Ang layon ng pagpapakasal nina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi
Sa wakas ay ikinasal na sina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi pagkatapos ng maraming taon ng kanilang pagkakaanak at pagsasama. Sa isang sorpresang pagkakataon ay lumakad sina Carmina at Zoren sa harap ng dambana ng sakramento ng kasal sa Fernbrook Gardens sa Las Piñas City kung saan ang alam lang ni Villaroel ay may gagawin siyang […]

Sa wakas ay ikinasal na sina Carmina Villaroel at Zoren Legaspi pagkatapos ng maraming taon ng kanilang pagkakaanak at pagsasama.
Sa isang sorpresang pagkakataon ay lumakad sina Carmina at Zoren sa harap ng dambana ng sakramento ng kasal sa Fernbrook Gardens sa Las Piñas City kung saan ang alam lang ni Villaroel ay may gagawin siyang isang komersyal na nangangailangan ng isang malapantasyang eksena kasama ang kanyang minamahal na si Legaspi.
Walang kamalay-malay ang aktres na magiging tunay na kasalan ang tagpo at wala naman talagang patalastas na gagawin.
Maluha-luha si Mina sa kanyang naranasan nang magkaabrisiyete na sila ni Zoren sa harap ng altar at alam na ng babae na ito ay tunay nang pag-iisang-dibdib.
***
Nakisama naman sa plano ang mga kambal ng mag-asawa na sina Cassandra at Maverick na ngayon ay kapwa labing-isang taong gulang na.
Mangiyak-ngiyak din sina Cassandra at Maverick kaligayahang nadarama ng kanilang ina pagkatapos na sila ay ianak na wala pang basbas ng pari ang pagsasama ng kanilang mga magulang.
Ngayon ay kumpleto na ang pagka-Kristiyano ng pamilya Legaspi sa ngalan ng kasal sa simbahan.
Romano Katolika ang mas pinili ni Zoren na paglagakan ng kanyang pagpapakasal kaysa sa nauna na niyang pagsanib noon sa Ang Dating Daan ni Bro. Eli Soriano.
Tutal naman ay Year of Faith ngayong taong ito kaya naman kahit na Katoliko sina Zoren at Mina ay puwede rin silang mga kapatid sa pananampalataya ni Bro. Eli.
Hindi nga ba’t noong magsyota pa sina Carmina at Rustom Padilla ay Saksi ni Jehovah naman ang relihiyon ng dalawa?
***
Matatandaan na ikinasal din sina Carmina at Rustom pero hindi nagtagal ay naghiwalay din ang dalawa.
Nagladlad na ngang tuluyan si Padilla at nagpakabading sa pamamagitan din ng pagsusuot ng pangalang BB Gandanghari bilang screen name.
Nang ikasal nga sina Zoren at Mina ay naghangad lang si BB na sana ay maging maligaya ang dalawa at ang mga anak nito.
Napawalang-bisa na rin ang unang kasal ni Villaroel kay Rustom dahil sa pagpapakababae ng huli at ang matagal na nilang hindi pagsasama.
***
Bagamat walang nagsasalita sa kapaligiran nina Mina at Zoren kaugnay sa pagpapakasal ng mga ito, parang sinasabi na mas mabuti ang pagpapakasal ng babae at lalaki kaysa naman ang paglagay sa tahimik ng dalawang parehong lalaki.
Tiyak na ang ipinagbubunyi ng karamihan sa mga tao ay ang pagsasanib ng mga kaluluwa ng isang babae at isang lalaki bagamat desimulado na may simpatya ang mga ito sa kalagayan ni Rustom bilang BB.
Awa lang ba ang madarama ng mga ito sa dating Padilla at ngayon ay Gandanghari na?
O pagsisikhay rin ng mga taga-lipunan na madarama rin ng isang tulad ni BB ang pagtatamasa ng kaligayahan kasama ang isang kapwa kasarian.
Sa isang konserbatibo at Katolikong lipunan na tulad ng Pilipinas, ang pagpapakasal ng dalawang lalaki o dalawang babae ay isang matinding pagsubok sa kalayaan ng kaisipan ng bawat nananampalataya.
***
Mas malamang kaysa hindi ay kusang nagplano na si Zoren na makasal na sila ni Mina para mas malinaw at mas makinis ang kanilang pagsasama at maging huwaran ng isang Katolikong pananalig.
Tipikal na mga mamamayan sina Legaspi at Villaroel at umaangkas sila sa kung ano ang takbo at kaayusan ng lipunan.
Malayo sila sa pagbangga sa tradisyon tulad ng pagkontra sa agos ng noon ay si Rustom Padilla.
Establisimiyento sina Zoren at Carmina samantalang naghahanap ng bagong katotohanan na magpapalaya sa lipunan ang pakay ni BB.
Dalawang puwersang magkalayo pero may tendensiyang maging mapag-ugnay ang kina Legaspi at Villaroel, sa isang banda at ang kay Gandanghari, sa isang panig.
Gayunman, bibilang pa ng maraming dekada ang proseso ng kanilang pagtataguyod sa pagkakamit ng kaligayahan ng bawat nilalang kung sila ay kabahagi ng dalawang nagtutunggaling puwersa na may mga komposisyon at kumpigurasyon ng marami pang mga kakabit na element.