Pinoy Weekly

Killer drones ng US, laganap na ginagamit sa Pilipinas

Iba't ibang klaseng drones at Unmanned Aerial Vehicles na ginagamit ng tropang US, nakadisplay sa isang air station sa US. (Wikimedia Commons)

Iba't ibang klaseng drones at Unmanned Aerial Vehicles na ginagamit ng tropang US, nakadisplay sa isang air station sa US. (Wikimedia Commons)

Paglikas, pagtakbo, pagkatakot: Hindi na bago ang mga ito sa maraming komunidad ng mga mamamayang Moro.

Sa dakong ito ng Mindanao, mga bala’t bomba ang nagsisiliparan, may engkuwentro man o wala ang militar sa sesesyonistang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at bandidong Abu Sayyaf. Sa ilang dekadang pagtugis ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tinuturian nitong mga “kaaway ng estado”, hindi na bago ang paggamit ng labis na pandarahas. Pero kamakailan lamang, may bagong panganib na namamataan sa mga kalangitan ng Moro Mindanao.

Noong Pebrero 2012, kinumpirma ng apat na namumunong opisyal panseguridad ng gobyerno ang pagbomba ng isang kuta ng Abu Sayyaf sa Jolo, Sulu, gamit ang “unmanned drones” at US-satellite guided “smart bombs” na bigay umano ng mga Amerikano.

Ang drones ay nasa kategorya ng Unmanned Aerial Vehicles (UAVs), na kadalasa’y ginagamit upang mang-espiya ang militar ng US mula sa isang mataas na elebasyon sa mga kaaway nito sa digma. Maaari ring gamitin sa mga operasyong militar ang mga drone upang sumalakay at magbagsak ng mga bomba.

Umabot sa 15 rebelde ang nasawi sa operasyong ito noong Pebrero 2. Kasama rito ang Malaysian na diumano’y “terorista” na si Zulkifli bin Hir (a.k.a. Marwan), isang martial arts instructor sa Singapore na si Muhamda Ali (a.k.a. Muawiyah ng Jema’ah Islamiyah), at kumander daw ng Abu Sayyaf na si Gumbahali Umbra Jumdail, kasama ang 12 pang iba nilang kasapi.

Pinuri naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang paggamit ng attack drones, at tinawag na “carefully planned precision attack” ang air strike. Tinanggi ng AFP ang paggamit dito ng smart bombs: Matatalino lamang raw ang kanilang mga piloto.

Pero may mga grupong Moro na naaalarma sa hayagang paggamit ng drones sa pag-atake ng AFP sa mga komunidad ng Moro.  “’Yun nga ’yung masaklap. Ipinagmamalaki nila na nakapatay sila ng ASG (Abu Sayyaf Group) gamit ang kanilang mga deadly drones,” sabi ni Bai Ali Indayla, pangkalahatang kalihim ng Kawagib, isang grupong pangkarapatang pantao sa mga komunidad ng Moro.

Ayon kay Indayla, kumpirmado ang pambobombang naganap sa kanilang mga komunidad ng Sulu.

“Nakakabahala, sapagkat ang ginagawang ito ng US na direktang paglahok sa aktuwal na combat operations, gamit ang mga pasilidad at armamentong pandigma tulad ng nakapapatay na drones, ay paglabag sa Visiting Forces Agreement (VFA), at paglabag ng ating pambansang soberanya,” dagdag ni Indayla.

Maliban sa grupo nina Indayla, marami pang hindi naniniwala sa opisyal na pahayag ng AFP na ang nakaraang atake sa Sulu ay hindi lulan ng mgadrone. Sinabi ni Arnold Padilla, blogger at aktibista mula sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na maging ang dating piloto sa Philippine Air Force na si Captain Joenel Pogoy ay di naniniwalang normal na OV-10 planes ang ginamit sa atake sa Sulu.

Si Pogoy ay dating ikinulong ng militar nang dalawang taon dahil sa pagkakasangkot niya, at pagsiwalat niya, sa korupsiyon ng Air Force.

Hitsura ng isang control room ng drone planes ng tropang US. (Wikimedia Commons)

Hitsura ng isang control room ng drone planes ng tropang US. (Wikimedia Commons)

Sabi umano ni Pogoy na kung walang kaaway na nagpapaputok laban dito, ang minimum na altitude ng OV-10 ay di bababa sa 500 feet mula sa ground level. Pero kung may atake mula sa kalaban, dapat na lumipad ito ng di bababa sa 1,000  feet mula sa ground level.

“Sinabi pa niiyang dapat na mas mataas pang lumilipad ang mga OV-10 tuwing mga operasyon sa gabi dahil sa terrain height variation. Duda si Pogoy na makakamit ng mga OV-10 – kahit pa pinalilipad ng ‘matatalinong piloto’ tulad ng sinasabi ng PAF – ang pinpoint accuracy sa isang misyon na kinondukta alas-tres ng umaga sa kagubatan ng Sulu. Ang tanging lohikal na paliwanag ay gumamit (sila) ng drones,” sinulat ni Padilla na sinasbi ni Pogoy.

Hindi ito ang unang pagkakataong may nakapagsabing gumagamit ng drones sa Pilipinas ang mga tropang Kano. Noong Enero 2009, maraming mga residente ng Pio V. Corpus at Esperanza sa Masbate sa rehiyong Bikol ang nakakita sa pagsabog ng isang UAV matapos ipalipad ito mula sa kampo ng 507th Police Provincial Mobile Group ng Philippine National Police (PNP). Sinabi ni Greg Banares, tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) sa Bikol, na dumating sa kampo at naging saksi sa pagpapalipad ng UAVs ang “matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines at PNP sa rehiyon.”

“Sa ulat ng Jose Rapsing Command (ng New People’s Army sa) Masbate, may matataas na opisyal ng AFP at PNP sa rehiyon na dumating sa kampo ng 507 PPMG sa Uson upang saksihan ang operasyon ng UAV na ginagamit sa paniniktik at pagsarbey ng kalupaan at karagatan ng Masbate. Nasaksihan ng mga mamamayan ang pagliyab at pagsabog ng UAV,” pahayag ni Banares.

Para kay Banares, malinaw na pakikilahok ito ng tropang US sa giyera kontra-insurhensiya ng gobyerno.

Noong Marso ngayong taon, inireklamo rin ng NDF-Bikol ang paggamit diumano ng spy planes kaalinsabay ng “Operation Pacific Angel 12-1” ng tropang Kano at Pilipino, sa rehiyong Bikol. Ayon sa AFP, humanitarian and relief mission ang naturang operasyon, pero nasaksihan umano ng mga puwersa ng NDF-Bikol ang paggamit ng UAVs sa mga operasyong militar ng AFP.

“Kasabay sa mga aktibidad ng 13th US Air Force ang kanilang lihim na pagpapalipad ng mga ‘surveillance drones’ o spy planes para mag-survey ng madarambong nilang likas na yaman; at magsagawa ng mas masinsing (intelligence) operations para magmanman sa mga pampulitikang kalaban ng estado, at magpamilyarisa sa mga kondisyon ng pakikidigmang gerilya sa Bikol,” pahayag ni Banares noong Marso.

Sinabi rin ni Indayla na noong 2008 pa’y gumagamit na rin ang AFP ng spy planes ng tropang Kano kontra sa MILF.

“Nuong 2008, sa kasagsagan ng giyera laban sa MILF, may dalawang spy planes na bumagsak sa Maguindanao at North Cotabato… Natagpuan din ’yung bumagsak na spy plane doon sa sa Pikit, North Cotabato, (na) erya rin ng MILF,” ani Indayla.

Suspetsa ni Indayla, mismong mga tropang Kano, at hindi mga elemento ng AFP, ang mismong magpapalipad ng drones upang maniktik at manalanta sa mga mamamayan.

“Noong mangyari ’yung pag-crash (sa Pikit, North Cotabato), sila mismong (tropang US) ’yung pumunta sa erya para irekober, para kunin (’yung crashed drones),” dagdag ni Indayla. Naisadokumento at nakuhanan pa raw ng mga residente ang pangyayari.

Napakalakas pa umano ang kanilang ebidensiya laban sa mga ito sa pamamagitan ng ilang panayam ng Kawagib sa dalawang matataas na opisyal ng militar.

Sinabi mismo nina Col. Felix Castro, deputy brigade commander ng 103rd Infantry Brigade sa Camp Lanao sa Marawi City, at Maj. Javier Ignacio of the Western Mindanao Command, na mismong silang mga opisyal ng AFP ay hindi pinapayagan ng mga tropang Kano na pumasok sa kanilang mga baraks nang walang pahintulot.

“Paano pa kaya yung mismong paggamit ng kanilang mga kagamitan?” tanong ni Indayla.

Kung totoo ang aktibong paggamit ng spy planes o drones sa mga operasyong militar ng AFP, masasabing lantarang lumalabag ito sa PH-US Visiting Forces Agreement. Alinsunod sa mga probisyon nito at ng Konstitusyong 1986, pinahihintulutan lamang ang mga tropang Amerikano na magsanay ng mga sundalo ng bansa ngunit hindi maaaring lumahok sa mga operasyon ng AFP.

Paggamit ng brutal na drones

Panahon pa ng administrasyon ni George W. Bush unang gumamit ng drones para sa mga operasyong militar nito sa Gitnang Silangan, kontra sa diumano’y mga terorista.

Ipinagpatuloy ng kasalukuyang Pang. Barack Obama ang naturang mga programa, na ayon sa imbestigatibong ulat ng magasing New Yorker ay may dalawang klase: ang programang drones ng US Armed Forces, na ginagamit sa conventional na mga atake at panininiktik sa mga kalaban ng US; at ang programang drones ng Central Intelligence Agency (CIA), na nagsasagawa ng paniniktik at pagbomba sa piling mga target na kaaway ng US, o mga asasinasyon.

Ayon sa pag-aaral ng Bureau of Investigative Journalism, isang non-profit organization na nakabase sa City University of London sa Inglatera, aabot na sa 371 ang mga sibilyang napaslang sa mga atake ng drones sa bansang Pakistan lamang. (Isang timeline ang ginawa nila para masundan ang bawat kaso ng pamamaslang.) Samantala, sa independiyenteng pag-aaral ng Associated Press, aabot sa 20 porsiyento ng mga napapaslang sa drone attacks ay mga sibilyan sa naturang bansa.

"2+2 meeting" nina (mula kaliwa) PH Defense Sec. Voltaire Gazmin, PH Foreign Affiars Sec. Alberto del Rosario, US Secretary of State Hillary Clinton, at US Defense Sec. Leon Panetta. (dfa.gov.ph)

"2+2 meeting" nina (mula kaliwa) PH Defense Sec. Voltaire Gazmin, PH Foreign Affiars Sec. Alberto del Rosario, US Secretary of State Hillary Clinton, at US Defense Sec. Leon Panetta. (dfa.gov.ph)

Ayon naman sa Reprieve, isang legal advocacy group sa US, tinatayang aabot sa 2,283 na sibilyan na ang napaslang ng UAVs o drones sa Pakistan magmula 2004. Kung kaya nagsampa sila ng kaso sa United Nations Human Rights Council para ireklamo ang gobyernong US na gumagamit ng drones na ikinamamatay ng maraming sibilyan sa Pakistan.

Binatikos ng maraming grupo sa US ang programang drones ng US sa isang summit hinggil sa drones sa Washington DC noong Abril 28-29, 2012. Ayon sa pinagkaisang pahayag ng mga grupong kontra sa programang drones ng US, labag umano sa mismong Saligang Batas ng US ang naturang drone strikes, laluna sa tinagurian nilang “Fifth Amendment”. Sa naturang batas, ginagarantiya na di maipagkakait ang buhay sa sinuman nang walang due process.

Maging si Prop. Philip Alston, UN Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary and Arbitrary Executions, ay bumatikos sa programang drones ng CIA. Sinabi ni Alston na nakakakaalarma ang kawalan ng pananagutan ng CIA at gobyernong US sa pamimili nito ng mga indibidwal at grupong nais nitong itarget.

Strike drones, bawal – PNoy

Sa kabila ng masamg rekord ng US sa paggamit ng drones, tila buung-buo ang pagtanggap sa programang ito ng administrasyong Aquino sa Pilipinas.

Noong 2009, panahon ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo, bumisita si Leon Panetta, na noo’y direktor ng CIA, sa Pilipinas. Nitong Abril 30, kasama si US Secretary of State Hillary Clinton, nakipagpulong si Panetta, ngayo’y US Secretary of Defense na, kina Sec. Alberto del Rosario ng Department of Foreign Affairs at Sec. Voltaire Gazmin ng Department of Defense ng Pilipinas. Sa tinaguriang “2+2” na pulong na ito, ipinagtibay ang pag-igting ng ayudang militar ng US sa Pilipinas, kasama na siyempre ang pagdami ng mga ehersisyong militar, tropang US at kagamitang militar tulad ng drones.

Nagkataong si Panetta mismo, ayon sa New Yorker, ang isa sa pinakamasugid na tagasuporta ng programang drones noong direktor pa siya ng CIA.  Sa kanyang salita, ang programang drones ay ang “tanging laro” ng US (“only game in town) para epektibong labanan ang mga kaaway ng US.

Samantala, sa mga pahayag sa publiko, hindi pinagbabawalan ni Pang. Benigno Aquino III ang paggamit ng US ng mga mapaminsalang drone sa paniniktik. Pero, sa kanyang talumpati noong Marso 20, sinabi ni Aquino na hindi ito maaaring gamitin sa mga operasyong militar sa Pilipinas.

“Narito sila (tropang US) bilang mga tagapayo. Narito sila bilang mga tagasanay. Hindi sila maaaring lumahok sa mga operasyong combat,” sabi ni Aquino, sa wikang Ingles. Sa madaling salita, inamin mismo ni Aquino na pinapayagan ng kanyang administrasyon ang spy drones ng tropang US na magpalipad sa himpapawid ng bansa para sa mga misyong “reconnaissance” o paniniktik.

Paglaban sa insurhensiya ang nakikitang isa sa mga dahilan kung bakit itinutulak ng administrasyong Aquino ang pag-igting ng interbensiyong militar ng US sa bansa. Dahil hirap ang gobyerno na labanan ang insurhensiya ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front at MILF, gusto nitong mas aktibong palahukin sa kontra-insurhensiya ang tropang Kano.

We are not getting any offensive capability from the Americans. But we do need — I think all countries have a legitimate need for — defense, and that is our focus,” sabi pa ni Aquino.

Sa madaling salita, itinuturing ni Aquino na kaaway ang mga kapwa Pilipino na naghahangad ng pagbabago sa lipunang Pilipino, pati na ang mga pinaghihinalaan niyang simpatetiko rito. Samantala, binibigyang-laya niya ang brutal na attack  at surveillance drones ng isang dayuhang armadong puwersa na mamalagi sa himpapawid ng bansa.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=19598

James Relativo at Kenneth Roland A. Guda Posted by on May 7 2012. Filed under Features, Karapatang Pantao, Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Features, Karapatang Pantao, Uncategorized (452 of 1160 articles)