Karapatang Pantao

Internasyunal na komunidad, nabahala sa pagpaslang ng lider-katutubo


Nabahala ang internasyunal na komunidad sa pagpatay kay Gilbert Paborada, 47, isang lider-katutubo na lumalaban sa pangangamkam ng lupa ng isang plantasyong palm oil sa Opol, Misamis Oriental. Sa isang pahayag sa midya, kinondena ng Pesticide Action Network Asia and the Pacific (PAN AP), isang nongovernment organization na nakabase sa Malaysia, ang pagbaril kay Paborada […]

Gilbert Paborada, tagapangulo ng Pangalasag, pinaslang noong Oktubre 3 (Jingo Tamayao)

Nabahala ang internasyunal na komunidad sa pagpatay kay Gilbert Paborada, 47, isang lider-katutubo na lumalaban sa pangangamkam ng lupa ng isang plantasyong palm oil sa Opol, Misamis Oriental.

Sa isang pahayag sa midya, kinondena ng Pesticide Action Network Asia and the Pacific (PAN AP), isang nongovernment organization na nakabase sa Malaysia, ang pagbaril kay Paborada sa kanyang tinutuluyang safehouse sa Cagayan de Oro City. Napilitan si Paborada na lisanin ang Opol dahil sa mga banta sa kanyang buhay.

Subalit noong Oktubre 3, binaril nang limang beses si Paborada ng dalawang di pa nakikilalang salarin habang pababa siya ng motorsiklo sa Brgy. San Nicholas, Puntod.

Si Paborada ang ika-apat na lider-katutubong pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ayon kay Sarojeni Rengam, executive director ng PAN AP, “It is a brazen act of impunity at a time when the company is being accused of landgrabbing by the local community. It fits into the disturbing pattern of extra-judicial killings of peasant leaders and other activists in the Philippines.”

(“Isa itong lantarang akto ng impunidad sa panahong inaakusahan ng lokal na komunidad ang kompanya ng pangangamkam ng lupa. Bahagi ito ng padron ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga lider-magsasaka at iba pang aktibista sa Pilipinas.”)

Naniniwala ang Kalumbay, organisasyon ng mga katutubo sa Hilagang Mindanao, na may kinalaman ang pagpatay kay Paborada sa kampanya para paalisin sa Opol ang A. Brown Company, Inc. mula sa kanilang lupaing ninuno. (Basahin ang imbestigatibong istorya ng Pinoy Weekly hinggil dito.)

Sa isang International Fact-Finding Mission (IFFM) na pinangunahan ng PAN-AP noong Pebrero, natuklasan na puwersahang pinaalis ng nasabing kompanya ang mga katutubong Higaonon para magtayo ng plantasyong palm oil. Dalawang taon na ang A. Brown sa lugar kahit wala pa itong kaukulang permiso mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon pa sa PAN-AP, dapat magsagawa ng mabilis at patas na imbestigasyon sa kaso ang administrasyong Aquino. Sinabi rin niya na marapat ang kagyat na pag-alis ng kompanyang A. Brown sa Opol. 

“The pull-out of the company is necessary to break the climate of fear that has pervaded among the Higaonons since the entry of A. Brown. There can be no justice as long as the ancestral lands of his peoples continue to be occupied by landgrabbers,” sabi ni Rengam.

(“Kailangan ang pag-alis ng kompanya para matigil ang klima ng takot sa mga Higaonon magmula nang pumasok ang A. Brown. Walang hustisyang makakamit hangga’t inookupa ng mga mangangamkam ng lupa ang mga lupaing ansestral ng kanilang mga mamamayan.”)

Kinuwento ni Paborada noon sa IFFM kung paano siya pinagbantaan ng mga guwardiya ng A. Brown sa ilang pagkakataon. Si Paborada ang tagapangulo ng Pangalasag, lokal na grupo ng mga katutubo sa Opol.

Siya rin ang ikatlong lider-katutubo na pinaslang ngayong taon, ayon sa Katribu Party-list. Ang una ay si Jimmy Liguyon ng Bukidnon na pinaslang noong Marso 5 ng pinagihinalaang mga miyembro ng New Indigenous People’s Army Reform (NIPAR).

Ang ikalawa ay si Genesis Ambason ng Agusan del Sur na pinaslang noong Setyembre 13 ng pinagihinalaang mga miyembro ng Citizens Armed Forces and Geographical Unit (CAFGU).

“Dahil sa pagpaslang ni Paborada, mas kagyat ang panawagan namin na i-disband at disarmahan ang mga grupong paramilitar lalo na sa mga katutubong komunidad. Ilang pagpaslang pa ba ang kailangan?” ani Beverly Longid, pambansang tagapangulo ng Katribu.

Samantala, nanawagan ang PAN-AP sa rehiyunal at internasyunal na komunidad na suportahan ang pakikibaka ng mga Higaonon sa Opol laban sa pangangamkam ng lupa. Naniniwala ang grupo na ang pangangamkam ng lupa ay nagdudulot ng ibayong kahirapan at kagutuman.

“Now, more blood has been shed for the struggle for land and rights… The struggle must continue, so that Paborada would not have died in vain,” pagtatapos ni Rengam.

(“Mas marami na ngayon ang dugong dumaloy para sa lupain at karapatan…Dapat na magpatuloy ang pakikibaka, para hindi masayang ang buhay na isinakripisyo ni Paborada.”)