Ang pagsali ng mga bading na operada sa Miss Universe… bow!
Napakainit na talakayan ngayon ang bagong pamantayan at kautusan ng Miss Universe na puwede nang sumali sa paligsahan ang mga transgender o ang mga lalaki o bading na nagpaopera ng kanilang sekswal na sandata para maging babae. Lahat ng sektor ng lipunang Filipino ay yinayanig ng usaping ito dahil nakakamangha, nakakagulat, nakakapang-imbita ng diskusyon ang […]

Napakainit na talakayan ngayon ang bagong pamantayan at kautusan ng Miss Universe na puwede nang sumali sa paligsahan ang mga transgender o ang mga lalaki o bading na nagpaopera ng kanilang sekswal na sandata para maging babae.
Lahat ng sektor ng lipunang Filipino ay yinayanig ng usaping ito dahil nakakamangha, nakakagulat, nakakapang-imbita ng diskusyon ang regulasyong ito sa isang bansang konserbatibo, patriyarkal, mapang-api, pasosyal at higit sa lahat, Katoliko.
Pero ang mga nangingibabaw na katangiang ito ng mga Filipino ay hindi agad masasabing negatibo dahil may tunguhin at landasin ding positibo ang mga ito.
Mahabang takalayan nga lamang ang asumsiyon at proposisyong ito at hindi makakayang lubos na ilahad ang problema, magpresenta ng mga hypothesis, mag-eksperimento, mag-eksposisyon sa batayang kasaysayan, sikolohikal, kultural, pulitikal, pang-ekonomiko at iba pang aspeto at magbigay ng rekomendasyon, solusyon at kongklusyon, sa kapirasong espasyong ito.
***
Kaya magkakasya muna tayo sa personal na pagtaya sa kasong ito na umusbong nang mapawalang-bisa ang pananalo ni Jenna Talackova, isang Canadian na naninirahan sa British Colombia, bilang kinatawan ng kanyang bansa sa Miss Universe dahil nadiskubreng siya ay isang operada sa kanyang sekswal na bahagi ng katawan mula sa pagiging “batang lalaki” noon hanggang sa pagiging “babae” kinalaunan.
Nang dahil sa insidenteng ito ay pumayag na ang Miss Universe na sumali ang mga bakla o lalaki kahit artipisyal ang anatomiya ng pagkababae.
Ayaw ng Miss Universe runner-up na si Miriam Quiambao na sumali ang mga transgender sa timpalak pero ang aktres at Binibining Pilipinas-Universe na si Maria Isabel Lopez ay payag na payag na magkaroon ng transgender o bading na babae na representasyon ang isang bansa.
Gayunman, karamihan din sa mga respondente sa mga talakayan, maski na mga bakla mismo ay ayaw na makisali ang mga kabaro nila sa Miss Universe.
May Miss Gay naman anila na sasalihan ang mga ito at sapat na ‘yon.
May isang respondente sa panayam sa telebisyon na may ulirat at lakas ng loob na magsatinig na “insulto ‘yan sa kababaihan.”
Mismong ang baklang peryodistang pampelikulang si Art Tapalla ay kontrang-kontra sa konseptong ito ng Miss Universe.
“Escapist naman ‘yang Miss Universe. Oppressive ‘yan. Gagamitin lang nila ang issue na ‘yan para mapanatili ang status quo na oppressive din. Bakit hindi na lang sila magtayo ng separate contest na Miss Gay Universe?” tanong ni Art.
***
Samantala, kahit pa nakapasok na ang transgender sa Miss Universe, ang mahalaga pa rin ay ang tungkulin at responsibilidad ng isang beauty queen, babae man siyang tunay at wagas sa pisikal na anyo o hindi.
Ang katungkulan ng isang reyna o reyna-reynahan ng kagandahan ay maisulong ang pagbabago sa lipunang kanyang kinabibilangan tungo sa pantay-pantay at maunlad na pamayanan at hindi ang pamamarali lang ng iilan.
Ilan lang naman ang mga beauty queen na tunay na nagtataguyod ng simulating ito?
Sa Pilipinas ay sina Nelia Sancho at Maita Gomez lang naman ang tunay na nakipaglaban para sa kagalingan ng sambayanan samantalang ang iba ay kunya-kunyari lang na tumutulong sa pagpapausad ng mabagal na pag-unlad ng isang bansa sa pamamagitan ng pagyakap sa mga uhugin o nanggigitatang mga musmos o kaya naman ay nakikibahagi sa pagtatanim ng mga puno sa reporestrasyon o magfi-feeding program para sa mga kapus-palad na kabataan o babasa lang ng mga taludtod sa mga tula ni Amado V. Hernandez pagkatapos ay join na uli sa buktot at baluktot na sistema ng buhay.
Mahirap at delikado nga naman ang pinagdaanan ng mga Nelia at Maita at sa isang lipunang pigtal sa katotohanan at tunay na pagbabago ay hindi ehemplo ang mga mutya ng kariktang ito.
Karamihan sa mga beauty queen ay reyalistiko lang at sakay sa agos ng buhay.
Bihira ang tunay na matapang na beauty queen na nagsasakripisyo ng buhay sa ngalan ng ideyal na kabutihan na sumasalamin at nagpapagunita sa buhay at pakikibaka ni Hesukristo at ninumang diyos na nasa pedestal ng kabusilakan ng puso at isip.
***
Magandang talakayan din ito sa mga nauna nang estilo at rekositos ng Binibining Pilipinas, Inc. sa pagsilip sa mga kalahok o nagbabalak pang lumahok at pilian sa pre-contest na iimbestigahang mabuti kung operada sa seks ang isang kasali.
May insidente noon na ayaw papasukin si Maria Isabel Lopez o pinalalabas siya kahit nakapasok na sa isa sa mga beauty pageant night ng Miss Philippines sa Araneta Coliseum dahil nagbilad na ng kanyang katawan ang aktres sa pelikula at ss persepsyon ng naghaharing-uri sa lipunang ito ay hindi magandang halimbawa sa publiko ang ganitong akto.
Baklang-bakla nga si Maribel kahit na siya ay babaing-babae lalo na sa kanyang katawan.
Maging ang Miss World na kahihiwalay lang sa Binibining Pilipinas Charities, Inc. na pinamumunuan ngayon ni Cory Quirino ay istrikto umano sa pagtanggap ng mga contestant dahil baka makasalisi ang mga bading na operada sa paligsahan.
Ngayong ang mas higit na makapangyarihan o tumutugon sa hegsemoniya o hegemony ng kung sino ang masusunod o mas mapuwersa o nagdidikta tulad ng Miss Universe ay may ganitong kautusan, ano ang masasabi ni Stella Marquez-Araneta, ang Tagapangulo ng Binibining Pilipinas, Inc. o ni Cory?
Boboykotin ba nila ang Miss Universe o susuwayin o babanggain ang mas malawak na organisasyon kung saan may nakatakda na tayong kinatawan sa persona ni Janine Togonon na nagsabing okey lang sa kanya na may ganitong inilabas na direktiba ang Miss U pero ang sabi niya’y personal na opinyon lang ito dahil wala pa anyang opisyal na pahayag ang Binibining Pilipinas tungkol dito?
E, ang mga Filipino pa naman ay hangal na hangal sa ideya ng globalisasyon kahit hindi gagap ang implikasyon nito.
Gusto nating mapansin sa internasyunal na tanghalan kahit na mawalan ng diwa ang pagka-Filipino natin.
Pero patuloy ang tunggalian at may mga puwersa ang buong mundo na puwedeng kumontra sa Miss Universe na puwedeng pandaigdig din ang pananaw sa beauty contest na puwedeng alyansahan ng mga tutol sa transgender sa Miss U.
Abangan ang susunod na kabanata.