Pinoy Showbiz

“Leona Calderon” ni Pilar Pilapil, opening film at world premiere sa 12th Gwangju International Film Festival sa South Korea


Tiyak na magtatanung-tanong ang mga taga-showbiz kung saan at ano ang Gwangju International Film Festival kung saan opening film dito ang pelikulang “Leona Calderon” ni Pilar Pilapil sa direksyon ni Jowee Morel sa ika-8 ng Nobyembre, 2012. Kasi nga’y mismong dito sa industriya ng pelikulang Pilipino ay nagsusukat ang mga tao kung ano o kung […]

Tiyak na magtatanung-tanong ang mga taga-showbiz kung saan at ano ang Gwangju International Film Festival kung saan opening film dito ang pelikulang “Leona Calderon” ni Pilar Pilapil sa direksyon ni Jowee Morel sa ika-8 ng Nobyembre, 2012.

Kasi nga’y mismong dito sa industriya ng pelikulang Pilipino ay nagsusukat ang mga tao kung ano o kung gaano kalaki o kaliit o gaano kahalaga ang isang international film festival.

Nangunguna na ang Film Development Council of the Philippines sa pagkakaroon ng listahan ng mga international film festival at kung alin ang susuportahan nito sakali at ang isang Filipino film artist ay pupunta para bigyan nito ng pinansiyal na suporta.

Para sa FDCP, pag wala sa sampung pangunahing international film festival ang okasyon ay madalas kaysa hindi ay hindi intresado ang ahensiya na tulungan ang sinumang Pinoy film artist o technocrat na dadalo sa alinmang international film festival na na wala sa taaan nito.

Halimbawa, ipapalabas ang pelikula ni Jigz Recto na “Road to Ampatuan” sa Jakarta International Film Festival sa Indonesia at nais humingi ng karagdagang pamasahe ng direktor sa FDCP, malamang kaysa hindi ay hindi maaaprubahan ang hiling nito dahil wala sa sampung pangunahing international film festival ang sa Jakarta.

                                          ***

Kahit ang retirado nang kritiko ng Young Critics Circle at programmer ng Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute sa Diliman sa Quezon City na si Nonoy Lauzon ay may listahan at alam kung alin at ano ang malalaki at may puwersang international film festival na makakapagpaabante pa ng pelikulang kinakatawan ng isang Filipino.

Kaya lang ay ang lahat naman ng international film festival, sa aming pananaw, ay mahalaga at may saysay.

May mga grupo-grupo pa ng mga taga-showbiz na mangmamaliit kung ang isang international film festival ay “never heard.”

At ang mga grupo-grupong ito ng mga taga-showbiz ay may kaugnayan din sa tinatawag na independent o indie filmmaking na madalas na bukal ng mga obrang dinadala sa ibang bansa.

Sila pa ang mauunang mangmaliit o magmenos sa mga walang pangalang international film festival o hindi sikat o kaya naman ay tinitingnang walang impluwensiya.

Kaya naman paano uunlad ang pelikulang Pilipino sa partikular at ang lipunang Filipino sa kalakhan kung ganyan ang mapanlait na kulturang ipinalalaganap?

                                          ***

Katulad ng Gwangju International Film Festival kung saan unang itatanghal ang “Leona Calderon” ni Pilar na tungkol sa isang Overseas Filipino Worker o OFW na nagtatrabaho sa London sa loob ng tatlumpu’t anim na taon hanggang matuklasang siya ay may uterine cancer.

Ang problema ng karakter ni Leona Calderon ay kung uuwi siya sa Pilipinas para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay pero mauubos ang kanyang naipon sa pagpapagamot dahil hindi tinatanggap dito ang health insurance benefit ng maysakit na ipinagkakaloob ng United Kingdom sa mga mamamayan o nagtatrabaho rito o mananatili na lang siya sa London at makapagpagmot rito nang libre bagamat maaaring sa ibang bayan na rin siya mamatay.

Kahit sa South Korea, ang Gwangju International Film Festival ay pang-apat lang pagkakasunud-sunod sa “impact” sa mga international film festival ng bansang ito dahil ang una ay ang Busan, ikalawa’y ang Puchon at ang ikatlo’y ang Jeonju.

Pero sa Korea ay hindi nagkokopyahan ng konsepto ang bawat international film festival kundi may kanya-kanya ang mga itong katangian.

Samakatuwid, kahit na magkakakompitensiya rin ang mga ito sa maraming aspeto pero hangga’t maaari ay magkakaiba ng layunin.

                                          ***

Kung ang Busan ay sinasabing Cannes Film Festival ng Asia at ang Puchon ay Fantastic Film Festival at ang Jeonju ay ang pagkilala at pagpapaunlad sa mga bagong direktor, ang Gwangju ay tribute sa dating pangulo ng South Korea na si Kim Dae-Jung.

Ang Gwangju ay siyudad kung saan kinikilala ang demokrasya at karapatang pantao ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng pelikula.

Sa katunayan, ang Kim Dae-Jung Nobel Peace Film Award ay ibinibigay taun-taon ng Gwangju sa natatanging pelikulang nagpapakita ng pag-asa sa kapayapaan.

Si Kim Dae-Jung ay isang Koreyano na lumaban sa diktadurya ng militar sa Korea at nang dahil dito, siya ay binihag, ipinatapon, tinortyur at inilagay sa house arrest.

Pero noong 1999 ay naging presidente ng South Korea si Kim Dae-Jung at noong 2000, siya ay pinarangalan ng Nobel Prize for Peace.

                                          ***

Ayon kay Cho Pock-rey, isang iskolar ng kultura sa Korea at nagtuturo ng film studies sa University of Beijing sa China, ang Gwangju International Film Festival ay hindi labanan ng mga pelikula kundi ito ay para panoorin ng mga mamamayan ng Korea at ng sinumang nilalang na nais manood ng mga ito.

Sinabi ni Cho, ang Programming Supervisor ng 12th Gwangju, na maganda ang Gwangju International Film Festival.

Ito ay dahil napapanahon ang mga layunin nito lalo na ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagkakamit ng katarungan at kalayaan ng bawat isang mamamayan.

At maipagmamalaki nating mga Filipino na ang “Leona Calderon” ay bahagi ng mga simulaing ito.

Kaya kahit na ang tingin ng mga taga-showbiz o sinumang susukat sa filmfest na ito ay maliit lang, wala kaming pakialam.

Basta’t napili nito at binigyan ng pagkakataon ang isang produktong Filipino na makasama sa pestibal.

Limampung pelikula mula sa labinlimang bansa ang ipapalabas sa Gwangju International Film Festival mula sa ika-8 hanggang ika-12 ng Nobyembre, 2012 sa Megabox sa Gwangju City.

Pupunta roon sina Pilar at Jowee para makipagtalamitam sa mga tagahanga at manonood ng pelikula.

Itinatampok din sa “Leona Calderon” ang dalawang Filipinang bahagi ng “Miss Saigon” sa London na sina Irene Alano at Imelda de los Reyes.

Kasama rin ang aktor na hinasa ng Repertory Philippines at ngayon ay aktibong umaarte sa Hollywood na si Junix Inocian.

May mga artista rin mula sa Poland, Korea, Mexico, Hollywood at Great Britain.

Ipinagmamalaki ng “Leona Calderon” na kasama sa obra ang premyadong British at Hollywood actress na si Virginia McKenna na Best Actress sa British Academy of Film and Television Arts o BAFTA, ang prestihiyosong katumbas ng Oscars sa London sa loob ng maraming taon at Lawrence Olivier Best Actress para sa “The King and I” katambal si Yul Bryner noong 1973.

Nominado rin si Virginia McKenna Golden Globe Awards para sa “Born Free” noong 1966.

Noong 1996 ay kasama siya ni Gwyneth Paltrow sa “Sliding Doors.”

Kaya, mabuhay ang “Leona Calderon!”

Mabuhay ang pelikulang Pilipino!

Mabuhay ang Pilipinas sa ika-12 Gwangju International Film Festival!