Pambansang Isyu

‘Oil Deregulation Law, 14 na taon nang pahirap sa bayan’


Walang habas na pagtaas ng presyo ng langis.

Ito ang dulot ng Republic Act 8479, o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, o mas kilala bilang Oil Deregulation Law (ODL), 14 na taon matapos ito isabatas, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Ayon sa Bayan, halos 462% ang itinaas ng presyo ng diesel ngayon kumpara noong 1998, nang ipatupad ang ODL. (Pher Pasion)
Ginunita ng Bayan ang 14 taong implementasyon ng Oil Deregulation Law sa pamamagitan ng protesta sa harap ng estasyon ng langis sa kanto ng E. Rodriguez at Araneta Avenue sa Quezon City. (Pher Pasion)
Ginunita ng Bayan ang 14 na taong implementasyon ng Oil Deregulation Law sa pamamagitan ng protesta sa harap ng estasyon ng langis sa kanto ng E. Rodriguez at Araneta Avenue sa Quezon City. (Pher Pasion)

Walang habas na pagtaas ng presyo ng langis.

Ito ang dulot ng Republic Act 8479, o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, o mas kilala bilang Oil Deregulation Law (ODL), 14 na taon matapos ito isabatas, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Sa isang protesta sa harap ng Petron Station sa kanto ng E. Rodriguez at Araneta Avenue sa Quezon City, binatikos ng iba’t ibang sektor sa pangunguna ng Bayan ang batas na umano’y nagdulot ng walang pakundangang taas-presyo sa langis.

Ayon sa Bayan, halos 462% ang itinaas ng presyo ng diesel ngayon kumpara noong 1998, nang ipatupad ang ODL. (Pher Pasion)
Ayon sa Bayan, halos 462% ang itinaas ng presyo ng diesel ngayon kumpara noong 1998, nang ipatupad ang ODL. (Pher Pasion)

“Hindi nagbigay ng kompetisyon ang deregulasyon sa langis at nagdulot ng mababang presyo dahil sa industriya ng kartel na dominado ng dayuhang transnasyunal na mga kompanya ng langis. Kaya hangga’t na narito ang ODL, walang aasahang ginhawa ang mga mamamayan,” ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang lihim ng Bayan.

Sa protesta nito, ipinakita ng Bayan ang laki ng distansiya sa presyo ng langis bago ang pagsasabatas ng ODL at sa kasalukuyang presyo nito.

Isinabatas noong Pebrero 10, 1998, panahon ng administrasyon ni Fidel Ramos. Ipinangako ng mga tagatulak ng RA 8479 noon na pauunlarin umano nito ang malayang kompetisyon sa mga kompanya ng langis na magreresulta sa pagbaba ng presyo ng naturang produkto. Pero malinaw na hindi ito nangyari.

Ayon sa Bayan, sa halip na magkaroon ng kumpetensiya sa presyo ng petrolyo sa nakalipas na 14 na taon, hindi mapigilan at kuwestiyonableng pagtaas ng presyo ang nangyari.

Halimbawa, noong Pebrero 1998, ang presyo ng diesel ay nasa P8.33 kada litro lamang, samantalang P12.62 kada litro ang unleaded gas, at P140 kada 11kg naman ang tangke ng LPG.

Ngayon, ang diesel ay nasa P46.79 kada litro o halos 462% ang itinaas bago ang ODL. Samantala, P56.83 na ang unleaded gas, o mas mataas ng 350% bago ang ODL. Ang LPG naman, halos P800 o halos 471% ang itinaas mula nang ipatupad ang deregulasyon sa langis.

“Taliwas sa gustong ipaniwala sa atin ng gobyerno noon, walang nagawa ang ODL para pababain ang presyo ng langis. Bagkus, lalo nitong binigyang laya ang mga kompanya ng langis para hatakin pataas at pumiga g eskandalosong laki ng tubo. Kahit ang malayang kompetisyon na di umano’y magpapababa ng presyo ay nabunyag na bilang ilusyon lamang,” ani Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela, militanteng grupong pangkababaihan.

Ayon kay Reyes, ang monopolyo sa global na industriya ng transnasyunal na mga kompanya ng langis tulad ng Royal Dutch Shell, Chevron at Total ay gumagawa ng mga artipisyal na pagtaas ng presyo.

Bahagi ng nasabing protesta ang pagpapapirma ng Gabriela sa publiko sa isang petisyon laban sa mataas na presyo ng langis, pagpataw ng pabigat sa presyo na Expanded Value Added Tax o EVAT sa langis at iba pang bilihin, at matataas na singil sa kuryente.

Tinaguriang Altapresyo(n) o Alerto sa Taas-Presyo Network ang naturang kampanya ng Gabriela, na naglalayong makalikom ng isang milyong lagda mago sumapit ang Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan.

Pinapirma ng isang miyembro ng Gabriela ang isang tsuper ng dyip sa petisyon nito kontra sa taas-presyo ng langis at mga bilihin. (Pher Pasion)
Pinapirma ng isang miyembro ng Gabriela ang isang tsuper ng dyip sa petisyon nito kontra sa taas-presyo ng langis at mga bilihin. (Pher Pasion)

Samantala, sinabi ng Bayan na maglulunsad ito ng serye ng kampanya sa Kongreso para itulak ang mga mambabatas na kumilos sa problema sa mataas na presyo ng langis at ibasura ang ODL.

“Mayroon ngayong di bababa sa pitong  house bills gayundin iba’t ibang resolusyon sa ODL at mataas na presyo ng langis. May mga alternatibo sa deregulasyon na makakapagsilbi sa buong ekonomiya at mga mamamayan,” ani Reyes.

Maraming paghahain na ang naihapag ng iba’t ibang miyembro ng Kongreso pero wala pa ring aksiyon ang Komite sa Enerhiya ng Kamara.

Sinabi ng Bayan na itutulak nito ang pagsasabatas ng House Bill 4355, na ipinasa ng Bayan Muna  at iba pang progresibong party-list, na naglalayong ibasura ang RA 8479 at nagtatayo ng sistemang komprehensibo at epektibong regulasyon sa industriya ng langis.