Plantasyon ng palm oil, kinamkam ang lupaing ninuno sa Misamis Oriental

Sinusunog ang bahay, binubunot ang mga tanim, at pinapuputukan ng baril ang mga katutubong Higaonon na pinalalayas mula sa kanilang lupain ng malaking kompanya ng palm oil, isa sa lumalawak na industriyang agrikultural.

Tila pribadong pag-aari na ng A. Brown ang isang pampublikong lupain ng mga Higaonon sa Opol, Misamis Oriental. Pinagbawalan ng kompanya ang mga bisita ng katutubong si Consolacion Payla sa loob ng kanyang bahay, na matatagpuan sa gitna ng plantasyon ng palm oil. (Ilang-Ilang Quijano)

“Isang araw, biglang dumating ang mga guwardiya. Tinutukan nila ako ng mahahabang baril. Nag-spray sila (ng mga kemikal) sa aking mga tanim na saging at niyog. Binunot nila ang mga cassava. Nang mamatay o mawala na ang aking mga tanim, nag-bulldozer sila, at saka tinaman ng palm oil ang aking lupa.”

Nagpupuyos sa galit ang 66-anyos na si Amadeo Payla, isang katutubong Higaonon sa Brgy. Tingalan, Opol, Misamis Oriental. Kuwento niya, sa ganitong marahas na paraan unti-unting kinamkam ng A. Brown Company, Inc. ang may 520-ektarya na pampublikong lupain. Kasabay ng panunuhol at panlilinlang, isang plantasyon ng palm oil ang ngayo’y nakapuwesto sa dating mapayapang komunidad ng mga katutubong magsasaka.

Sa ngalan ng palm oil

Kalbo na ang karamihan sa mga kabundukan ng Opol. Malayung-malayo na ito sa dating kagubatan na tahanan ng mga Higaonon bago pa man dumating ang mga Espanyol. Noong dekada ’50, isang piloto na si Capt. Jose Carrie ang unang nangamkam sa kanilang lupain; dinahas at tinakot ang mga katutubo para gawin itong pastulan. Ang totoong layunin umano ni Carrie, at ng iba pang panginoong may-lupa na sumunod sa kanya, magtroso at ubusin ang mga puno sa kagubatan.

Pagsapit ng dekada ’60, marami na sa mga Higaonon ang nakabalik sa lupa. Ngunit muli itong inangkin ng isang panginoong may-lupa na nagngangalang Victor Paras. Dahas din ang naging paraan ni Paras para palayasin ang mga katutubo. Sinunog ang kanilang mga bahay, at walang habas na namaril ang mga guwardiya, kuwento ng mga katutubo.

Sa paglipas ng panahon, at marahil dahil ubos na ang mga puno, pinabayaan na ni Paras ang lupa. Inokupahan itong muli ng mga Higaonon, tinaniman, at ginawang produktibo. Ngunit noong 2010, bigla na lamang nanghimasok ang A. Brown, sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Isa ang A. Brown sa sa apat na pangunahing kompanya ng palm oil sa Pilipinas.

Lumalago ang industriya ng palm oil sa daigdig dahil sa lumalaki umanong pangangailan para dito. Sangkap ang palm oil sa marami sa mga produkto gaya ng processed food at cosmetics. Isa rin ito sa pinagkukunan ng biofuel, o alternatibo sa krudo. Dahil mabilis tumubo ang halamang palm oil, mabilis din itong pagkakitaan, bagay na sinamantala ng malalaking kompanya, lalo na sa mahihirap na bansang agrikultural.

Plantasyon ng palm oil ng A. Brown sa Brgy. Tingalan, Opol (Ilang-Ilang Quijano)

Numero unong exporter ng palm oil ang Indonesia at Malaysia, kung saan milyun-milyong ektarya—marami ay dati ring kagubatan at lupaing katutubo—ang tinatamnan ng palm oil. Sa Pilipinas, nasa 46,608 ektarya pa lamang ang saklaw ng mga plantasyon ng palm oil, ayon sa datos ng Philippine Palm Oil Development Council noong 2009.

Prayoridad ng gobyerno na palawakin pa ang mga plantasyon ng palm oil sa bansa. Sa Mindanao pa lamang, may 304,350 ektarya ang tinatarget na tamnan ng palm oil.

Biktima ng ganitong ekspansyon ang mga katutubong Higaonon sa Opol, kung saan bigla na lamang dumating ang A. Brown noong 2010. Ang A. Brown, isang kompanyang pag-aari ng negosyanteng Filipino-American, ay mayroon ding mga interes sa pagmimina, quarrying, enerhiya, at real estate. Mayroon itong 800-ektaryang plantasyon ng palm oil sa Impasugong, Bukidnon na “kinamkam din mula sa mga katutubo,” ayon kay Jomorito Goaylon, tagapangulo ng Kalumbay Regional Lumad Organization na naka-base sa Bukidnon.

Kasama ang Kalumbay, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Pesticide Action Network Asia and the Pacific, at Asian Peasant Coalition sa mga grupong sa naglunsad ng isang International Fact-Finding Mission (IFFM) noong Mayo 6-10 para imbestigahan ang umano’y pangangamkam ng lupaing ninuno sa Opol.

Pandarahas sa katutubo

Sa isang pulong na ipinatawag ng DENR-Community and Environment and Natural Resources Office (CENRO) Region 10 noong Pebrero 2011, inanunsiyo ang pag-uumpisa ng operasyon ng A. Brown sa ilalim umano ng Community-Based Forest Management (CBFM) Program. “Ipinangako ng kompanya na babayaran ng P9,000 kada ektarya ang mga magsasaka. Sinabi rin nila na hindi pipilitin ang mga ayaw pumayag,” ayon kay Rubenson Batuto, residente ng Brgy. Tingalan at bise-presidente ng Pangalasag, lokal na grupo ng mga katutubo.

Ngunit hindi binayaran ang mga magsasaka. Marami rin ang sapilitang inagaw ang lupa ng mga guwardiya ng A. Brown. “Kinuha nila ang aking mga niyog at sinunog ang aking bahay,” ayon sa 64-anyos na si Victoria Tabubo, residente ng Brgy. Bagocboc. Nang dahil sa takot, hindi na siya bumalik sa kanyang lupain.

Nagpupuyos sa galit ang mga Higaonon habang ikinukuwento ang pandarahas sa kanila para mapalayas sa kanilang lupaing ninuno (Ilang-Ilang Quijano)

Noong Marso 10, 2011, walong magsasaka ang pinaputukan ng mga guwardiya ng A. Brown at miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) habang nagtatayo ang mga ito ng kubo. Kuwento ni Edwin Baranggot, “Tinutukan kami ng baril at sinabing ‘walang gagalaw.’ Sa halip na magpakita sila ng warrant of arrest, nagpaputok sila sa ere. Tumakbo kami, at saka nila kami pinagbabaril.”

Isang magsasaka ang sugatan sa insidente, habang ikinulong naman ng dalawang linggo si Baranggot at isa pa niyang kasamahan para sa kasong direct assault. Aniya pa, bago siya dalhin sa presinto, binugbog muna siya ng NBI, habang sinasabing “Bakit kayo nagtatanim dito? Bakit hindi niyo na lang ibigay ang lupa sa A. Brown?”

Sa dayalogo ng IFFM kay Opol Mayor Dexter Yasay, inamin nito na siya ang nagpaaresto sa mga magsasaka na inaakusahan niyang binabantaan ang mga opisyal ng barangay na pumapabor sa A. Brown. Inamin din ni Yasay na suportado niya ang pagpasok ng plantasyon. “If there is no palm oil what else can we do as of the moment? With our limited resources, let’s face the reality that we need those industries to generate employment in our area,” aniya sa panayam ng Pinoy Weekly.

Lasong dala ng plantasyon

Simula nang pumasok ang A. Brown, naging mga trabahante na nga ang ilan sa mga katutubo na pagsasaka ang dating ikinabubuhay. Nangako ang kompanya na gagawin silang regular na manggagawa. Ngunit kontraktuwal lamang ang karamihan sa kanila, at sumasahod ng mababa pa sa minimum (P247 kada araw). Kumuha rin ang kompanya ng mga dayong trabahante mula sa Bukidnon.

Isa ang palm oil sa mga industriyang agrikultural na malakas gumamit ng kemikal na mga pestisidyo. Isa mga natukoy na ginagamit sa plantasyon ang carbofuran, isang pestisidyong tinuturing lubos na mapanganib (highly hazardous) dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan at kapaligiran.

Kuwento ni Batuto, inirereklamo sa kanya ng mga manggagawa na hindi sila binigyan ng karampatang impormasyon hinggil sa carbofuran. “Sinabihan sila na abono lang ito. Pero nang buksan nila ang lalagyan, nahilo sila sa lakas ng amoy,” aniya.

Nagkakasakit at namamatay ang tanim ng mga katutubo simula nang gumamit ng nakalalason na mga pestisidyo ang plantasyon. (Ilang-Ilang Quijano)

Nararamdaman na rin ng ibang residente ang mga epekto ng paggamit ng pestisidyo. “Marami sa mga bata ang laging inuubo at sinisipon. Nagkakaroon kami ng mga sakit sa balat, dati-rati wala naman,” ayon kay Consolacion Payla, asawa ni Amadeo. Kontaminado na rin umano ang sapa na dati nilang pinaliliguan.

Namamatay maging ang mga puno ng saging at niyog na tanim ng mga katutubo—tinamaan ng mga sakit at peste na anila’y sumulpot lamang nang mag-umpisa ang pag-spray ng pestisidyo mula sa plantasyon ng palm oil.

‘Public-Private Partnership’

Sa isang dayalogo sa mga opisyal sa pambansang tanggapan ng DENR, lumalabas na walang batayan ang operasyon ng A. Brown sa Opol. Ayon sa mga dokumento ng DENR, nakansela na noong 2011 ang Forest Land Grazing Land Agreement sa pagitan ng gobyerno at Paras. Isang special power of attorney ang ipinagkaloob ni Paras sa A. Brown, na “ibinibigay sa kompanya ang kontrol ng lupain.” Ngunit ayon kay Joey Austria, hepe ng Indigenous Community Affairs Office, hindi nito binibigyan ng karapatan ang A. Brown na magtanim ng palm oil sa lugar, na dapat ay saklaw ng isang Upland Agro-Forestry Program.

Hindi pa aprubado ng DENR ang aplikasyon ng A. Brown para dito. Gayundin, hindi pa aprubado ang aplikasyon ng isang grupo ng mga magsasaka (na ayon sa Pangalasag ay hindi kumakatawan sa interes ng mga katutubo) para isama sa CBFM ang dating pastulan. Sa ngayon, hindi saklaw ng CBFM ang nasabing erya, taliwas sa sinasabi ng mga opisyal ng DENR-CENRO Region 10.

Tuktok ng burol na sagradong lugar para sa mga Higaonon, nasira sa quarrying para sa konstruksiyon ng kalsada papasok sa plantasyon ng A. Brown (Ilang-Ilang Quijano)

“Tinatrato kami na parang iskuwater sa aming sariling lupain. Pero lumalabas ngayon na sila ang tunay na iskuwater,” ani Batuto.

Sa kabila nito, binigyan pa ng Board of Investments ang A. Brown ng tax perks o insentibo sa buwis. Ayon kay Antonio Flores, miyembro ng pambasang konseho ng KMP, “Ipinapakita nito ang tunay na katangian ng Public-Private Partnerships ng gobyernong Aquino—ang pagbibigay ng halaga sa pribadong tubo, kaysa sa kapakanan ng mga magsasaka at katutubo.”

Daan-daan pang mga pamilyang Higaonon ang patuloy na naninindigan para sa kanilang lupa, kahit pa unti-unti silang pinalilibutan ng plantasyon ng isang kompanyang tila walang respeto sa kanilang mga karapatan. Para sa kanila, walang kapatawaran ang pambababoy at paninira ng A. Brown sa mga lugar na tinatagurian nilang sagrado. Isang puno ng balite na nagsisilbing sambahan ng kanilang mga ninuno ang pinutol ng kompanya, ayon sa mga katutubo. Gayundin, kinalbo para sa konstruksiyon ng kalsadang dinaraanan ng mga sasakayan ng A. Brown ang tuktok ng isang burol na pinagdarausan ng kanilang mga ritwal.

Ngayon, araw-araw dinaraanan ng mag-asawang Payla ang kalsada sa burol na ito, ang dumaarang mga trak at kotseng magagara tila simbolo ng araw-araw na pagsagasa sa kanilang dignidad at karapatang pantao. “Lalaban kami,” pangako ni Consolacion. “Dahil kung hindi, tuluyan nang masisira ang aming pamumuhay, ang lupa na tahanan namin at ng aming mga ninuno.”

Pagharang ng mga guwardiya ng A. Brown sa mga miyembro ng International Fact-Finding Mission na bibisita sana sa bahay ni Amadeo Payla (kaliwa) sa loob ng plantasyon. (Ilang-Ilang Quijano)