Istorya ng Linggo Pambansang Isyu

10 mahahalagang istoryang pinalampas ng midya noong 2011


Sampu sa maraming mahahalagang istorya noong taong 2011 na hindi masyado pinansin ng mainstream media.

Mahalaga, ngunit nagkulang sa pansin. Tinipon ng Pinoy Weekly ang mga istorya noong 2011 na tinataguriang “underreported” o hindi nabigyan ng midya ng sapat na espasyo (sadya man o hindi) sa kanilang mga ulat bilang isyu o kaganapang dapat alam ng publiko. Nabigyan sana ang publiko ng kumpleto at mas tumpak na larawan ng ating pambansang kalagayan sa pamamagitan ng pagpapatampok sa mga istorya at perspektibang ito mula sa mardyinalisadong mga sektor ng lipunan.

(Basahin ang 10 istoryang pinalampas ng midya noong 2009 at 2010)

Ang sampu, walang partikular na pagkakasunud-sunod.

Mga magsasaka ng Hacienda Looc: Lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa. (Soliman A. Santos/PW File Photo)
Mga magsasaka ng Hacienda Looc: Lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa. (Soliman A. Santos/PW File Photo)

Iba’t ibang hacienda’t lupain, iisang paglaban para sa tunay na reporma sa lupa

Isa lamang ang Hacienda Luisita sa maiinit na lugar ng pakikipaglaban para sa karapatan sa lupa ng mga magsasaka.

Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nangungunang problema pa rin ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa. Iniulat ng  Pinoy Weekly ang ilang istorya hinggil sa mga malalaking lupaing pag-aari o inaangkin ng pinaka-malalaking panginoong maylupa at negosyante sa bansa. Sa mga lupaing ito, halimbawa sa Hacienda Looc sa Batangas at Pantabangan sa Nueva Ecija, iginigiit ng organisadong mga magsasaka ang kanilang karapatan. Naglulunsad sila ng mga talakayan, nakikipag-ugnayan sila sa mas maraming bilang ng mga mamamayan, at nagsasagawa ng mga kilos-protesta para bigyang-liwanag ang kanilang ipinaglalaban na karapatan sa lupa.

Sinisikap nilang ihayag sa midya ang kanilang paglaban, pero hindi sila nakakakuha ng espasyo rito. Samantala, nagbabanta, kundiman lantarang ginagamitan na, ng karahasan ng mga panginoong maylupa ang  lumalabang mga magsasaka, tulad ng nangyari sa Central Mindano University sa Bukidnon.

Tigil-pasada sa Kamaynilaan noong Setyembre 19. (Soliman A. Santos)
Tigil-pasada sa Kamaynilaan noong Setyembre 19. (Soliman A. Santos)

Matagumpay na tigil-pasada vs kartel ng langis, overpricing

Sa kabila ng huling-minutong pag-atras ng mga dilawang grupong transport sa napagkaisahang tigil-pasada at protesta ng mga tsuper at opereytor sa buong bansa noong Setyembre 19, matagumpay na naidaos ito sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston). Mistulang sirang plaka naman ang midya sa pag-ulat hinggil sa “palpak” umanong tigil-pasada – pagkatapos iulat na maraming komyuter ang naistranded sa mga kalsada dahil wala halos na dyip na pumasada sa maraming kalsada ng Kamaynilaan noon.

Paliwanag ni George San Mateo ng Piston, kinailangan ng malawak na suporta ng iba’t ibang sektor ang naturang tigil-pasada. Hindi lang kasi transport sector ang apektado ng di-makontrol na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa pagkagahaman ng mga kompanya ng langis. At sumuporta sila: mga manggagawa, kawani ng gobyerno, maralitang lungsod, kababaihan, kabataan, pati mga kaanak ng mga overseas Filipino workers – nagpiket sa iba’t ibang sentro ng protesta sa Kamaynilaan at iba pang sentrong-bayan para ihayag na di sila papayag sa patuloy na overpricing ng kartel ng langis.

Matapos ang tigil-pasada, isiniwalat ng militanteng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pakikipagkompromiso diumano ng mga “dilawang” grupong transport sa Malakanyang na huwag lumahok sa tigil-pasada, kapalit ng (di pa rin natutupad na) pangakong rerepasuhin sa Kongreso ang Oil Deregulation Law. Humiling din ang mga grupong ito ng ilan pang konsesyon, maliban sa palpak na Pantawid Pasada cards. Pero kahit ito, hindi pa naibibigay. Suspetsa ng KMU, ginawa ring “panuhol” sa naturang dilawang mga grupo ang iniaalok na pautang ng gobyerno sa mga drayber at opereytor ng mga dyip para sa kumbersiyon ng kanilang mga dyip mula gasolina patungong LPG.

Mga eroplano ng PAL. (KR Guda)
Mga eroplano ng PAL. (KR Guda)

Kahinaan ng dilawang unyonismo sa welga ng mga empleyado ng Philippine Airlines

Inunahan ng pamunuan ng Philippine Airlines Employees Association (Palea) ng protestang work stoppage noong Setyembre 27 ang nakaplanong welga ng mga manggagawa ng PAL noong Oktubre 1, ang parehong araw ng implementasyon ng malawakang outsourcing sa naturang airline company. Maituturing itong isa sa mga kahinaan ng pamunuan ng Palea, pangunahin ng pangulo nitong si Gerry Rivera at pangkalahatang kalihim na si Bong Palad, gayundin ang kaalyado ng dalawa na “dilawang samahan ng mga manggagawa” na Partido ng Manggagawa, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Papaano ba naman, ayon sa KMU, hindi maayos na naihanda ng Palea ang mga manggagawa nito sa paglulunsad ng malawakang work stoppage. Hindi umano nito hinintay ang naunang petsa ng welga, at hindi pa naiabiso sa publiko, na tiyak na aangal dahil sa matitigil na serbisyo. Mali pa ang timing¸ dahil kasagsagan ng bagyo noong panahong iyon at marami ang nabalahaw sa mga airport dahil sa naturang tigil-trabaho. Dahil dito, nabigyan ng dahilan (kahit wala sa katwiran) ang manedsment na tawaging  “welga” na ang naturang aksiyon. Pinagtatanggal nito ang mga lumahok sa protesta nang walang separation pay at iba pang benepisyo. Hindi rin epektibong nakuha ng Palea ang suporta ng publiko, sa kabila ng malinaw na makatwirang ipinaglalaban nito.

Sa usapin ng taktika, ayon sa KMU, malinaw na “palpak” ang protestang Set. 27. “Kung hindi papapasukin ng mga manedsment ng PAL ang mga manggagawa sa naturang petsa (Okt. 1), malinaw na illegal lockout ito – na kawelga-welga kahit sa kontra-manggagawang batas ng gobyerno,” pahayag ng KMU. Duda ng naturang grupo, may sabwatan na ang PAL manedsment, ang may-ari nitong si Lucio Tan, at ang pamunuan ng Palea, sa naunang paglunsad ng protesta. “Sa proseso, tinitiyak ng pamunuan ng Palea ang mas mabilis na pagpapatupad ng mga kontra-manggagawang iskema ni Lucio Tan kasabwat ang rehimeng Aquino,” sabi pa ng KMU.

Sa kabila nito, sinusuportahan ng KMU, at kahit ng iba pang  militanteng grupo, ang makatarungang laban ng mga manggagawa ng PAL kontra sa kontraktuwalisasyon at atake sa mga karapatan sa paggawa.

Akses sa serbisyong pangkalusugan, hindi pagkontrol sa populasyon, ang nais ng kababaihan, ayon sa Gabriela. (Ilang-Ilang Quijano/PW File Photo)
Akses sa serbisyong pangkalusugan, hindi pagkontrol sa populasyon, ang nais ng kababaihan, ayon sa Gabriela. (Ilang-Ilang Quijano/PW File Photo)

Posisyon ng Gabriela na pabor sa Reproductive Health Bill, pero kontra sa Population Control

Pangunahing awtor ang dalawang kinatawan ng Gabriela Women’s Party na sina Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus ng orihinal na bersiyon ng Reproductive Health Bill na House Bill 3387, bago nakonsolida para maging House Bill 4244. Sa orihinal na bersiyong ito, binibigyang diin ang pagbigay-akses sa maralitang kababaihan sa mga serbisyong pangkalusugan, laluna sa usapin ng kanilang reproduktibong kalusugan. Ayon sa Gabriela, 25 porsiyento lamang ng maralitang kababaihan na nanganganak ang may akses sa propesyunal na manggagawang pangkalusugan, di tulad ng 92 porsiyento ng kababaihang propesyunal na nanganganak. Malinaw umanong mas nangangailangan ng kababaihan ng akses sa serbisyong pangkalusugan. Mas marami ring maralitang kababaihan ang namamatay sa panganganak o pagbubuntis. Paliwanag ng Gabriela, ang HB 3387 ay nagtataguyod ng “maka-mahihirap, rights-based, siyentipiko at komprehensibong” reproduktibong kalusugan. Rights-based, dahil itinuturing ang RH – at serbisyong pangkalusugan sa pangkalahatan – bilang karapatan ng lahat. Nilalabanan nito ang diskriminasyon sa akses sa nasabing mga serbisyo.

Pero nang makonsolida ito sa HB 4244, naipasok ng ibang awtor ang framework ng “pagkontrol sa populasyon.” Sa Seksiyong 12 ng naturang panukalang batas, ipinapailalim sa mga programang kontra-kahirapan ng gobyerno ang pagplano ng pamilya at “responsible parenthood.” Nakabatay ito sa maling paniniwalang ugat ng kahirapan ang paglaki ng populasyon ng bansa. Ibig sabihin, wala sa imperyalismo, kawalan ng reporma sa lupa, korupsiyon, neoliberal na mga polisiya ng pribatisasyon, deregulasyon, liberalisasyon, atbp., ang dahilan ng patuloy na kahirapan at pagsasamantala.

“Habang patuloy na tinatanggap ang maling paniniwalang ito, hindi pinapanagutan ng pamahalaan at malalaking kapitalista ang deka-dekadang kahirapang dinulot nila sa bansang ito, at ang bagsak na sistemang pangkalusugan ng bansa na tinalikuran na ng pamahalaan,” sabi ng Gabriela Women’s Party.

Malaganap ang pagkober ng mainstream na midya sa mga debate, pagkilos at pagposisyon ng iba’t ibang grupo hinggil sa RH Bill. Pero hindi nabibigyan ng pokus ang matalas na pagsusuri na ito sa naturang panukalang batas.

(Basahin ang mga artikulong ito sa Pinoy Weekly hinggil sa RHB: “Debateng RH: Sa likod ng postura ni PNoy,” at “RH Bill: Ang magkakaiba at magkakatugmang pananaw.”)

"Madugo" ang matuwid na daan ng administrasyong Aquino, ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao. (Macky Macaspac/PW File Photo)
"Madugo" ang matuwid na daan ng administrasyong Aquino, ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Impunity sa ilalim ng rehimeng Aquino

Sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo (Enero 2001-Hunyo 2010), tumindi ang pampulitikang panunupil at kawalan ng pananagutan sa mga pamamaslang, pagdukot at paglabag sa karapatang pantao. Sa prosekusyon kina Arroyo at mga tulad nina Hen. Jovito Palparan Jr., nagsisimula pa lamang ang pagpapanagot sa mga nasa likod nito.

Pero di pa man napaparusahan sina Arroyo, nagpapatuloy pa rin ang polisiya ng paggamit ng dahas laban sa mga tumututol sa gobyerno at sa panlipunang kaayusan sa bansa. Sa ilalim ni Benigno Aquino III (hanggang Okt. 2011), umabot na sa 64 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang, siyam ang sapilitang dinukot, 27 ang biktima ng frustrated killing, 208 ang ilegal na ikinulong. Mahigit 300 ang bilanggong pulitikal. Libu-libo ang apektado sa marahas na mga kampanyang kontra insurhensiya, demolisyon sa maralitang mga komunidad, at iba pang abuso ng mga ahenteng panseguridad ng Estado. Marami sa mga biktima, mga aktibista, miyembro ng militanteng mga organisasyon at party-list, at taumbayang tumututol sa iba’t ibang polisiya, patakaran at pamamalakad ng kasalukuyang administrasyon at sistema.

Samantala, hindi pa rin napaparusahan ang mga salarin ng mga abuso ng nakaraang administrasyon. Ang pinakamalalang insidente ng pandarahas sa panahon ng halalan, ang masaker sa Ampatuan noong Nob. 2009, ay hindi pa rin nareresolusyonan – nakararanas pa nga ang prosekusyon ng samu’t saring sagka.

Nakokober ng mainstream media ang ilang mga kaso ng pampulitikang panunupil at paglala ng impunity, pero hindi ito naituturol sa kainutilan ng kasalukuyang administrasyong Aquino. Hindi natutukoy ang responsabilidad ni Aquino sa paglala ng impunity dahil sa kakulangan ng prosekusyon sa mga maysala at sa pagpapatuloy pa nga ng mga mararahas at mapanupil na polisiyang “panseguridad.”

Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa isang pagdinig sa Kamara hinggil sa Charter Change. (KR Guda/PW File Photo)
Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa isang pagdinig sa Kamara hinggil sa Charter Change. (KR Guda/PW File Photo)

Pasimpleng pagtulak ng Charter Change sa Kongreso

Mga kaalyado ni Pang. Benigno Aquino III ang nagtutulak sa pagrepaso sa Saligang Batas, laluna sa mga probisyong pang-ekonomiya nito. Hindi ito kikilos nang walang abiso kay Aquino, sa Malakanyang o sa mga pinuno ng Partido Liberal. Pero ipinaniniwala ni Aquino ang publiko na walang kinalaman ang Pangulo sa pinakabagong hakbang na Charter Change.

Kabilang sa nais iparepaso ng mga kaalyado ni Aquino sa Kamara ang mga probisyon hinggil sa: Pagbabawal sa 100 porsiyentong dayuhang pag-aari ng negosyo sa Pilipinas; Dayuhang eksplorasyon, pagpapaunlad at paggamit ng likas na mga yaman sa bansa; Dayuhang pag-aari sa midya; Dayuhang pagsapraktika ng mga propesyon, tulad ng abogasya, enhinerya, at iba pa; Dayuhang pag-aari ng mga eskuwelahan; At pagpapalawig hanggang 50 taon ng dayuhang pangungupa sa lupa.

Tahasang itanggi man ng Pangulo ang kamay niya sa panibagong bersiyon ng Charter Change, malinaw na may malakas na puwersa na nagtutulak dito sa loob ng kanyang administrasyon. Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami ang impluwensiya ng gobyernong US sa administrasyon – nagsalita na ang embahador ng US, si Harry Thomas, gayundin ang American Chamber of Commerce in the Philippines, na pabor sa panukalang batas. Maging ang European Union, nagpahayag na nais nilang makita ang naturang mga pagbabago sa Konstitusyong 1986 ng Pilipinas. Papaano ba naman, mga kompanya nila ang makikinabang sa tuluyang pagbukas ng  merkado sa Pilipinas ng kanilang mga produkto at serbisyo. Samantala, inaasahang mananatiling bansot ang batayang mga industriya ng Pilipinas, pati na ang agrikultura, at lalala ang paghihirap sa bansa.

Di nakakakuha ng parehong atensiyon sa midya ang panukalang Cha-cha. Marahil, bahagi ng dahilan ang pahayag ng mga alyado ng Malakanyang na magiging istrikto sa mga pang-ekonomiyang probisyon ang pagrepaso. Sa nakaraang mga administrasyon, malakas ang hinala ng publiko na term extension ang nagtutulak sa Cha-cha. Pero kung susuriin, di hamak na mas mapepeligro ang bansa sa kasalukuyang mga panukala.

Jorge "Ka Oris" Madlos ng NDF-Mindanao. (KR Guda/PW File Photo)
Jorge "Ka Oris" Madlos ng NDF-Mindanao. (KR Guda/PW File Photo)

Matinding kalaban ng mga kompanya ng large-scale mining sa kanayunan

Sa pangkalahatan, kulang at kadalasa’y di-accurate, naman talaga ang coverage ng mainstream media sa mga posisyon, paninindigan at aktibidad ng rebolusyonaryong kilusan, partikular ng New People’s Army, Communist Party of the Philippines at National Democratic Front. Bahagi sa di-naisusulat na bias ng mainstream media ang tinaguriang establishment bias, o bias pabor sa namamayaning sistema at makapangyarihang mga puwersa sa lipunan. Kung kaya, hindi nakapagtatakang puno ng bias ang pagkober nito sa mga posisyon, paninindigan at aktibidad ng naturang mga organisasyon.

Hindi accurate, halimbawa, ang pagkober nito sa posisyon at paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan sa malawakan at komersiyal na pagmimina sa mga kabundukan at kanayunan ng Pilipinas. Inilinaw na ng NDF ang prinsipyo nitong pagbabawal ng large-scale mining sa sinasaklawang mga “teritoryo” nito.

Ang polisiyang ito ang nasa likod ng mga atake sa malalaking kompanya ng mina sa Northeastern Mindanao noong Oktubre 3. Panahong ito, nilusob ng tinatayang 200 gerilya ng NPA ang Taganito High-Pressure Acid Leaching, Taganito Mining Corporation, at Platinum Group Metals Corporation sa bayan ng Claver, Surigao del Norte. Sinunog nila ang mga sasakyan, kagamitan, at pasilidad ng mga kompanya sa isang reyd na walang iniwang sugatan.

Sa pangkalahata’y inulit ng midya ang pahayag ng militar at administrasyong Aquino hinggil sa mga reyd: Na “patraydor” na inatake ng NPA ang mga instalasyon ng mga kompanya na nagbibigay daw ng trabaho sa probinsiya; na “teroristang atake” ang isinagawa ng mga rebelde sa naturang mga kompanya. Hindi na nabigyang-diin ang malawakang paninira sa kalikasan na isinagawa ng naturang mga kompanya.

Noong sinalanta ng bagyong Sendong ang Hilagang Mindanao, kinondena ng mga grupong maka-kalikasan ang mga malawakang magtotroso at malalaking kompanya ng mina. Agad na inilabas sa midya ang reaksiyon ng malalaking kompanyang ito, na nagsabing paninira lamang daw sa kanila ang pag-ugnay sa pagkasira sa kalikasan sa kanilang mga aktibidad. Hindi pa rin naiuugnay ang positibong mga kontribusyon ng rebolusyonaryong kilusan sa paglaban sa pagkasira sa kalikasan.

Press conference ng NDFP Negotiating Panel at mga pandaigdigang abogado nito, noong Nobyembre. (Jon Bustamante/PW File Photo)
Press conference ng NDFP Negotiating Panel at mga pandaigdigang abogado nito, noong Nobyembre, sa Utrecht, the Netherlands. (Jon Bustamante/PW File Photo)

Di pagrespeto ng GPH sa naunang mga kasunduang pangkapayapaan sa NDFP

Kita rin ang establishment bias  sa pagkober ng mainstream media sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rebolusyonaryong kilusan at gobyerno ng Pilipinas. Sa pagkober na ito, mistulang ipinapakitang “pagmamatigas” ang paggigiit ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na sundin ng gobyerno ang naunang mga kasunduang nilagdaan ng magkabilang panig. Kahit na, malinaw naman sa sinumang independiyenteng tagamasid na anumang peace talks ay hindi magtatagumpay kung walang balak na sundin ng alinman sa dalawang panig ang nilalagdaang mga kasunduan.

Sa kaso ng usapan ng GPH at NDFP, ito ang isyu sa patuloy na pagkabalahaw ng negosasyon. Nagmamatigas pa rin ang negotiating panel ng GPH na di raw nito kailangang tupdin ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) at iba pang kasunduan. Patuloy nitong ipinipiit ang mga konsultant ng NDFP, kahit na malinaw na saklaw ang mga ito ng Jasig. Wala itong ipinapakitang confidence-building measures tulad ng pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal para lumuwag ang usapan. Hindi rin ito nagbuo ng malinaw na panukala o burador para sa sunod na adyenda ng usapan, ang Socio-Ekonomikong mga Reporma.

Panawagan ng mga manggagawa sa gobyerno. (KR Guda/PW File Photo)
Panawagan ng mga manggagawa sa gobyerno. (KR Guda/PW File Photo)

Mga atake sa karapatan ng mga manggagawa, tulad ng lumalalang kontraktuwalisasyon at kawalan ng makabuluhang dagdag-sahod

Lumipas ang Araw ng Paggawa noong Mayo 1 na hindi man lang nakatikim ang mga manggagawa ng dagdag-sahod, kahit pangako lang, mula kay Pangulong Aquino. Ang iginawad sa kanila, Cost of Living Allowance (COLA) na P22. Samantala, walang prenong nagtaasan ang presyo ng mga bilihin, kabilang ang langis at iba pang batayang mga produkto at serbisyo.

Patuloy na itinanggi ng administrasyong Aquino ang panawagan para sa makabuluhan, o P125, na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, at P6,000 dagdag sa buwanang suweldo ng mga empleyado ng gobyerno. Ang sabi nila, magbubunsod lamang ang dagdag-sahod ng isang “inflationary spiral” – na ibig sabihin lamang ay pagtaas daw lalo ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Pero giit ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), at iba pang militanteng grupo, patuloy naman ang taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo kahit matagal nang walang dagdag-sahod. Ibig sabihin, ang kainutilan ng gobyerno, at hindi ang paggiit ng mga karapatan ng mga manggagawa at mamamayan, ang ugat ng taas-presyo.

Hinamon ng KMU sa isang pampublikong debate ang Malakanyang hinggil sa napakahalagang isyung ito. Pero hindi kumagat ang Malakanyang, pati na ang midya.

Samantala, hindi pa rin paawat ang gobyerno sa pagbasbas ng tumitinding kontraktuwalisasyon sa lakas-paggawa. Pinakalantad na rito ang pagbasbas ni Pang. Benigno Aquino III mismo sa kontraktuwalisasyon sa Philippine Airlines.

Dahil sa Labor Export Policy (na nirepresenta ng eroplanong effigy ng Migrante noong Disyembre) ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon, nagiging bulnerable umano ang mga Pinoy sa ibang bansa sa tanggalan, pang-aabuso at diskriminasyon. (Macky Macasapac/PW File Photo)
Dahil sa Labor Export Policy (na nirepresenta ng eroplanong effigy ng Migrante noong Disyembre) ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon, nagiging bulnerable umano ang mga Pinoy sa ibang bansa sa tanggalan, pang-aabuso at diskriminasyon. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Papalalang pandaigdigang krisis sa ekonomiya at epekto sa mga migranteng Pilipino

Lalong naramdaman ang matinding krisis pang-ekonomiya sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, partikular sa Europa at US. Isa sa kagyat na naapektuhan nito ang mga migranteng Pilipino sa naturang mga bahagi ng daigdig, na nandoon dahil sa labis na kakulangan ng nakabubuhay na empleyo sa bansa, at polisiya ng tahasang paghikayat ng gobyerno sa kanila na mangibang-bansa.

Matapos ang pagputok ng housing bubble sa US dahil sa labis na ispekulasyon noong 2008, tuluy-tuloy nang bumulusok ang ekonomiya nito, at pinaka-naapektuhan ang pinakamahihirap na mga mamamayang Amerikano at migrante. Nitong nakaraang taon, lalong tumindi ang krisis, na naging lantad matapos i-downgrade ng Standard and Poor ang credit rating ng US. Baon sa utang ang naturang bansa dahil sa sobrang gastos sa bailouts sa malalaking kompanya, sa giyera at iba pa. Samantala, sa Europa nama’y maraming bansa ang bangkarote na ang ekonomiya, tulad ng Greece, Ireland at Portugal.

Nagpahayag ang administrasyong Aquino na wala raw epekto ang credit downgrading sa US at krisis piskal sa Europa sa ekonomiya ng Pilipinas. Pero inilinaw ng maraming ekonomista na tiyak na maapektuhan ang bansa, dahil sa matagal nang pagkatali ng ekonomiya ng Pilipinas sa nababangkarote nang pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya na pinangungunahan ng US at Europa.

Samantala, sa mga bansang ito, nagiging mahirap na rin ang empleyo. Isa sa pinakaunang napupuntirya ng malawakang tanggalan at diskriminasyon ang mga migrante, kabilang ang mahigit 10 milyong Pilipino sa ibang bansa. May mga bansang tulad ng Italy at Saudi Arabia na nagpahayag na ng inisyal na planong pagbawas ng bilang ng mga ineempleyong migrante para bigyang prayoridad ang lokal nilang mga manggagawa. Maraming bansa na rin ang nag-anunsiyo ng pagkaltas ng sahod at/o benepisyo sa mga migranteng nagtatrabaho sa kanila.

Iba pang isyung pinalampas ng midya noong 2011: Bisita nina US Senators Daniel Inouye at Thad Cochran hinggil sa posibleng muling okupasyon ng US sa Subic; Balikatan sa Hacienda Luisita at Tarlac; Institusyonal na korupsiyon sa AFP; Austerity measures sa gobyerno; Relief efforts ng mga maralita at mga organisasyong masa sa Northern Mindanao; Di pag-asikaso ni PNoy sa mga kaso kontra Arroyo; Mga perwisyo sa Conditional Cash Transfer; Isyu sa Spratlys at dominasyon ng US sa Asya-Pasipiko; Mga sikreto ng pangingialam ng US sa Pilipinas na nabunyag sa WikiLeaks; Palpak na Cheaper Medicines Act; Sampung taon ng Epira; Dumarami at tuminding demolisyon; ‘Kataksilan’ ng embahada ng Pilipinas sa Japan matapos ang sakuna; Panganib ng plantang nukleyar; 15 taon ng Mining Act; Kanya-kanyang diskarte ng mga OFW na naipit sa digmaan sa Libya; Abusong seksuwal ng paring Katoliko at kawalang aksiyon dito ng CBCP; Maanomalyang kompensasyon sa mga biktima ng Batas Militar; at marami pang iba.