Karapatang Pantao

Freedom

Hindi simpleng inip at bagot ang nararamdaman ko. Hindi lang simpleng pagkasaid ng pinansya o pasensya ang aking pinagdaraanan. Habang binibilang ko ang bawat araw ng pagkakait ng kalayaan at katarungan para kay Freedom, hindi ko na matanaw ang daang matuwid na sinasabi ng Pangulo.

Maria Concepcion Montajes, ina ng pinakabatang detenidong pulitikal sa bansa na si Maricon Montajes (Contributed Photo)

Hindi ko alam kung paano uumpisahan ang kwento ng aking anak na si Freedom.

Siya si Maricon Montajes. Si Freedom ngayon ay isang bilanggong pulitikal sa Batangas Provincial Jail. Ang aming mag-anak ay mula sa siyudad ng Dabaw, sa Silangang Mindanao.

Ang alam ko lang, ipinanganak ko siya noong Pebrero 25. Makabuluhan ang petsang ito para sa marami sa atin na sinupil, sinikil at nawalan ng laya’t mga mahal sa buhay sa panahon ng diktadura. Noong Pebrero 25, nagtapos ang madilim na yugtong iyon sa ating kasaysayan. Kaya nga ang naging palayaw ni Maricon ay Freedom.

Hindi niya masyadong mabigkas nang mabuti ang “f” sa “freedom” kaya nang lumaon ay tinawag siyang “Eedom” ng karamihan.

Minsan nabasa ko sa blog niya na hindi niya pala masyadong gusto itong palayaw niya. Pero panahon na rin lang ang naging dahilan at naintindhan na niya ang ibig sabihin ng palayaw na ito.

Estudyante si Eedom at kumukuha ng kurso sa Pelikula sa UP Diliman. Hunyo 3, 2010: Inaresto siya bahay ng isang magsasaka sa Taysan, Batangas kasama ang mga kabataang sina Ronilo Baes and Romiel Canete. Sinampahan sila ng mga kriminal na kaso. Isa si Freedom sa pinakabatang bilanggong pulitikal sa bansa.

Dalawang beses na kaming nagdiwang ng kaarawan ni Freedom sa loob ng bilangguan. Kaya ang Freedom, hindi ko na makita, at minsan, hindi ko na alam ang kahulugan.

Maricon Montajes (gitna), isa lamang sa 36 na babaing detenidong pulitikal

Kasunod ng kaarawan niya ang iskedyul ng hearing sa korte nitong Pebrero 29. Halos isa’t kalahating taon na sa piitan sina Eedom nang sa wakas ay matuloy ang pre-trial ng kaso nila noong Nobyembre. Nito pa lang nagsimula ang mga pormal na pagdinig.

Unang dininig ang kasong frustrated homicide na isinampa laban kay Ronilo Baes. Hindi sumipot ang opisyal ng Air Force na paksa ng reklamo at binaril diumano ni Ronilo. Sumunod naman ang pagbista sa illegal possession of explosives and ammunition na kasong isinampa sa kanilang tatlo. Dahil maselan ang mga ebidensya, hindi ito ipinrisenta sa korte.

Magkakaroon na lamang daw ng ocular inspection bago ang susunod na hearing sa Abril 25.

Pagkatapos noon, ang susunod na hearing ay gaganapin sa Hunyo 13.

Ang kasunod sa hearing na iyon ay sa Agosto 22 pa.

At iyon ay kung masunod lang ang mga iskedyul — at hindi mapo-postpone na gaya ng karaniwan sa loob ng dalawang taon naming pagsubaybay sa kanilang kaso.

Hindi simpleng inip at bagot ang nararamdaman ko. Hindi lang simpleng pagkasaid ng pinansya o pasensya ang aking pinagdaraanan. Habang binibilang ko ang bawat araw ng pagkakait ng kalayaan at katarungan para kay Freedom, hindi ko na matanaw ang daang matuwid na sinasabi ng Pangulo.

Mas lalong hindi ko maintidihan ang sinasabi niya na “Kayo ang boss ko!” habang ipinapahayag din ng pamahalaan na “Walang bilanggong pulitikal sa Pilipinas.” Sa ilalim ni PNoy, mahigit 80 na ang inaresto at ibinilanggo nang walang kasalanan. Mahigit 340 na ang patuloy na nakapiit at binabansagan ng pamahalaan na mga “kriminal,” dahil sa kanilang mga paniniwala at paninindigang pampulitika.

Ngayong buwan ay Buwan ng Kababaihan. Nitong Marso 8, ipinagdiwang ng mundo ang Araw ng Kababaihan. Ano nga ba ang dapat ipanawagan?

Ang alam ko lang ay may 36 na kababaihang bilanggong pulitikal sa bansa, kasama doon ang anak kong si Freedom, si Charity… si Vanessa.. Dalawang taon na kaming nananawagan para sa kanilang kagyat na pagpapalaya.

Ang alam ko lang ay may mahigit 340 bilanggong pulitikal sa buong Pilipinas. Ang alam ko lang ay kaliwa’t kanan na ang mga panawagan upang igawad sa kanila ang inaasam na kalayaan. Ang alam ko lang ay dapat umalpas ang lahat sa dilim na kinasasadlakan natin sa ngayon. Freedom!

…Freedom… Sadyang totoo lamang ang salitang ito bilang palayaw ng aking anak.