Pambansang Isyu

Planta ng Chevron, ligalig ang hatid sa katutubong Kalinga

Dahil sa geothermal plant na itatayo sa Kalinga ng Chevron Corporation, higanteng kompanya ng US, nanganganib masira ang mga lupaing ninuno at mapalayas ang mga katutubo.

Nangangamba ang mga katutubo sa tatlong bayan ng Kalinga na sisirain ng Chevron geothermal plant ang kanilang lupaing ninuno. (Ilang-Ilang Quijano)

Lower Uma, Lubuagan, Kalinga—Maraming matatanaw mula sa bulubunduking tahanan ng tribong Uma. Sa Silangan, ang berdeng laso ng Ilog Pasil at ang kanyang mahaba at di-nagbabagong mga kurbada. Sa Hilaga, ang tuktok ng mga bundok na ilang dipa na lamang ang taas mula sa mga payao* na inukit sa gulod. Sa Timog at Kanluran, ang dalawang karatig na pamayanan (Western at Upper Uma) ng kanilang mga katribo, mala-aparisyon na kulumpon ng mga parisukat sa pagsipat.

Mararating lamang ang lugar matapos ang mahigit isang oras na paglalakad sa kabundukan. Malayo ang mga katutubo sa kalakhan ng populasyon. Gayunpaman, nabubuhay sila nang simple at payapa sa kanilang lupaing ninuno. Depende sa panahon, pagtatanim ng palay, sitaw, mais, kape, at damo na ginagawang walis tambo (tigergrass) ang kanilang ikinabubuhay.

Hirap mang mabuhay dahil sa kakulangan sa kagamitang pansaka, pabagu-bagong klima, at kawalan ng anumang serbisyong sosyal, kolektibo nilang hinaharap ang mga problema sa komunidad. Bayanihan ang pagsasaka. Sama-samang hinahatid sa pagamutan ang mga may-sakit. Pinagtutulungan ang pagtatayo ng mga bahay kubo—at, sa okasyon ng Araw ng Kordilyera, ng isang “stadium” na pinagdausan ng selebrasyon ng mahigit-kumulang isanlibong katao.

Paghuhukay sa lupa

Ang Araw ng Kordilyera ay isang taunang selebrasyon ng buhay at pakikibaka ng mga mamamayan ng Kordilyera. Idinaraos ito tuwing Abril 24, bilang paggunita sa pagkamatay ng lider-katutubong si Macliing Dulag. Ngayong taon, ginanap ang Araw ng Kordilyera sa iba’t ibang probinsya, kabilang na ang Kalinga. Dito matatagpuan ang Ilog Chico, na dinepensahan ni Dulag at ng mga katutubo laban sa pagtatayo ng isang higanteng dam na pinondohan ng World Bank.

Stadium na nilikha ng mga taga-Lower Uma para sa mahigit-kumulang 1,000 kataong kalahok sa selebrasyon ng Araw ng Kordilyera (Ilang-Ilang Quijano)

Nasagip man nila noon ang kanilang mga lupaing ninuno mula sa pinsala ng dam, nanganganib naman ito ngayon sa pagpasok ng Chevron Corporation, kompanya sa Estados Unidos na isa sa pinakamalaking kompanya ng langis at enerhiya sa daigdig. Ang Chevron ang mother company ng Caltex Philippines, isa sa “Big 3” na kompanyang kumokontrol sa industriya ng langis sa bansa.

Isang plantang geothermal ang itatayo sa Kalinga ng Chevron Kalinga Ltd., sa pakikipagsosoyo sa Aragorn Power and Energy Corp. Taong 2010, inanunsiyo na ng mga kompanya ang intensiyon nitong maghukay ng mga exploratory wells na sasakop sa mga bayan ng Lubuagan, Pasil, at Tinglayan. Noong nakaraang taon, nagpasa ng resolusyon ang gobyerno ng probinsya na sumusuporta sa eksplorasyon.

Hindi lamang bahagi ng kartel sa langis, ang Chevron ay ang pinakamalaki ring prodyuser ng geothermal energy sa buong daigdig. Sa Pilipinas, pinatatakbo ng kompanya ang katulad na mga planta sa Tiwi, Albay sa Bikol at Makiling-Banahaw sa Laguna at Batangas. Tinukoy na ng kompanya ang bansa bilang isang growth area ng pamumuhunan nito.

Nagmumula ang geothermal energy sa init sa ilalim ng lupa. Isang klase ito ng enerhiya na tinataguriang renewable o di-nauubos. Sinasabing ang pinaplanong $300 Milyong geothermal plant ng Chevron sa Kalinga ang unang mayor na proyekto sa renewable energy simula nang maipasa ang Renewable Energy Act noong 2008.

Ngunit nangangamba ang mga katutubo ng Kalinga na palalayasin sila mula sa kanilang mga lupain sa oras na magsimula ang paghuhukay ng Chevron. Ayon kay George Bancanao, bise-presidente ng Uma Tribe Alliance for Peace and Development, sinabihan siya ng isang lokal na opisyal ng gobyerno sa isang konsultasyon noong 2010 na “walang matitira” sa kanilang tahanan kapag naitayo ang planta. Gagawin rin umano ang lahat ng katutubo na empleyado ng planta.

Walis tambo, isa sa mga produkto ng Lower Uma (Ilang-Ilang Quijano)

Kundi man mapapalayas mula sa kanilang lupain, nangangamba silang lalasunin ng mga kemikal ang kapaligiran. Ito’y dahil nagpapakawala ng nakalalasong mga kemikal gaya ng arsenic ang paghuhukay ng geothermal wells. Dagdag pa ni Bancanao, “Kapag naghukay sila, mag-iiba ang direksiyon ng tubig. Maaapektuhan ang aming pinagkukunan ng tubig at mga pananim.” Tinatarget ng Chevron ang paghuhukay sa paligid ng Ilog Pasil, isang mayor na ilog sa probinsya na dumudugtong sa Ilog Chico.

Kuryente para sa pagmimina?

Kasabay ng pagtatayo ng geothermal plant, pinangangambahan ang pagbubukas ng mga kompanya ng mina na pangunahing makikinabang sa kuryenteng lilikhain ng planta. Pangunahin na rito ang pagbabalik sa operasyon ng Batong Buhay Gold Mines, Inc. sa Pasil. Itinayo ng isang kompanyang Hapon noong dekada ‘30, isinara ang minahan noong dekada ’80 matapos itong pasabugin ng New People’s Army (NPA), bilang tugon sa reklamo ng mga residente. Subalit noong 2006, inaprubahan ng gobyerno ang eksplorasyon ng ginto at tanso sa paligid ng dating minahan. Pinangungunahan ito ng Makilala Mining Corporation, isang subsidyaryo ng kompanya sa Estados Unidos na Phelps Dodge. Samantala, sa bayan ng Balbalan, nag-uumpisa na rin ang eksplorasyon ng Cordillera Exploration Company Inc., subsidyaryo ng Anglo American PLC, isa sa pinakamalaking transnasyunal na kompanya ng mina na naka-base sa United Kingdom.

Tradisyunal na palay na di ginagamitan ng abono at pestisidyo ang nakatanim sa mga payao (Ilang-Ilang Quijano)

Ayon kay Danny Bangibang ng Cordillera People’s Alliance (CPA)-Kalinga, “Malinaw na bahagi ang proyektong geothermal ng Chevron sa pangkalahatang tulak ng gobyernong Aquino na ibukas ang ating likas-yaman sa ibayong pandarambong.” Tinataya ng CPA na apat sa 10 ektarya ng lupain sa buong Kordilyera ang sakop ng mga aplikasyon o operasyon ng mina, karamihan ng mga dayuhang kompanya.

Balak ng Chevron na maghukay ng exploratory wells sa mga lugar sa palibot ng Ilog Pasil. (Ilang-Ilang Quijano)

Ipinaliwanag ni Bangibang na hindi malaking planta ng enerhiya ang kailangan ng mga katutubo para magkaroon ng regular na suplay ng kuryente. Sa ngayon, umaasa lamang sa generator ang mga katutubo para sa kuryente. Ngunit sapat na sana para sa kanilang pangangailangan ang maliliit na proyektong microhydro, isa ring klase ng renewable energy na walang masamang epekto sa kalikasan at kayang patakbuhin ng mismong komunidad, ayon sa CPA. Umano’y hindi rin naman nagkaroon ng kuryente sa bulubunduking mga lugar sa kabila ng pagtatayo ng malalaking dam sa Kordilyera, dahil prayoridad ng mga kompanyang nagpapatakbo nito ang pagbebenta ng kuryente sa malalaking negosyo at sa National Grid Corporation ng gobyerno, na hindi rin naman sineserbisyuhan ang lugar ng mga katutubo.

Sang-ayon dito ang mga taga-Lower Uma. “Hindi naman talaga kami ang makikinabang sa geothermal plant na ‘yan, kundi ang malalaking kompanya,” ani Bancanao.

Pandarahas at panunuhol

Simula nang magpahayag ng pagtutol ang mga lider ng tribong Uma, hindi na sila inimbitahan pa ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mga konsultasyon hinggil sa proyekto ng Chevron. Napansin din ng mga lider ang dumadalas na pagronda sa kanilang lugar ng mga miyembro ng 77th at 21st Infantry Batallion ng Philippine Army, na anila’y mistulang “bodyguards” ng mga tauhan ng kompanya.

Naghahasik ng takot sa mga katutubo ang pagrorondo ng mga militar na nagmistulang

Tuwing rumoronda ang militar, hindi nakakapagtanim ang mga katutubong magsasaka dahil sa takot. Pinapatawan sila ng curfew. Ang lahat ng mga bagahe, iniinspeksiyon. Kapag may dalang bigas, pinagbibintangan silang nagpapakain sa mga rebeldeng NPA. Sariwa pa sa alaala ng mga katutubo ang ginawang pagpatay ng mga sundalo kay Rocky Aboli, kagawad ng barangay sa Upper Uma, noong 2008. Pinalabas ng militar na namatay si Aboli sa engkuwentro sa NPA, ngunit ayon sa mga residente, nagkakaingin lamang ang biktima nang barilin.

Kasama rin umano ang militar sa mga pulong na ipinapatawag ng NCIP, na ngayo’y mistulang mga sesyon kung saan sinusubukang suhulan ang mga lider-katutubo, sa halip na maging pagkakataon para tugunan ang mga isyung inihahapag ng mga residente. “’Yung ibang lider, binibigyan ng kompanya mga kuliglig, generator, at maging laptop, para lamang makuha ang kanilang loob. Marami silang ipinapangako sa tao, pero hindi naman talaga nasasagot ang mga katanungan hinggil sa pangangalaga sa kalikasan,” kuwento ni Bangibang.

Pagkakaisa ng mga tribo

Hindi naman natitinag ang mga katutubo. Katunayan, naging okasyon ang Araw ng Kordilyera para iparating sa mas malawak na publiko ang bantang kanilang kinakaharap. Dito, ipinagtibay din ang pagkakaisa ng iba’t ibang tribo laban sa mga proyektong mapaminsala. Bukod sa tribong Uma, apektado rin sa plantang geothermal at pagmimina ang mga tribong Colayew, Balatok, Dananaw, at Tulgao. Isang alyansa, pinangalangang SUMKAD (Supyaten Dag-iti Makadadael iti Kabiagan, Aglawlaw, Daga ken Dayao), ang kanilang binuo noong araw ding iyon. Ang ibig sabihin nito: “Labanan ang lahat ng sumisira sa kabuhayan, kalikasan, lupa, at dignidad!”

Nagbuo ang iba't ibang tribo ng isang alyansa laban sa pagpasok ng Chevron sa Kalinga, na ipinangalan sa tema ng Araw ng Kordilyera. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa isang ritwal ng pagbabasbas sa mga panauhin sa Araw ng Kordilyera, itinirik ang kalasag at sibat sa magkabilang dulo ng stadium. Simbolo ang mga ito ng pagdepensa at pag-atake, dalawang bagay na integral sa katutubong kultura. Nagsumamo sila sa kanilang mga ninuno: nawa’y bigyan sila ng lakas para harapin ang darating na mga pagsubok. Malakas ang kanilang pinagsama-samang tinig, ang kanilang sinaunang awitin na may tunog na pinaghalong panaghoy, tawag pandigma, at kolektibong sigaw ng saya.

*payao ang tawag ng mga taga-Kordilyera sa hagdan-hagdang palayan o rice terraces