Philex dapat magbayad sa lahat ng perwisyo- Kalikasan


Nakikiisa ang Kalikasan-People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE) sa iba’t ibang grupo sa panawagang panagutin ang Philex Mining Corporation sa anila’y “pinakamalalang sakuna sa pagmimina sa nakaraang dalawang dekada. ” “Nanawagan kami sa Philex na bayaran ang lahat ng nagawa nilang sakunang pangkalikasan at panlipunan,” ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan. Lumabas sa isinagawang […]

Nakikiisa ang Kalikasan-People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE) sa iba’t ibang grupo sa panawagang panagutin ang Philex Mining Corporation sa anila’y “pinakamalalang sakuna sa pagmimina sa nakaraang dalawang dekada. ”

“Nanawagan kami sa Philex na bayaran ang lahat ng nagawa nilang sakunang pangkalikasan at panlipunan,” ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan.

Lumabas sa isinagawang fact-finding mission kamakailan na malawakan ang siltasyon at posibleng kontaminasyon ng Balog Creek at iba pang daluyan ng tubig pababa sa Agno River. Mahigit 20 milyong metriko toneladang mine waste ang pinakawalan sa naturang katubigan o 1,300 porsyentong mas mataas sa pagtagas ng mina sa sakunang naganap sa Marcopper noong 1996.

“Nailantad ng isang independenteng imbestigasyon ang panloloko ng sinasabing mga eksperto mula sa Philex, Mines and Geosciences Bureau (MGB) at iba pang institusyong nagsasabing ligtas ang mga tubig na apektado ng pagmimina. Tiyak na apektado ng malawakang silatasyon na ito ang ekosistema sa katubigan,” sabi pa ni Bautista.

Wala umanong ligtas sa pananagutan ang Philex at hindi lamang dapat na magbayad sa pagsasaayos ng apektadong kapaligiran, kundi panagutan din ang mga apektadong komunidad.

“Dapat bayaran ng Philex ang pang-araw-araw na pangangailangan ng lahat ng apektadong magsasaka, mangingisda at pamilya ng mga minero sa bawat araw na hindi sila makapagtrabaho dahil sa epekto ng siltasyon sa kanilang kabuhayan,” ani Bautista.

Ipinakikita ng mga testimonyang nakalap ng Cordillera People’s Alliance (CPA) na nalantad sa nakalalason at mapang-abusong kalagayan sa paggawa ang mga minero sa Padcal Mine.

“Ang ilan sa kanila ay pwersahang pinagtatrabaho nang 24-48 oras dahil sa kakulangan ng relyebo. Dapat silang mabayaran nang tama para sa kanilang kalusugan at kaligtasan gayundin ang kanilang mga overtime pay,” sabi pa ni Bautista.

Nagpaplano ang Kalikasan kasama ng iba pang organisasyon na magsagawa ng panibagong imbestigasyon para kumpirmahin ang epekto ng siltasyon sa katubigan ng Abra River, kalagayang pangkalusugan ng mga minero at komunidad at suriin ang mga pasilidad ng Philex.