Abogado Romeo T. Capulong: Mula personal tungong pambayan

September 21, 2012

Abogado ng bayan: Atty. Romeo Capulong o RTC. (Boy Bagwis / PW File Photo)

Abogado ng bayan: Atty. Romeo Capulong o RTC. (Boy Bagwis / PW File Photo)

Pumanaw si Atty. Romeo T. Capulong o RTC noong Setyembre 16, matapos ang matagal na pagka-confine sa Manila Medical Doctors Hospital. Ikinaluksa ng iba’t ibang organisasyong masa ang pagpanaw ng isang “abogado ng bayan” at pioneer sa public interest law, o paggamit sa batas para sa interes ng publiko, sa bansa.

Ang artikulong ito ay unang inilathala sa Pinoy Weekly (weekly print edition) noong Oktubre 18-24, 2006.

* * *

“Muntik na akong madale,” bungad ni Atty. Romeo Capulong, ad litem judge ng United Nations at tagapagtatag ng kauna-unahang Public Interest Law Center sa Pilipinas, nang dalawin namin siya sa bago nilang nilipatan. Umalis sila sa bahay nila sa Muntinlupa dahil marami nang umaaligid na mga kahina-hinala.

Nabalitaan ni Atty. Capulong (kilala rin sa tawag na RTC) na may isang “matanda” sa OB (Order of Battle) ng militar. Ang hinala niya, siya iyon o si Obispo Alberto Ramento, na di pa natatagalang pinaslang. Kapwa sila nagtaguyod sa laban ng mga welgista sa Hacienda Luisita. Si RTC ang senior legal consultant nila – at abogado rin ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines).

Pagdalaw ng peligro 

Noong Marso 7, 2006, habang nagpapahinga sa kanyang bahay sa Nueva Ecija, isang sasakyan ang huminto sa tapat. Dalawang lalaki ang nagbukas ng bintana ng sasakyan.Nakita sila ng mga barangay tanod na nagbibigay ng seguridad kay RTC. Naalarma ang mga tanod, nagkasa ng baril. Mabilis na tumalilis ang sasakyan.

Maraming taon na ang nakaraan, si RTC ay naging panauhin sa isang talk show sa RPN Channel 9. Inabangan siya ng ilang kotse sa entrada ng istasyon. Mismong mga security guard ng istasyon ang naghinala sa masamang tangka kay RTC. Umeskort sila sa abogado, gamit ang daan sa likod ng compound.

Mahirap maging abogado

Anak ng magsasaka si RTC. Minsan habang siya’y nagpapastol ng kalabaw sa gilid ng bahay ng asendero, napanood niya ang isang pagdiriwang. Nakita niya ang mga abogadong kuntodo porma at nangangastila pa. Humanga siya sa kanila. Tingin niya, ang mga taong iyon ang nakapagbibigay ng katarungan sa bayan.

Dahil laki sa hirap, nakita ng batang Capulong ang kawalan ng katarungan. Nakita niya ang pagkakahati-hati. Ang mga kaklase sa elementarya na anak ng mga asendero, malilinis, pormang-porma, samantalang siya’y yapak.

“Bakit ganoon? Bata pa lang ako, may nararamdaman na akong inhustisya sa lipunan.”

Sa hayskul, isang gurong nag-aaral ng abogasya ang naging inspirasyon niya. Itinulak din ng iba ang guro na mag-abogado siya dahil siya ay “pilosopo” at mahilig sa debate. Natuloy ang pangarap, 1951. Madali siyang nakapasok sa Unibersidad ng Pilipinas para kumuha ng pre-law dahil salutatorian siya sa hayskul. Taong 1953, nasa College of Law na siya, hanggang nakatapos ng abogasya noong 1957.

‘Mapagpasyang sangandaan’ at kamulatan

Inamin ni Atty. Capulong na mis-edukado siya lalo na sa kolehiyo. Itinuro umano sa kolehiyo ang indibidwalismo at pagtatanggol sa namamayaning kalagayan ng lipunan. “Itinanim sa aming kaisipan na ang pagiging abogado ay isang propesyon na magpapaunlad sa sarili. Na magkakaroon ka ng magarang bahay, awto at iba pa.”

Para kay RTC, ang isang abogado ay aabot at aabot sa rurok ng pagpapasya, ng “mapagpasyang sangandaan.” Nakatulong sa pagpapasya ang bilin ng kanyang ama na huwag hahawak ng mga kasong panig sa mga panginoong maylupa.

“Nagpraktis din ako ng tradisyunal na abogasya, at minsang nag-ambisyong maging kongresista. Pero dumating ang punto na kailangan kong mamili…at pinili ko ang maglingkod sa sambayanan.”

Unang nasabak si RTC sa isang asuntong kaugnay ng Republic Act 3844 (Leasehold Law), bandang 1962 sa Nueva Ecija. Batay rito, 25% na lamang ang ibubuwis ng magsasaka sa panginoong maylupa. Naghanap ng butas sa batas ang mga panginoong maylupa. Nagawa nilang mapalayas ang mga magsasaka. Si RTC ang naging abogado ng mga magsasaka.

Sabi ni Atty. Capulong, hindi uubra na wala kang pinapanigan sa pagtatanggol ng isang usapin. “Sinong human rights lawyer ang pupusta ng buhay sa mababang halaga? Hindi ka tatagal sa ganyang gawain kung hindi ka naniniwala sa iyong ginagawa,” aniya.

Pero iginiit din niyang kailangang mulat ang ipinagtatanggol ng isang abogado. “Dapat bitbit ng isang kliyente ang wastong pulitika. Kung hindi, dapat na imulat mo siya sa tamang pulitika.” Kailangan aniyang mulat ang magsasaka o ang manggagawa sa usapin para hindi natatali sa usaping legal. Para kay RTC, mahalagang ang kasong hinahawakan ay nakaugnay sa mas malawak na laban ng mga mamamayan.

Pag-unlad sa pulitika

Noong mga unang mga taon ng kanyang pagiging abogado, naging kliyente niya si Gob. Eduardo Joson, isang tradisyunal na pulitiko. Sa pag-usad ng panahon, naging kliyente naman niya si Sen. Benigno Aquino, na ayon kay Atty. Capulong ay may pagka-liberal at nakikipag-alyansa sa progresibong mga puwersa. Hanggang nitong mga huli, naging kliyente na niya si Jose Maria Sison, punong tagapayo ng NDFP.

“Masasalamin dito ang transisyon ng aking pulitika bilang aktibista at abogado ng karapatang pantao,” sabi ni RTC.

Minsan, hinarang ng mga pulis ang mga nagrali sa Balintawak. Panahon noon ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit, presidente si Fidel Ramos. Isang koronel ang nagmamando. Lumapit si Atty. Capulong sa koronel para makipagnegosasyon. Nang malaman ng koronel kung sino siya, nanlaki ang mata at nagwika, “Hindi ako puwedeng makipag-usap sa inyo. Tatawag ako ng mas mataas na opisyal!”

Minsan naman, isang abogadong pulis ang sumita kay Atty. Capulong. Sinabi ng abogadong pulis na “roving checkpoint” ang ginagawa nila. Gusto nilang halughugin ang sinasakyan nina RTC.

“Ilegal iyan,” sabi ni Atty. Capulong.

“Legal ito ayon sa Korte Suprema,” pakli ng abogadong pulis.

“Legal kung mapapatunayan mo na ang APEC Summit ay isang state of emergency – dahil  ang roving checkpoint ay legal lamang sa panahon ng state of emergency.”

Natameme ang pulis.

‘Sa bawat kasong hawakan ko…”

Sa kabila ng mga banta sa buhay, walang planong tumigil si RTC sa paglilingkod sa taumbayan. “At kapag ikaw ay inaatake, atakehin mo rin.” Ito ang isa sa kanyang paninindigan sa harap ng pandarahas. “Nagsu-survive angt mga lumalaban habang ang mga nananahimik ay napapahamak.”

“Kung tutuusin, dekada ’80 pa, patay na ako. Hinahawakan ko noon ang mga kaso ng mga nangungunang komunista tulad nina Jose Maria Sison at iba pa. Pero narito pa rin ako at buhay na buhay,” aniya. Kahit magpipitumpu’t dalawang taon na si RTC, hindi siya magreretiro dahil walang ganoon sa abogado ng bayan.” Aminado siya, gayunman, sa mga pisikal na limitasyong dulot ng edad.

“Naglilingkod tayo dahil alam natin na iyon ang dapat gawin. Isinabuhay natin ang makabuluhang buhay, bagaman maaaring hindi ko makikita sa aking lifetime ang tagumpay ng ating ipinaglalaban – isang lipunang may katarungan, kapayapaan at tunay na demokrasya.”

“Sa bawat kasong hawakan ko, alam kong nailalantad ko ang kabulukan, naigigiit ang paglaban. Isa pa, may tiwala ako sa masa. Sila ang huhubog sa kinabukasan.”