Pinoy Weekly

Planong pagpasok ng ‘higit na maraming’ US warships, binatikos

USS North Carolina, nuclear warship na dumaong sa Subic noong nakaraang buwan (US Navy File Photo)

Binatikos ng militanteng mga grupo ang administrasyong Aquino para sa paghayag na inaasahang darating sa bansa ang “higit na maraming” barkong pandigma ng US. Gayundin, umalma sila sa umano’y “sinikreto” na pagbisita sa bansa ng pinakamataas na opisyal ng militar ng Estados Unidos.

Inihayag ng Department of Foreign Affairs na magiging mas madalas ang port calls o pagbisita ng US Navy sa bansa alinsunod sa Visiting Forces Agreement (VFA). Ito ay matapos ianunsiyo ni US Defense Secretary Leon Panetta kamakailan sa isang kumperensiya sa Singapore na ililipat ang 60 porsiyento ng mga barkong pandigma ng Estados Unidos sa rehiyon ng Asya Pasipiko.

Ayon kay Randall Echanis, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), “Ipinapakita ng pahayag ng DFA na si Pangulong Aquino na ang ‘numero unong poster boy‘ ng giyerang interbensiyon ng US sa Asya Pasipiko. Naging apologist na ang ating gobyerno para sa pagpasok at permanenteng presensiya ng mga tropang Amerikano sa ating bansa.”

Inihayag ni Echanis na kapalit ng umano’y “pagpapakatuta” ni Aquino ang “basbas” ng gobyernong US sa mga pampulitikang maniobra nito, gaya na lamang ng pagkontrol sa lahat ng sangay ng gobyerno, kabilang na ang hudikatura.

“Kailangan ni Aquino Ang suporta ng US para sa kanyang mapanlinlang na dilaw na gobyerno. Kailangan ni Aquino ang suporta nito para sa kanyang diktadura, na manipestasyon ng kanyang kabiguang maresolba ang lumalalang problema ng kahirapan, kawalan ng lupa, at kawalan ng trabaho,” sabi ni Echanis.

Samantala, inihayag naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na malinaw na sinikreto ng Malakanyang ang pakikipagpulong ni Gen. Martin Dempsey, hepe ng US Joint Chiefs of Staff, kay Gen. Jessie Dellosa, hepe ng Armed Forces of the Philippines.

Pag-uusapan nina Dempsey at Dellosa ang bagong estratehiya ng US sa Asya Pasipiko, at ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Dumating si Dempsey sa bansa noong Linggo, Hunyo 3. Noong araw na iyon din lamang inanunsiyo ng US Embassy ang kanyang pagdating.

“Sadyang hinuli ng mga opisyal ng gobyerno ang pagsasapubliko ng bisita ni Dempsey para maiwasan ang kontrobersiya at protesta ng mga mamamayang tutol sa tumitinding presensiyang militar at interbensiyon ng US sa Pilipinas,” sabi ni Eleanor de Guzman, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Nagbabala ang Bayan sa administrasyong Aquino na banta sa seguridad at istabilidad ng rehiyon, at sa pambansang interes at kaligtasan ng mga Pilipino, ang pagpasok sa bansa ng mas maraming tropa at barkong pandigma ng US.

Noong nakaraang buwan lamang, dumaong sa Subic Bay ang USS North Carolina, isang nuclear attack submarine ng US. Nagdulot ito ng pagdeploy ng Tsina ng limang barkong pandigma malapit sa teritoryo ng Pilipinas.

“Napalayas nga natin ang mga baseng Kano, pero sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng gobyerno, naririto silang muli sa pamamagitan ng VFA. Ngayon, nanganganib na maging mas malaking baseng militar ng US ang buong bansa,” sabi ni de Guzman.

Naghahanda ang KMP at Bayan ng mga kilos-protesta sa Hunyo 8, nakatakdang petsa ng bisita ni Pangulong Aquino kay US Pres. Barack Obama sa Washington., gayundin sa Hunyo 12, araw ng umano’y “huwad” na kalayaan ng bansa.

 

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=19998

Posted by on Jun 4 2012. Filed under Balita, Pambansang Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes