Manggagawa

P6,000 muling iginiit sa Malakanyang ng mga kawani ng gobyerno


Binatikos ng mga kawani ng gobyerno ang umano’y patuloy na pagpapabaya ng administrasyong Aquino sa kanilang panawagang makabuluhang umento na P6,000. Sa piket sa Mendiola, Manila sa harap ng Malakanayang na pinangunahan ng Wage Fight, alyansa ng mga manggagawa sa gobyerno sa pangunguna ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, […]

Martsa ng mga kawani sa gobyerno sa ilalim ng Courage, patungong Mendiola noong Hulyo 12. (Pher Pasion)
Martsa ng mga kawani sa gobyerno sa ilalim ng Courage, patungong Mendiola noong Hulyo 12. (Pher Pasion)
Martsa ng mga kawani sa gobyerno sa ilalim ng Courage, patungong Mendiola noong Hulyo 12. (Pher Pasion)

Binatikos ng mga kawani ng gobyerno ang umano’y patuloy na pagpapabaya ng administrasyong Aquino sa kanilang panawagang makabuluhang umento na P6,000.

Sa piket sa Mendiola, Manila sa harap ng Malakanayang na pinangunahan ng Wage Fight, alyansa ng mga manggagawa sa gobyerno sa pangunguna ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, Alliance of Health Workers (AHW) at Alliance of Concerned Teachers (ACT), iginiit nila kay Aquino na ibigay ang umento matagal nang ipinangako at nararapat sa kanila.

“Ang pagkilos na ito ay upang malaman ng mga mamamayan na hindi naging mabuting boss sa mga ordinaryong kawani sa gobyerno (si Aquino). Ang kanyang programa tulad ng PPP (Public-Private Partnership) ay nagdudulot lamang ng malawakang pagtanggal sa trabaho at kontraktuwalisasyon sa mga kawani sa gobyerno,” ayon kay Rose Nartates, pangkalahatang kalihim ng Courage.

Kinondena ng grupo ang Salary Grade 1 (P9,000 kada buwan) o ang minimum pay sa pampublikong mga empleyado na signipikanteng mas mababa sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Malayung-malayo din umano ito sa halos P30,000 kada buwan na tantsa ng National Economic Development Authority (NEDA) na halaga ng arawang gastos ng isang pamilya na may anim na miyembro sa Metro Manila.

Ayon naman kay Erwin Lanuza, isa sa mga tagatipon ng Wage Fight, hindi pa nagkakaroon ng makabuluhang sahod ang mga kawani ng gobyerno sa ilalim ni Aquino. Naging mapanlinlang umano ang Salary Standardation Law 4 na nagpapako sa kasalukuyang sahod ng mga kawani ng gobyerno. Sasabihing mayroon umento sa sahod pero installment ito sa loob ng apat na taon, paliwanag ni Lanuza.

“Ang tunay na halaga ng aming sahod ay bumababa dahil sa inflation. Ang aming panawagan ay para sa gobyerno na maglaan ng agarang ginhawa sa mababang kalagayan ng mga kawani sa gobyerno at hindi lamang sa pagtaas ng mga bilihin kundi sa epekto ng pagkawala ng benepisyong gobyerno mismo ang kumukuha,” ayon naman kay Mar Aguilar, presidente ng Judiciary Employees Association.

Sinang-ayunan naman ito ni Jossel Ebesate, pangulo ng Alliance of Health Workers. Kasama sa ipinaglalaban ng AHW ang hazard pay ng mga manggagawang pangkalusugan na anim na buwan nang hindi natatanggap. Tinatayang umaabot sa P2,000 hanggang P8,000 kada buwan ang hazard pay na di pa nabibigay sa mga manggagawang pangkalusugan.

Binatikos din ni Ebesate ang napipintong pagsasapribado ng 26 na publikong ospital na nangangahulugan ng malawakang tanggalan sa trabaho, kontraktuwalisasyon at pagkawala ng serbisyong publiko sa inaasahang pagtaas ng singil sa serbisyong pangkalusugan.

“Sa State of the Nation Address ni PNoy, ipagmamalaki niya ang mga nilikhang trabaho ng kanyang administrasyon. Pero hindi niya sasabihin na ang mga trabahong ito ay kontraktuwal. Hindi niya sasabihin kung anong klaseng trabaho ang mga ito. Hindi niya sasabihin na mababa ang sahod ng mga manggagawa sa gobyerno. Hindi niya sasabihing binabawasan o tinatanggalan ang benepisyo ng mga kawani sa gobyerno. Hindi niya sasabihing mawawalan ng trabaho ang libu-libong kawani sa gobyerno dahil sa pribatisasyon,” diin ni Lanuza.

Naghahanda ang Wage Fight ng mas malalaking protesta sa nalalapit na SONA ni Aquino.

“Ang pagkilos na ito ay patikim pa lamang ng kung ano ang mas higit na darating. Dahil naniniwala kami na ang sahod ng mga manggagawa ay usapin ng hustisyang panlipunan, sasama kami sa Sona ng Bayan sa Hulyo 23,” pagtatapos ni Aguilar.