Pintor ni Nora Aunor, magtatanghal ng mga imahen ng aktres sa London
Kaaalis lang ng London-based artist na si Francis Tanseco noong humigit-kumulang sa isang linggo na ang nakakaraan ay heto na naman siya sa Pilipinas. Sa ika-11 ng Hunyo, 2012 ang dating ni Francis sa bansa upang mag-asikaso ng mga ipininta niyang karagdagang piyesa tungkol kay Nora Aunor. Hindi nga ba’t nagdaos ng painting exhibit si […]

Kaaalis lang ng London-based artist na si Francis Tanseco noong humigit-kumulang sa isang linggo na ang nakakaraan ay heto na naman siya sa Pilipinas.
Sa ika-11 ng Hunyo, 2012 ang dating ni Francis sa bansa upang mag-asikaso ng mga ipininta niyang karagdagang piyesa tungkol kay Nora Aunor.
Hindi nga ba’t nagdaos ng painting exhibit si Tanseco sa Rizal Park Open Air Auditorium, ang mismong teatro ng Bulwagang Gantimpala ni Tony Espejo, isang linggo bago ang kaarawan ng aktres at ito ay dinayo ng napakaraming Noranians na parang hindi nababawasan bagkos ay lalo pang nadaragdagan?
Dahil matagumpay ang pagdidispley ni Francis ng kanyang mga imehan ni Nora ay nakapagpinta pa siya ng ilan pa habang siya ay nasa Pilipinas.
Labing-isang kuwadrong Nora Aunor na paksa ang inilantad ni Tanseco sa Luneta pero ngayon ay may iginuhit pa siyang gamit ang krayola kaya naman kailangang asikasuhin niya ang pagsasapubliko pa ng mga ito.
***
Hindi na nga lang sa Pilipinas gagawin ang eksibisyon kundi sa London sa ika-16 ng Hulyo, 2012 sa Philippine Center ng Embahada ng Britanya sa Europa.
Nang dahil sa preparasyong ito ay nandito muli ang pintor na nangangarap ding magdirek ng pelikula—isang gay film ang nais likhain ni Tanseco na magtatampok sa baguhang aktor na si Daryll Tanseco.
Pero ipinagpaliban muna ng alagad ng sining ang proyektong pambaklang pelikula kundi ang pagpipinta muna ang kanyang pagbabalingan ng pansin.
***
Alam ba ninyong Noranian talaga si Francis dahil nais niyang magwagi ang kanyang idolo ng National Artist Award para sa pelikula?
Nang matagalan nga siya sa bansa nitong Marso at Abril ay nais niyang magdikit ng mga tarpaulin na nakarehistro ang kanyang mga pintang Nora at idikit sa mga poste o kanto ng mga kalye at dingding ng mga bahay at establisimiyento sa buong Kamaynilaan.
Kaya nga lang ay kinontra siya ng peryodistang pampelikulang si Dennis Adobas at sinabing baka masaktan ang ibang kumikilos sa kampo ni Aunor sa kampanya sa pagka-Pambansang Alagad ng Aktres ng bituin kaya itiniklop muna ni Tanseco ang kanyang plano at ideya.
***
Kaya lang ay sasamahan ni Francis ng kanyang mga pinta hinggil kay Imelda R. Marcos ang kanyang painting exhibit kay La Aunor sa London.
Ewan ba naman dito kay Tanseco at nais pang isingit si Imelda sa kanyang sining.
“Kasi, gusto kong maging analytical kay Imelda,” katwiran ng pintor.
Alam na naman niyang nambusabos ng bayan si Marcos pero may tinitingnan pa rin si Tanseco na kung ano dahil ang kanyang oryentasyon ay pagbabalanse pero kasaysayan na nga ang naghusga kay Imelda?
Gusto pa niyang personal na magputol ng laso sa kanyang one-man painting ang sinuman kina Guy at Imelda.
Tingnan natin kung papatulan siya ng kung sinuman sa dalawang babaing ito.