Uncategorized

Opening film “Leona Calderon” sa 12th Gwangju International Film Festival sa Korea, tagumpay


Pinagkaguluhan si Pilar Pilapil sa Gwangju City sa South Korea sa pagdaraos ng ika-12 Gwangju International Film Festival nang katawanin niya ang pelikulang “Leona Calderon” na siyang opening film ng pestibal. Ayon kay Cho Pock-rey, ang Programming Supervisor ng 12th Gwangju, wala pang pelikulang Filipino na nagbukas ng isang international film festival sa labas ng […]

Pilar Pilapil
Pilar Pilapil
Pilar Pilapil

Pinagkaguluhan si Pilar Pilapil sa Gwangju City sa South Korea sa pagdaraos ng ika-12 Gwangju International Film Festival nang katawanin niya ang pelikulang “Leona Calderon” na siyang opening film ng pestibal.

Ayon kay Cho Pock-rey, ang Programming Supervisor ng 12th Gwangju, wala pang pelikulang Filipino na nagbukas ng isang international film festival sa labas ng Pilipinas.

Maaaring naipalabas na sa mga world film event na tulad ng Cannes, Venice, Berlin, Brussels, Busan at marami pang pangunahin o hindi masyadong malalaking pestibal pero ang pagtatanghal ng “Leona Calderon” sa Gwangju ay kauna-unahan sa kasaysayan ng pandaigdigang paggawa at pagpapalabas ng pelikula.

Kaya naman ipinagmamalaki ni Pilar na siya ang abrelata ng ika-12 Gwangju filmfest at siya ay parang reyna ng internasyunal na show biz sa kanyang partisipasyon sa pagdiriwang.

***

Ang Gwangju Int’l Filmfest ay pagbibigay-pugay sa namayapa nang presidente ng South Korea na si Kim Dae-Jung na nakipaglaban sa military dictatorship ni Park Chung Hee.

Ang Gwangju film festival ay pagdakila sa kontribusyon ni Kim Dae-Jung sa paglaya ng Korea kaya naman ang paksa ng okasyon ngayong taong ito ay “Hope for Peace” at taunang pista ng mga pelikulang pandaigdig sa Gwangju ay pagtataguyod ng paggalang sa mga karapatang pantao, pagkilala sa kalayaan at demokrasya at pangangalaga ng kalikasan.

Paglakad pa lang ni Pilapil sa red carpet ng Gwangju ay gayon na lamang ang paghanga ng mga Koreyano at iba pang lahi sa aktres.

Masigabong palakpakan ang ipinasalubong kay Pilaring at sa delegasyon ng Pilipinas na kinabibilangan din ni Jowee Morel, ang kontrobersyal at nakakaintrigang Fil-Briton filmmaker at ni Andy Villalba, ang isa sa mga prodyuser ng obra.

Hindi pa man nagsisimula ang pagtatanghal ng “Leona Calderon” ay nagkislapan na ang mga kamera kina Pilar, Jowee at Andy.

Nakipagpiktyuran pa ang balo ni Kim Dae-Jung na si Lee Hee-ho kay La Pilapil.

Nagtalumpati rin ang maalamat na Filipinang aktres at ang kontrobersyal na direktor na pinasalubungan din ng masigabong palakpakan ng mga manonood kabilang ang matataas na opisyal ng gobyerno ng South Korea.

Ang isa sa mga kandidato sa pagkapresidente ng South Korea na si Jae In Moon ay nasa hanay rin ng mga manonood.

***

Lalo nang umapaw ang paghanga kay La Pilapil at sa kanyang proyekto nang matapos na ang pagtatanghal ng “Leona Calderon” na tungkol sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa London sa loob ng tatlumpu’t limang taon bagamat natuklasan niyang may uterine cancer siya at ang kanyang problema ay kung uuwi pa siya sa Pilipinas para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay subalit mauubos ang lahat ng kanyang naipong pera sa ibang bansa o mananatili siya sa London para makapagpagamot siya nang libre pero siya ay nag-iisa at malungkot sa buhay.

Nagkagulo ang mga tao kay Pilar at nag-unahan silang makalapit sa aktres.

Nagpapirma sila ng awtograp at nakipagkuhaan ng litrato sa kanya.

Parang nasa alapaap si Pilapil ng mga sandaling ‘yon at siya ay isang bituing bumaba sa lupa sa South Korea para makibahagi sa kultura at kasaysayan nito bilang pakikiisa ng Pilipinas sa kapwa bansa sa Asya.

Hanggang ngayon ay hindi pa maalis sa kamalayan nina Pilapil, Morel at Villalba ang hindi makakalimutang karanasan sa Gwangju at ang walang patid na paghanga ng mga Koreyano sa kanilang tatlo at sa piyesang ipinalabas sa sinehan bilang opening film.