Pambansang Isyu

Mine Safety Week, sinalubong ng protesta


Protesta sa paanan ng tulay ng Mendiola ang isinalubong ng mga grupong makakalikasan at mga katutubong mamamayan sa pagdiriwang ng gobyerno at ng mga kompanya ng pagmimina sa Philippine Mine Safety Week ngayong linggo. Sa halip na pagdiriwang, itinampok ng Kalikasan-People’s Network for the Environment, Katribu Party-list, Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan at iba pang […]

Mga grupong makakalikasan, nagprotesta sa Mendiola sa paggunita ng Mine Safety Week (Soliman A. Santos)

Protesta sa paanan ng tulay ng Mendiola ang isinalubong ng mga grupong makakalikasan at mga katutubong mamamayan sa pagdiriwang ng gobyerno at ng mga kompanya ng pagmimina sa Philippine Mine Safety Week ngayong linggo.

Sa halip na pagdiriwang, itinampok ng Kalikasan-People’s Network for the Environment, Katribu Party-list, Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan at iba pang sektor ang mapangwasak na mga “krimen” laban sa lupa at buhay na dulot ng mga dayuhang kompanya ng pagmimina.

Kasabay rin ng okasyon ang paggunita ng mga naturang grupo sa ika-28 anibersaryo ng Maricalum mining disaster na naganap noong 1983 sa Negros, ang tinataguriang unang mining disaster sa bansa.

“Ipinaalala sa atin ng mga apektadong mamamayan at komunidad ang tunay na panganib na dulot ng mga dayuhang pagmimina habang ginugunita natin ang Maricalum mining disaster,” ayon kay  Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan.

Binatikos naman ng Kalikasan si Pangulong Aquino sa pagpapalakas pa ng liberalisasyon ng mga patakaran sa pagmimina na napatunayan na umanong nagdulot ng mga sakuna sa Pilipinas. Inihalimbawa ng grupo ang posibleng banta ng acid mine drainage ng operasyon ng Mindoro Resources Limited Gold Philippines sa Lobo, Batangas.

Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources, 530 na aplikasyon sa pagmimina o proyekto ang inaprubahan na o inindorso na ng administrasyong Aquino.

Ayon naman sa Defend Patrimony! Alliance, isang multi-sektoral na alyansa laban sa liberalisasyon ng pagmimina, $14-Bilyong halaga ng pamumuhunan sa pagmimina ang pinirmahan ni Aquino sa mga kompanyang Tsino noong nakaraang Setyembre na sumasaklaw rin sa probinsiya ng Palawan.

“Maliban sa paglalako ng Palawan sa mga Tsino, hindi rin natin dapat kalimutan na ang National Commission on Indigenous Peoples ay nagbigay ng Certificate of Precondition sa MacroAsia Mining Corp., kahit pa tumututol ang mga katutubong mamamayan ng Palawan,” pahayag ng Defend Patrimony.

Sinisisi ng grupo ang Mining Act of 1995 na umano’y naging dahilan ng pandarambong ng mga dayuhang kompanya sa yamang mineral ng Pilipinas, at nanawagan silang ibasura na ang naturang batas.

Pinsala sa kalikasan at buhay, lalo ng mga katutubo, ang umano'y dulot ng maka-dayuhang patakaran sa pagmimina ng gobyernong Aquino (Soliman A. Santos)

Sinabi pa ng Defend Patrimony! na magpapatuloy ang pagkawasak ng kalikasan at masamang epekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga komunidad habang nananatiling dominante ang mga dayuhang kompanya sa industriya ng pagmimina.

Samantala, sinabi naman ni Kakay Tolentino, tagapagsalita ng Katribu, hindi napabuti ng pagmimina ang kahirapan at kawalan ng kaunlaran ng mga katutubong komunidad kahit pa matagal nang nagmimina ang mga dayuhang kompanya.

Idinagdag niya pa na hindi nirerehabilita o binabayaran ng mga kompanya ng pagmimina ang mga apektadong komunidad tulad na lamang ng mga kaso sa Lepanto at Philex sa Benguet, Lafayette sa Albay, at Mt. Diwata sa Compostela Valley.

“Gayundin, banta sa ating patrimonya at kalikasan ang industriya ng pagmimina. Ang pagmimina sa Pilipinas ay nagsisilbi sa dayuhan sa halip na sa ating mga mamamayan,” sabi pa ni Tolentino.

Nanawagan din si Tolentino na ipasa ang People’s Mining Bill o HB 4315 na ipinanukala ng mga progresibong party-list sa Kamara.

“Ang naturang panukala ay naglalayong baguhin ang kasalukuyang patakaran sa pagmimina at gawin itong maka-mamamayan at maka-kalikasang industriya ng pagmimina na gumagalang hindi lamang sa karapatan ng mamamayan kundi pati na rin sa pambansang patrimonya,” pagwawakas ni Tolentino.