Pambansang Isyu

Pagrepaso sa Oil Deregulation Law, hiniling na iratsada ‘gaya ng impeachment’


Nagpiket kahapon ang iba’t ibang grupo sa harap ng House of Representatives para ipresyur ang mga mambabatas na umpisahan na ang pagrepaso ng Oil Deregulation Law (ODL), sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. “Ipinakita ng Kongreso na kaya nilang magratsada ng desisyon sa kaso ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona, […]

Piket noong Enero 25 para ipresyur ang mga mambabatas na repasuhin ang Oil Deregulation Law (Contributed Photo)

Nagpiket kahapon ang iba’t ibang grupo sa harap ng House of Representatives para ipresyur ang mga mambabatas na umpisahan na ang pagrepaso ng Oil Deregulation Law (ODL), sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

“Ipinakita ng Kongreso na kaya nilang magratsada ng desisyon sa kaso ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona, pero ang mahahalagang panukalang batas na tuwirang makakabenepisyo sa mamamayan, tinutulugan nila,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, grupo ng kababaihan.

Hiniling ng mga grupo sa House Committee on Energy na simulan na ang pagdinig sa mga panukalang batas para ibasura ang ODL o Republic Act 8479.

“Maging ang Malakanyang at Department of Energy, sinasabi na ang deregulasyon ang dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng langis. Hindi puwedeng ganito na lang palagi. Hindi puwedeng laging walang magagawa ang gobyerno. Responsibilidad ng Kongreso na repasuhin ang Oil Deregulation Law at iba pang panukalang batas na layong solusyunan ang pagtaas ng presyo ng langis,” ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, awtor ng House Bill 4317.

Nakabimbin sa Kongreso ang anim na mga panukalang batas para ibasura ang ODL, kabilang ang HB 4317 na inihain ng progresibong mga party-list.

Pinaalalahanan din ng Gabriela si House Speaker Feliciano Belmonte sa kanyang umano’y pangako na kikilos ang Kongreso para kontrolin ng gobyerno ang industriya ng langis, sa isang dayalogo noong nakaraang taon.

“Pinapaalala namin kay Speaker Belmonte na hinihintay pa rin ng kababaihan, bilang mga konsyumer, komyuter at manager ng pamilya, ang kanyang pangako,” ani Linaban.

Ipinangako rin mismo ni Pangulong Aquino noong nakaraang taon na rerepasuhin ang ODL, matapos ang isang pambansang tigil-pasada noong Setyembre. Ngunit wala pa ring hakbang mula sa ehekutibo para masimulan ang nasabing pagrerepaso.

Ayon naman sa Bagong Alyansang Makabayan, hindi maaaring maging masyadong abala ang Kongreso at maging ang Senado sa impeachment trial ni Corona “sa puntong napapabayaan na ang pang-ekonomiyang mga problema ng mga mamamayan, gaya ng pagtaas ng presyo ng langis.”