Di matapos-tapos na pagrerebelde ni Jun Cruz Reyes sa kanyang bagong aklat


Rebyu ng Ang Huling Dalagang Bukid at Ang Authobiography Na Mali: Isang Imbestigayon ni Jun Cruz Reyes.

Rebyu ng aklat na Ang Huling Dalagang Bukid at Ang Authobiography Na Mali: Isang Imbestigayon ni Jun Cruz Reyes. (Anvil Publishing, Inc., 2011).

Ay ano? Sino yang Dalagang Bukid? Iyong isda? Bakit Huli ang tawag? Hoy, ang tamang ispeling ng “authobiography” ay AUTOBIOGRAPHY. Tanga! Walang H iyon. Writer ba iyan talaga? Bakit may imbestigasyon? Haaai…ang gulo!!!

Puwedeng ganyan ang dating sa pamagat pa lamang ng akda. Pero dahil rebelde nga kung tawagin sa panitikang Pilipino (na sumasayad na rin sa politikal na dimensyon kahit hindi direkta) si Reyes, normal na lamang sa kanyang mga akda na gawing puwede ang hindi puwede, at mas masarap gawin ang bawal na pinatotohanan na naman ng kanyang bagong akda.

Si Reyes ang tinaguriang “hari” at “taal” ng “postmodernismong kaisipan” sa pagsusulat sa bansa na nagsilang sa mga gaya nina Bob Ong at Eros Atalia. Ibig sabihin, “walang sinasantong batas ng tradisyon” ang pagsasalaysay ni Reyes. Kumakawala siya sa purista o modernismong tradisyon ng pagkukuwento. Ang nobela, halimbawa, na dapat isulat na may iisang paksa, matatag na plot, mga karakter (na hindi mo rin minsan matukoy kung tao nga ba iyon sa pananalita pa lamang), simula, at wakas, ayon sa tradisyon, ay kinaiinisan ni Reyes kung babasahin mo ang kanyang mga naunang akdang Utos ng Hari, Tutubi, Tutubi…Huwag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe, at lalo na dito sa Ang Huling Dalagang Bukid na kung saan pinaghalo niya ang sanaysay at autobiograpiya sa isang akdang fiction.

Sabi ng mga kritikong nakahiga pa rin sa tradisyon, mali ang paraan ni Reyes ng pagkukuwento dahil burara ito sa paggamit ng wika na animo’y pang-borador o draft. Balbal at salitang kanto ang medium niya. Walang kaayos-ayos, at ang estilo, Naku! Ipapa-proof read mo sa propesor mo.

At madalas maraming napipikon sa kanya dahil maliban sa “mapait siyang magbiro,” gaya ng sabi ni Bienvenido Lumbera, ay matatamaan talaga ang dapat matamaan sa kanyang satire at political undertone. Dahil dito masasabing rebelde si Reyes, at patuloy pa rin sa pagrerebelde.

Ngayon, paano babasahin itong bagong aklat ni Reyes na sa una pa lang hindi na ma-classify kung anong uri ito? Nobela? Autobiography? Investigative Report?

Kinikuwento ni Reyes dito kung papaano niya susulatin ang nobelang nasa isip: Ang Huling Dalagang Bukid. “Buo na ang kuwento ko sa utak. May setting at plot na ako. May mga tauhan na rin na dapat buhayin. Ang kailangan ko’y mga totoong tao bilang reference. Kaya nga gusto kong umuwi ulit, kung puwede lang.” Hala! Lagot! Hindi siya puwedeng umuwi dahil pinaghahanap siya ng armadong kalalakihan sa Hagonoy, Bulacan dahil napikon yata sa kanyang naisulat tungkol sa mga smugglers at illegal recruiters.

Dadalhin ka ng problema papasok sa mundo ng awtor. Sisimulan na ang authobiography na mali dahil nga nobela ito at hindi non-fiction, na ipapamukha naman ni Reyes na puwedeng pagsamahin ang dalawa.

Animo’y mababasa na ang lahat ng tungkol sa kanya. Siya bilang pinalaking paslit, siya na nagsasabing mas mahirap ipaliwanag ang pagsusulat kaysa sa mismong pagsusulat, siya bilang guro sa UP na tumitira sa dorm na may karatulang Your Stay Here is a Privilege kasi hindi ka na makakareklamo pa sa dami ng reklamo, siya na pagpipinta ang inaatupag kung pagod na sa pagsusulat, at siya na nagtatanong kung “Bakit laging ang naapi ang pinaalis?” at “Bakit hindi ang nang-aapi?”.

Lahat na din yata ng mga KKK (kaibigan, kamag-anak, kasama)—na dagdagan pa ng ilang ulit na K (kainuman, kachikahan, kachurvahan, pati na kaaway,) ay makikilala dito, totoo man sila o hindi.

Ang Bayan ng Wakas naman ang magsisilbing social touch ng akda. Ang lugar na ito ay nadaanan niya nang tumakas ito at tumahak sa maling daanan para iligaw ang mga armadong lalaking naghahanap sa kanya sa Hagonoy.

Napansin niyang ang mga binata’t dalaga sa Wakas, na isang bukirin, ay nawawala na dahil sa ibang bansa na nagtatrabaho: “Wala nang dalagang bukid, at sa isang banda’y wala na ring gustong maging binatang bukid. Kawawang bukid. Ibenta na lang sa mga dahuyan para sila na ang mamroblema sa pananim. I-export na rin nang buong-buo ang Pilipinas. Naisip na iyon ng mga politikong trapo. Madali lang iyon, baguhin lang ang konstitusyon, mababago ang lahat. Pati ang katinuan ng lupa.”

Tinutuligsa na ni Reyes ang labor export policy ng gobyerno na sanhi na naman ng kahirapan dahil nga wala ng natitirang manggagawa sa kanayunan at nagiging OFW para maglinis ng puwet ng mga matatandaang dayuhan.

Sa panahon ng globalisasyon, mahirap nang aminin na ikaw ay magsasaka at lumaki sa bukid, jologs ka na nga, masakit pa sa bangs. Kaya buti pang umalis na lang sa bukid at magtungo sa bakod ng mga kapitalista kahit hindi invited para madanas naman kung papaano maging first class o sosyal sa first world, na sa huli ay magiging mali ang pagdanas kasi pantasya at ilusyon lang iyon, at hindi puwedeng sabihin na asensado na ang buhay dahil walang asenso kung puro pag-papantasya at pag-iilusyon ang ginagawa.

Papayag ba naman ang mga kapitalista na ang isang dalaga at binatang bukid ay maging kapareho nila? No way! Hindi ka belong! Buti pa na mabuhay na lang sa materyal na kahirapan dala ng komodipikasyon at konsumeristang sistema.

Kaya nga kahit tiga-bukid ay naka iPod habang nakasakay ng kuliglig kasi kailangan may ganun. Kaya nga kahit namumulot ng basura sa Payatas ay naka-N95 kasi dapat may ganun. Kaya nga tatawanan ka kung sinabing hindi pa nakakatapak kailanman sa mall kasi kasali na iyon sa hierarchy of needs ng tao—kahilera na ng food,  shelter, at clothing ang malling, at minsan pa nga ay innuna ang huli, para maakses ang unang tatlo. At lahat ng iyon ay kagagawan ng malaking B (usiness) na susundan ng malaking P (rofit).

Ano nang nangyari sa Huling Dalagang Bukid? Kagaya ng isda, hayun at inexport rin. Nahuli nga lang sa pag-alis. Naging japayuki dahil laos na ang mga Binatang Bukid na naging construction worker sa Saudi. Mahina at pundido na. Kaya si Linda na huling umalis sa Bayan ng Wakas ang Huling Dalagang Bukid. Buhay na naman niya ang mababasa maliban sa buhay ni Reyes. Tsk tsk tsk, mali nga talaga ang authobiography dahil dalawang buhay na ang itatampok.

Ano na rin ang mangyayari sa mga naiwang bukid? To the rescue na siyempre ang mga multi-national na korporasyon dyan. Una, para pagkakitaan, at pangalawa, para pagkakitaan uli. Ang gobyerno? Una, gagawing expressway, at pangalawa, para pagkakitaan din—tatamnan ng pang-export na produkto kasabay ng mga mamamayan nito para sa pagkonsumo ng mga dayuhan.

Matutunghayan na rin kung bakit tinawag itong imbestigasyon dahil mala-investigative report nga ang ilan sa mga elementong nagsulputan dito. Investigative para kay Reyes kung papaano niya papakawalan ang nobelang nasa isip. Investigative sa porma ng lenteng naninipat sa kalagayan ng lipunan. Investigative sa buhay ng mga biktima ng globalisasyon at neoliberalismong polisiya. Siguro, investigative rin para sa mga armadong lalaking naghahanap kay Reyes para siguro hulihin at sa huli ay papatayin sang-ayon na rin sa Oplan-Oplan-Oplan ng militar.

Sa hulihan ng aklat ay para na rin itong nagwakas dahil nailahad na lahat ni Reyes ang gusto niyang sabihin, at marami nang nalaman tungkol sa kanyang paksa. Is he going to live happily ever after? Oo naman, dahil buo na ang utak niya at magsusulat na siya. Papatayin na niya ang lungkot. Mamatay na lahat ng kalungkutan sa mundo!

Habang patuloy sa pagiging malikhain si Reyes ay hindi rin matatapos ang kanyang pagrerebelde. Nandiyan pa rin ang mga pikon at paki-alamera, kasama ng mga nagmamagaling at mayayabang, pero narito rin ang mga nagbabalikwas sa mga nangingialam, namimikon sa mga pikon, nagmamagaling sa mga nagmamagaling, at nagyayabang sa mga nagyayabang. Tradisyonal man yan o postmodernista; fiction kasabay ng non-fiction; nagmamalinis kontra sa nagrerebelde, patuloy pa rin ang naratibo ng tunggalian ng mga nasa tuktok at nasa ibaba.

Masuwerte nga lang uli iyong mga nasa ibaba dahil mayroon silang Jun Cruz Reyes na abot-kamay na hinahangaan at kanyang mga akda, tulad nitong bago, na sumasalamin sa kanilang buhay.

Si Juan Paolo C. Malenab ay nag-aaral sa Holy Angel University (HAU) sa Angeles City, Pampanga. Associate Editor siya sa kasalukuyan sa The ANGELITE, official student publication ng HAU. Opisyal rin siya ng College Editors Guild of the Philippines-Central Luzon chapter.