Pinoy Weekly

Mga mambabatas: Gobyernong Aquino, may magagawa para pigilan ang OPH

Bayan Muna Rep. Teddy Casino, nagprisinta ng mga solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis, sa People's-Legislators Forum on Oil Price Hikes (Mic Narciso)

Naniniwala ang mga mambabatas na may magagawa ang gobyernong Aquino para pigilan ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa People’s-Legislators Forum on Oil Price Hike (OPH) na ginanap sa House of Representatives kanina, sinuportahan ng ilang mambabatas ang pagtanggal sa Expanded Value-Added Tax (E-VAT) sa mga produktong petrolyo, isang hakbang na tinatanggihang gawin ni Pangulong Aquino.

Gayundin, inudyok ng mga mambabatas ang Committee on Energy na gawing prayoridad ang pagdinig sa mga panukalang batas na nagrerepaso o nagbabasura sa Oil Deregulation Law (ODL).

Pagtanggal sa VAT

“Many things are doable regarding oil price hikes,” ayon kay Minority Leader Quezon Rep. Danilo Suarez. Isa umano sa maaaaring gawin ng Malakanyang ay ang kagyat na suspensiyon sa E-VAT kapag umabot sa isang antas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Malapit nang umabot sa P60 kada litro ang presyo ng gasolina, ang presyo nito noong tinataguriang krisis sa langis noong 2008. Simula Enero, tumaas na nang walong beses ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa porum, inihayag ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na aabot sa P26 Milyon ang windfall tax na inaasahang makokolekta ng gobyerno mula sa VAT sa langis ngayong taon. Ito ay kung pagbabatayan ang P1 Bilyon na dagdag-kita sa VAT sa bawat $1 na dagdag sa presyo ng Dubai crude. “Dapat pakawalan ng gobyerno ang kitang ito na ang kapalit ay ang sobrang paghihirap ng mga Pilipino,” aniya.

Tinatayang mababawasan ng P6 kada litro ang presyo ng diesel at P7 kada litro naman sa presyo ng gasolina kung tatanggalin ang E-VAT.

Idiniin din ni Batangas Rep. Hermilando Mandanas na isang “regressive” at “oppressive” na buwis ang VAT dahil kinokolekta ito mula sa mayorya ng mga mamamayan na mahihirap.

Sinabi rin ng mambabatas na may mali sa deregulasyon sa industriya ng langis, dahil taliwas ito sa konsepto na “dapat inaalagaan ng gobyerno ang kanyang mga mamamayan.”

Samantala, sinabi ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay na “obsolete” o lipas na ang ODL dahil napatunayan nang hindi nito napapababa, bagkus ay pinapataas pa, ang presyo ng langis. Nagtataka umano siya kung bakit hindi umuusad sa Kongreso ang mga panukalang batas para repasuhin o ibasura ang ODL.

Sumang-ayon din si Quezon City Rep. Winnie Castelo na nagdulot ang ODL ng “kolaborasyon ng Big 3,” sa ikinapinsala ng kapakanan ng mga konsyumer.

Iba pang solusyon

Sa porum, iprinisenta ni Casiño ang mga panukala para sa pangmatagalang solusyon sa pagtaas ng presyo ng langis, na nakapaloob sa panukalang batas na Downstream Oil Industry Regulation Act, isa lamang sa 14 na kaparehong panukalang batas na di umuusad sa Kongreso.

Nasa panukala ang pagtatayo ng Petroleum Regulatory Council para kontrolin ang presyo ng langis, at pagkakaroon ng buffer fund para sa istabilisasyon ng presyo.

Ipinapanukala rin ang wholesale na pagbibili ng gobyerno ng langis para sa pangangailangan ng bansa, sa pamamagitan ng National Exchange Corporation. Nasa panukala rin ang muling pagbili ng gobyerno sa Petron Corp. para maimpluwensiyahan ang presyo ng langis, at lokal na eksplorasyon at produksiyon ng langis.

Ayon kay Magsaysay, kung may windfall tax mula sa VAT, panahon nang gamitin ito para sa pagbili ng gobyerno ng sariling reserbang langis. “Why shouldn’t the government give oil companies a run for their money?” aniya.

Sa nasabing porum, iprinisenta rin ng Ibon Foundation ang kanilang pag-aaral na nagpapakita kung paano mas mabilis ng 20 hanggang 22 % ang paggalaw ng presyo ng langis sa lokal na merkado kumpara sa pandaigdigang merkado. Tinatayang umaabot ang “domestic overpricing” ng P8.61 kada litro ng diesel at P16.83 naman kada litro ng gasolina.

Ngunit diin ni Sonny Africa, research head ng Ibon, posibleng mas mataas pa ang aktuwal na overpricing dahil hindi naman ibinubukas ng mga lokal na kompanya ng langis ang kanilang libro, kahit sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng National Development Authority.

Reaksiyon ng mamamayan

Nagbanta naman ang Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations (ACTOO) na muling makikilahok sa malawakang mga kilos-protesta kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis. Nakakasa bukas, Marso 15, ang isang protestang bayan ng iba’t ibang sektor.

“Ang usapin ng OPH ay di lang pagtaas ng pamasahe kundi ng presyo ng lahat ng kalakal na kinokonsumo ng mga mamamayan,” ayon kay Ricky Papa, tagapangulo ng ACTOO.

Sang-ayon dito si Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Inihayag niya na hindi gumagamit ng LPG ang karaniwang maralitang ina, kundi panggatong na lamang. “Mas malala pa rito, halos wala na silang malutong pagkain dahil sa taas ng presyo ng bilihin na dulot din ng pagtaas ng presyo ng langis,” aniya.

Kasabay ng porum, nagpiket sa harap ng Kongreso ang Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan, na mamumuno sa protesta bukas kasama ng Bagong Alyansang Makabayan.

 

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18774

avatar Posted by on Mar 14 2012. Filed under Balita, Pambansang Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes