mula sa bulatlat.com)

Ang hindi pagdeklara ng welga kahapon ay isang indikasyon ng pagtataksil ng liderato ng Philippine Airlines Employees Association (Palea) sa mga manggagawa ng PAL.

Ito ang inihayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), militanteng sentro ng paggawa, na kinondena ang liderato ng Palea habang sinusuportahan naman ang laban ng mga manggagawa sa outsourcing at malawakang tanggalan sa PAL.

Ayon kay Lito Ustarez, bise-presidente ng KMU, ikinasa ng Palea ang work stoppage noong Setyembre 27 para madiskaril ang panawagan ng mga manggagawa na maglunsad ng welga noong Oktubre 1, unang araw ng planong outsourcing ng PAL. Setyembre 30 ang itinakda ng PAL na huling araw sa trabaho ng 2,600 na apektadong manggagawa.

“Sa tingin ng mga manggagawa, mas matibay ang batayan sa paglulunsad ng welga sa Oktubre 1 dahil inanunsyo na mismo ng manedsment ng PAL na dito ipapatupad ang outsourcing. Kung hindi papapasukin ng mga manedsment ng PAL ang mga manggagawa sa naturang petsa, malinaw na illegal lockout ito – na kawelga-welga kahit sa kontra-manggagawang batas ng gobyerno,” paliwanag ni Ustarez.

Ngunit dahil sa naunang protesta, nilabag umano ng PAL ang status quo order na resulta ng sarili nitong petisyon sa Court of Appeals. Desidido ang manedsment ng PAL na ipatupad ang outsourcing sa kabila ng kautusan ng CA.

Dahil sa aksiyon noong Setyembre 27, pinatawan ng manedsment ng forced leave at posibleng kasuhan ang mga manggagawa ng PAL. “Sa proseso, tinitiyak ng pamunuan ng Palea ang mas mabilis na pagpapatupad ng mga kontra-manggagawang iskema ni Lucio Tan kasabwat ang rehimeng Aquino,” dagdag ni Ustarez.

Pinamumunuan ang Palea ng presidente nitong si Gerry Rivera, at pangkalahatang kalihim na si Bong Palad. Nasa ilalim ang Palea ng Partido ng Manggagawa (PM), na tinataguriang “dilawang unyon” ng KMU.

Hindi ito ang unang “pagtataksil” ng Palea sa mga manggagawa. Sa mga strike vote noong Disyembre 2010 at Pebrero 2011 kung saan mayorya ang bumoto pabor sa paglulunsad ng welga, hindi ipinutok ng Palea ang welga at sa halip ay lumapit kay Pangulong Aquino at sa Department of Labor and Employment para makipag-dayalogo. Binabaan ng DoLE ng Assumption of Jurisdiction at welga, habang kinatigan naman ni Aquino ang planong outsourcing. (Basahin ang kaugnay na istorya)

Puna pa ni Ustarez, nagdesisyon ang Palea na isagawa ang protesta nang walang abiso sa publiko at sa gitna ng bagyo, “kaya’t hindi nito nakuha ang suporta ng malawak na publiko, bagay na napakahalaga sa tagumpay ng laban.”

Kaya’t hindi nakapagtataka kung “kasabwat” sina Rivera at Palad ng manedsment ng PAL, ayon sa KMU.

Kabilang si Rivera, pangalawang tagapangulo rin ng PM, sa mga lider ng Palea na nag-apruba sa 10-taong moratoryum sa Collective Bargaining Agreement mula 1998 hanggang 2008.

Suporta sa manggagawa, patuloy

Kasabay nito, patuloy ang suporta ng KMU at iba pang militanteng grupo sa laban ng mga manggagawa ng PAL.

Kahapon, nanawagan ang Migrante International sa mga Overseas Filipino Worker na i-boycott ang PAL bilang suporta sa mga manggagawa.

“Nananawagan kami sa mga OFW na i-boycott ang PAL at tumangkilik muna ng ibang airlines. Ipakita natin ang ating suporta sa manggagawa at pagtutol sa kontraktuwalisasyon at union-busting ni Tan. Nawa’y magsilbi rin itong pagkondena sa pagsang-ayon ni Aquino sa mga iskemang kontra-manggagawa,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

May 200 miyembrong organisasyon ng mga OFW ang Migrante sa buong daigdig.

Kinondena rin ni Gabriela Rep. Luz Ilagan ang umano’y pag-aabogado para sa PAL ni Aquino. Iniutos ng pangulo na pag-aralan ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga manggagawang lumahok sa protesta noong Setyembre 27, dahil sa paglabag umano sa Civil Aviation Authority of the Philippines Act .

“Sa halip na makita ang kawalang-hustisya laban sa mga manggagawa, pinili lamang ng pangulo na makita ang inconvenience na dulot ng welga,” ani Ilagan.

Samantala, sa isang pahayag noong Oktubre 1, sinabi ng PM na ipagpapatuloy nila ang mga aksiyon sa PAL sa porma ng kultural na protesta. Isang “Pamorningan sa Palea” o solidarity concert ang kanilang inilunsad sa kanilang protest camp sa PAL In-Flight Center.

Bago ang Setyembre 27, iniulat ng Palea na nag-umpisa na ang manedsment ng PAL na mag-empleyo ng mga iskirol mula sa Macro Asia, ang service provider na pag-aari rin ni Tan. Ang Macro Asia, Sky Logistics, Sky Kitchen at SPI Global ang mga kompanyang kinukuha ng PAL para sa outsourcing ng mga serbisyong ginagampanan ng 2,600 na manggagawa.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=15622

Posted by on Oct 2 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes