Palabas, Paglilitis at Pakikibaka


Ipinalabas sa Cultural Center of the Philippines ang dulang simbolikal na “Walang Sugat” ni Severino Reyes nitong mga nakaraang linggo.  Ipinakita sa produksyon ang posibleng paraan ng pagtatanghal ng dula na noong panahon pa ng pananakop ng mga Amerikano isinagawa. Dahil simbolikal, kailangang idaan ang dula sa malikhaing paraan na nagpapakita ng nasyonalismo. Subalit hindi […]

Walang Sugat. Muling itinanghal ngayong taon ang dulang itinuring na sedisyoso noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Ipinalabas sa Cultural Center of the Philippines ang dulang simbolikal na “Walang Sugat” ni Severino Reyes nitong mga nakaraang linggo.  Ipinakita sa produksyon ang posibleng paraan ng pagtatanghal ng dula na noong panahon pa ng pananakop ng mga Amerikano isinagawa. Dahil simbolikal, kailangang idaan ang dula sa malikhaing paraan na nagpapakita ng nasyonalismo. Subalit hindi maitatatanggi na sa mga orihinal na pagtatanghal, kakambal ng mga artista ang kaba habang sila’y umaarte. Baka sila’y mahuli. Baka sila’y makulong. Ito ang malaking kaibahan sa pagtatanghal ng dula ni Severino noon at sa kontemporaryong panahon.

Ang panahon ng 1902 hanggang 1906 ang era ng mga sedisyosong dula. Nilikha ang batas na Act No. 292, ang Sedition Act na ipinasa noong Nobyembre 4, 1901 na nagbibigay-krimen sa anumang adbokasiya para sa paglaya ng Pilipinas. Dahil sa batas na anti-subersyon na ipinatupad ng kolonyal na sistema ng pamamahala ng mga Amerikano, hinuli at ikinulong ang mga artistang tuwirang tumutuligsa sa isang imperyalistang estado. Bukod kay Severino Reyes, nakulong rin sina Juan Abad, Juan Matapang Cruz, at Aurelio Tolentino. Dumaan sila sa paglilitis. Kumuha ng mga testimonya mula sa mga saksi at mga manonood ng palabas kung ano ang naging epekto sa kanila ng dula.

Unang itinanghal sa  Teatro Libertad noong Hulyo 7, 1902 ang dulang “Tanikalang Ginto” ni Juan Abad.  Iniligid din ito upang ipalabas sa malalapit na probinsiya tulad ng Laguna at Cavite.  Mahalagang aspekto ng produksyong pandulaan noong mga panahong ito ang konsepto ng mobilidad ng sining.  Ang sining ang lumalapit sa mga manonood, hindi ginawang eksklusibo.  Nagiging behikulo ang dula sa pagpapalaganap ng mga sentimyentong makabayan at anti-kolonyal. Sa naging pagtatanghal nito sa Batangas noong Mayo 10, 1903, ipinasara ito ng mga awtoridad ng lalawigan at kinasuhan ng sedisyon ang manunulat.

Sa pamamagitan ni Judge Paul W. Linebarger, napatunayang sedisyoso ang drama at maysala ang awtor na kinasuhan ng dalawang taon na pagkakakulong na may multa na 2,000 dolyar. Noong Agosto 9, 1906, binaligtad ng Korte Sumprema ang desisyon ng mababang korte. Habang nakapending ang kaso, sinulat ni Juan Abad ang “Isang Punlo ng Kaaway” na itinanghal sa Teatro Rizal sa Malabon noong May 8, 1904 na naging dahilan sa pangalawang aresto kay  Abad.  Upang paigtingin  pa sa hukuman ang mga akusasyong ito kay Abad, pinatawag ang isang saksi para magbigay ng kanyang testimonya. Sa  transkripsyon ng testimonya ni Jose Villanueva, nang tanungin siya kung nauunawaan ba ng mga manonood ang simbolismong ginamit ng awtor sa dula, sinabi niyang hindi siya nakatitiyak. Gayunman, sinabi rin niya na sa kanyang palagay, iilan lamang ang nakakaunawa nito.

Sang-ayun naman kay Alfredo Cantos, isang saksi ng pamahalaan nang tanungin siya hinggil sa politikal na epekto ng dula sa mga manonood, binanggit niyang narinig niya mula sa ibang mga manonood na may kinalaman ang dula sa ugnayan ng Pilipinas at Amerika. Nang tanungin din siya hinggil sa impresyon na epekto ng dula sa mga partikular nitong mga manonood, binanggit niya na karamihan sa mga manonood ay nagustuhan ang palabas. Gayunman, hindi niya batid kung ito’y dahil sa maganda at may poetikong linya, o dahil sa may kinalaman ang dula hinggil sa relasyon ng Pilipinas at Amerika.

Sa testimonya naman ni Simeon Luz, nang tanungin siya kung naunawaan ba ng mga manonood ang dula, binanggit niya na marahil na nauunawaan ito ng mga edukadong manonood, subalit yaong mga sinasabing masa’y mahihirapan itong unawain. Gayunman kung ito’y ipapaliwanag sa kanila, maaari nila itong maintindihan kaagad. Tinanong din si Simeon Luz kung sa kanyang pagtatanya ay malaki ang epekto ng dula, binanggit niya na hindi niya ito masasabi. Subalit nabalitaan niyang nagkamit ito ng masigabong palakpakan mula sa mga manood.  Para sa kanya, isa ito sa pinakamahusay na dulang itinanghal.

Itinanghal naman ang dulang “Hindi Aco Patay” ni Juan Matapang Cruz sa Teatro Nueva Luna sa Malabon noong Mayo 8, 1903. Sa isang ulat mula sa The Manila Times noong Hulyo 6, 1903, habang itinataas ang bandila ng Katipunan sa likod ng tanghalan, isang lasing na sundalong Amerikano ang nagtapon ng bote ng serbesa, umakyat sa entablado at lumikha ng ingay rito.  Hinuli ang manager ng teatro, ipinagbawal ang dula at kinuha ang gamit-panteatro tulad ng bandila ng Katipunan at iba pang sagisag-rebolusyonaryo. Hinuli ang mga artista matapos ang isang buwan. Nagtago si Juan Matapang Cruz noong Hulyo 5, 1903 habang may malaking piyesta ng mga Amerikano. Dalawang taong nakulong si Juan Matapang Cruz. Kaya’t lumalampas sa drama ng palabas ang pagtatanghal, sapagkat ang totoong drama’y nangyari sa tunay na buhay ng mga alagad ng sining.

Isa si Aurelio Tolentino sa mga mandudula na ilang beses inaresto at ikinulong ng gobyernong Amerikano dahil sa mga dulang mapanghimagsik.

Isa si Aurelio Tolentino sa mga artistang nakulong dahil sa kanyang paglikha ng mga akdang subersibo at tumutuligsa sa isang kolonyal na sistema ng pamamahala ng mga Amerikano. Tumulong din siya sa distribusyon ng La Solidaridad, at naging  miyembro ng La Liga Filipina. Isa rin siya sa mga orihinal na miyembro ng Katipunan. Kasama siya nina Jacinto, Bonifacio sa Pamitinan Cave sa Montalban kung saan idineklara ang kalayaan noong Abril 10, 1895. Sa pagsisimula ng rebolusyon, nakulong siya ng siyam na buwan sa Bilibid at doon tinorture. Isa rin siya sa mga pumirma ng deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas.  Naging manunulat din siya sa iba’t ibang pahayagan tulad ng La Independencia, La Patria, El Liberal at ng sarili niyang pahayagan na Filipinas. Noong Agosto 1900, itinayo niya rin ang lihim na samahan na Junta de Amigos.  Nang itayo ni Artemio Ricarte ang isang bagong rebolusyonaryong kilusan, sumali rito si Tolentino subalit agad din siyang hinuli at ikinulong. Sa buo niyang buhay nakaranas si Tolentino ng siyam ulit ng pagkakakulong.

Sa tala ni Edna Manlapaz, noong Mayo 14, 1903 sa Teatro Libertad sa Maynila hinuli si Tolentino.  Sa isa sa mga eksena na nakasulat sa dula na kailangang kunin ang bandila ng Amerika at ito’y lukutin bilang senyales na tagumpay, hindi ito ginawa ng nakaatas na artista dahil sa makikita siya ng mga Amerikanong manonood. Si Aurelio Tolentino mismo ang gumawa ng aksyon at eksena. Dahil dito, nagalit ang mga manonood na Amerikano at isang galit na sundalo ang lumikha ng kaguluhan. Matapos nito, inaresto si Tolentino at ang iba pang artista sa dula. Kung tutuusin, ang mga Amerikanong nanonood ng dula ang unang nagsasagawa ng kaguluhan habang nagtatanghal. Kinasuhan si Tolentino ng sedisyon at hinatulan ng dalawang taon na pagkabilanggo at may multa na 2,000 dolyar. Sa pamamagitan nina Rafael Palma at dalawang pang Amerikanong abugado, nag-apela sila sa Korte Suprema subalit noong Marso 6, 1906, hinatulan si Tolentino na maysala.

Mayroon din mga pagkakataong ang mga hinuhuli ay ang buong mga artista ng dula tulad nang nangari noong Mayo 15, 1903 sa Obando, Bulacan na nagtanghal ng “Ang Kalayaan Hindi Natupad.”  Kahit sa dulang “Pulong Pinaglahuan” na itinanghal sa Navotas, Rizal noong Enero 23, 1904 ang lahat ng mga artista at awtor ng dula na si Mariano Martinez ay hinuli.  Isang dula naman mula sa Laoag, Ilocos Norte, ang “Ang Katipunan” na itinanghal noong  Pebrero 21, 1905 kung saan pati ang lahat ng mga nanood ay hinuli.  Ibig sabihin, hindi lamang ang mga manunulat at artista ang hinuhuli kundi maging ang mga manonood na maaaring maimpluwensyahan ng mga dulang ipinapalabas. Ganito katalas ang mga dula. Layunin ng sining na magmulat at mag-organisa sa mga manonood.

Buhay ang sining na nakikibaka at nagpapatuloy ang represyon ng estado upang pigilan ang mga subersibo sa layunin nilang magmulat ng mga manonood, mambabasa at tagapagtangkilik ng sining na rebolusyonaryo. Isa na rito si Alan Jazmines na kasalukuyang nakapiit sa Bicutan/Camp Bagong Diwa sa Special Intensive Care Area. Inilipat si Alan Jazmines dito mula sa kanyang pagkakakulong sa Camp Crame.  Magsasampung buwan na siyang nakapiit sa SICA kasama ang iba pang mga bilanggong politikal.Hindi na rin bago kay Jazmines ang makulong dahil sa kanyang politikal na paninindigan. Mula pa noong panahon ng batas Militar, nakulong na si Jazmines. Nakapaglabas ng antolohiyang “Moons Face and Other Poems,” at nag-eksibit din ng kanyang mga likhang larawang tumatalakay sa mga pambansang isyu ng ating bayan. Ipiniit man siya, nagpapatuloy siya sa paglikha ng makabayang sining.

Sa ikaapat na palapag ng SICA nakakulong sina Jazmines. Kasama niya sa selda ang iba pang bilanggong politikal na mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan; kabataan, pesante, katutubo, at aktibistang estudyante. Pinasilip kami ni Jazmines sa kanilang buhay sa kulungan gamit ang kanyang mga salita. Natural siyang kuwentista, subalit hindi mula sa imahinasyon ang kanyang isinasalaysay, kundi mga katotohanan sa buhay ng mga bilanggong politikal sa bansa. Ito na ang ikatlo niyang pagkakakulong, at nakamamangha na nakukuha pa niyang ngumiti. Malinaw na makikita sa kanya ang katatagan na hinubog ng kanyang pakikibaka. Maaaring puti na ang kanyang buhok, subalit tanda ito ng angkin niyang karunungan at haba ng makulay niyang buhay sa pakikibaka.

 

Sanggunian:

Bonifacio, Amelia L., The “Seditious” Tagalog Playwrights: Early Ameircan Occupation (Manila: Zarzuela Foundation of the Philippines, 1972).

Fernandez, Doreen G., Palabas : essays on Philippine theater history (Quezon City : Ateneo de Manila University Press, 1996).

Riggs,  Arthur Stanley,  The Filipino Drama 1905, Public Laws Annotated (Manila:  Ministry of Human Settlements, Intramuros Administration, 1981).

The Law Phil Project-The Arellano Law Foundation

The State of Political Detainees: Philippine Setting, Jesus P. Casila et., al. Philippine Law Journal.