Kampanya laban sa iresponsableng pagmimina pinaigting


Nagsagawa ng porum ang mga grupong maka-kalikasan sa ilalim ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) sa Pampanga kamakailan para talakayin ang banta ng malawakang pagmimina sa Mt. Abo, isang importanteng watershed at lupaing ninuno ng libu-libong katutubong Aeta sa naturang erya. Ang naturang porum ay simula umano ng tinawag nilang pinaigting na […]

Mula Luzon hanggang Mindanao, tinututulan ang pagpasok ng malalaking kompanya ng mina. Noong Enero 25, nagsagawa rin ng protesta ang mga magsasaka sa Compostela Valley laban sa malaking pagmimina. (Jonald Mahinay)

Nagsagawa ng porum ang mga grupong maka-kalikasan sa ilalim ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) sa Pampanga kamakailan para talakayin ang banta ng malawakang pagmimina sa Mt. Abo, isang importanteng watershed at lupaing ninuno ng libu-libong katutubong Aeta sa naturang erya.

Ang naturang porum ay simula umano ng tinawag nilang pinaigting na pambansang kampanya laban sa iresponsableng pagmimina.

“Kaisa kami ng mga kapatid nating Kapampangan, na nagkakaisa sa ilalim ng Ipamingwa Network laban sa pagmimina sa Mt. Negron, sa panawagan na itigil ang panghihimasok ng dayuhang kompanyang Shuley Mines, Inc. at lokal nitong kasapakat na Pisumpan Copper Mines, Inc. Ito’y isang halimbawa ng mapandambong na kampanya ng malalaking kompanya ng pagmimina para sairin ang tinatayang P47 trilyong halaga ng mineral, sa kapinsalaan ng mamamayan at ng kalikasan,” ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan PNE.

Limang kilometro mula sa Mt. Pinatubo, ang Mt. Abo ay tirahan ng mga Aeta sa mga sityo ng Tappi, Liplip, Kuyukot, Patal Apalit, Pasbul at Camias at siyang pinagmumulan ng Ilog Porac-Gumain na nagbibigay ng inuming tubig sa mga komunidad at irigasyon sa mga lupaing agrikultural.

Sinabi ni Bautista na maaaring maglaho ang mga komunidad ng Aeta at magdulot ng pinsala at polusyon sa tubig at lupa ang pagmimina sa Mt. Abo. Maliban sa pagguho ng lupa at mga pagbaha, maaari umanong palalain ng pagmimina ang pagbuga ng magma ng Mt. Abo.

Ayon naman sa Kalikasan Party-list, isang bagong tatag na partidong makakalikasan na nagsagawa ng imbestigasyon sa Mt. Abo noong Oktubre 2011, maraming masamang epekto ang idudulot ng pagmimina sa mamamayan at kalikasan.

“Natuklasan namin na may mayamang biodiversity sa loob ng kagubatan na sumusuporta sa kultural, sosyal at ekonomikong pangangailangan ng komunidad ng mga katutubo na naninirahan sa naturang lugar. Napatunayan ng aming pagsusuri na ang tubig sa Mt. Abo ay mataas ang kalidad. Ang kontaminasyon sa suplay ng tubig at pagkalbo sa kagubatan ay maaaring mangyari kung hahayaan ang pagmimina sa lugar,” paliwanag ni Leon Dulce ng Kalikasan Party-list.

Idinagdag ng Kalikasan Partylist na mahigit 730 aplikasyon at kasunduan sa pagmimina ang ibinigay ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2011 na sumasaklaw sa 1,100,000 ektarya ng lupain ng bansa.

Binalaan pa ng Kalikasan si Pangulong Aquino na nakahanda ang mamamayang Filipino na labanan ito sakaling ipagpatuloy nito ang pagkupkop sa mga kompanya ng pagmimina. “Mahigpit naming binabantayan ang Minerals Policy Group na binuo ni Pangulong Aquino para gumawa ng mga bagong polisiya sa pagmimina,” Ayon pa kay Dulce.