Pinoy Weekly

Korporatisasyon ng 26 pampublikong ospital, tinututulan ng Gabriela

Mga nominado ng Gabriela Women's Party, na pinangunahan nina (gitna, L-R) Rep. Luz Ilagan, Rep. Emmi de Jesus, at Lucy Francisco ng Gabriela-Panay (Ilang-Ilang Quijano)

Mariing inirehistro ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang pagtutol sa pagsasapribado o korporatisasyon ng 26 na pampublikong ospital, isang hakbang ng administrasyong Aquino na umano’y lalong ipagkakait ang serbisyong pangkalusugan sa kababaihan.

Sa ika-5 Pambansang Kumbensiyon ng Gabriela, isang pambansang kampanya para sa kalusugan ng kababaihan ang isinulong ng grupo, na pinamagatang “Fight for Women’s Access to Healthcare.”

Ayon kay Gabriela Rep. Luz Ilagan, “Ang aming panawagan ay dapat mayroong libre, sapat, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa kababaihan at bata. Ang nanay ang kadalasang nagkakasakit at napapabayaan ang kalusugan, pero siya rin ang kadalasang walang akses sa ospital.”

Ipinasa na ng House Committee on Health ang House Bill 6069 na naglalayong gawing pribado ang 26 na pampublikong ospital sa mga rehiyon, kabilang na ang Cagayan Valley Medical Center, Baguio General Hospital and Medical Center, Bicol Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center,  San Lazaro Hospital, Eastern Visayas Regional Medical Center, Western Visayas Medical Center, Northern Mindanao Medical Center, Southern Philippines Medical Center, Zamboanga City Medical Center, Cotobato Regional and Medical Center, CARAGA Regional Hospital, Davao Regional Hospital, at iba pa.

Mga pirma ng kababaihan mula sa iba't ibang panig ng bansa laban sa pribatisasyon ng pampublikong mga ospital (Ilang-Ilang Quijano)

Binatikos ito ni Ilagan. “Alam naman natin na kapag privatized, negosyo at tubo ang number one na consideration, at lalong kawawa ang ating kababaihan,” aniya.

Dagdag naman ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus, “Responsabilidad ng gobyerno na bigyan ng serbisyong kalusugan ang kababaihan, lalo na ang pinakamardyinalisado. Pero inabandona ito ng gobyernong Aquino sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships at budget cuts sa kalusugan. Tungkulin natin na singilin ang gobyerno sa responsabilidad na ito.”

Mahigit 500 miyembro at lider ng Gabriela Women’s Party ang dumalo sa kumbensiyon na ginanap sa College of Music, Unibersidad ng Pilipinas- Diliman.

Dito idineklara ang 10 nominado ng nasabing party-list para sa halalang 2013. Unang nominado si Rep. Ilagan at pangalawang nominado si Rep. de Jesus. Samantala, ikatlong nominado naman si Lucy Francisco, regional coordinator ng Gabriela-Panay at 23 na taon nang lider-kababaihan.

“Inaasahan namin na makakakuha kami ng tatlong seats sa Kongreso, lalung-lalo na dahil ‘yung organizing namin ay nagluwal ng 300 porsiyentong increase in membership. Kung sa nakaraan ay nakakuha kami ng dalawang seats, siguro naman ngayon, sa pagkilos ng kababaihan, mas lalaki ang aming tsansa na umupo sa Kongreso,” ani Ilagan sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ipinagmamalaki ng Gabriela ang 300% dagdag na mga miyembro, at umaasang makakakuha ng 3 seats sa Kongreso sa darating na halalan (Ilang-Ilang Quijano)

Ayon kay Ilagan, lumago ang kasapian ng Gabriela dahil sa “maka-mahihirap” na mga proyektong inilulunsad nito, at sa patuloy na paghuhubog ng kasanayan at pagiging lider ng kababaihan sa komunidad.

Nangako ang mga lider ng GWP na patuloy na ipaglalaban ang  kababaihang biktima ng karahasan at pang-aabuso, at patatampukin ang bulnerabilidad ng kababaihan at bata sa karahasan, sa gitna ng matinding kahirapan at interbensiyong militar ng US.

Panauhin sa kumbensiyon sina dating Rep. Cynthia Villar, artistang si Bibeth Orteza, at musikerong si Maegan Aguilar. Nagpahayag naman ng mga mensahe ng pakikiisa sa pamamagitan ng bidyo ang mga artistang sina Angel Locsin, Jennylyn Mercado, Isabel Oli, Angel Aquino, Monique Wilson, Boy Abunda; gayundin ang mga opisyal ng gobyerno na sina Sen. Tito Sotto, Sen. Koko Pimental, Mayor Joy Belmonte, Davao Mayor Sarah Duterte, at Valenzuela Coun. Shalani Soledad-Romulo.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=19955

Ilang-Ilang D. Quijano Posted by on May 30 2012. Filed under Balita, Kababaihan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Korporatisasyon ng 26 pampublikong ospital, tinututulan ng Gabriela”

  1. narevel

    ipagpatulay nyo po ang inyong mabuting gawain sa media!

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Balita, Kababaihan (500 of 1305 articles)