Uncategorized

New Wave o mga obrang gawa para sa 2012 Metro Manila Film Festival Philippines


Kailan man at saanman, may tunggalian kahit sa daigdig ng pelikula para ipakita ang dayalektiko ng buhay. Hindi napupuwera ang 2012 Metro Manila Film Festival Philippines. Ang pampayong na organisasyon ay ang Metro Manila Development Authority na siyang namamahala at komukontrol sa mga kaganapan ng taunang pista ng pelikulang Pilipino. Kaya ito ay pulitikal din. […]

The 38th Metro Manila Film Festival

Kailan man at saanman, may tunggalian kahit sa daigdig ng pelikula para ipakita ang dayalektiko ng buhay.

Hindi napupuwera ang 2012 Metro Manila Film Festival Philippines.
Ang pampayong na organisasyon ay ang Metro Manila Development Authority na siyang namamahala at komukontrol sa mga kaganapan ng taunang pista ng pelikulang Pilipino.

Kaya ito ay pulitikal din.

Pang-ekonomiyang pulitika na idinadaan sa kultura upang ilangkap sa panlipunang istruktura ng ating pang-araw-araw na buhay.

Kasalukuyan ngang ginaganap ang ika-38 Metro Manila Film Festival Philippines.

Ang unang layunin nito ay makapaghandog ng purung-purong pelikulang lokal sa loob ng halos dalawang linggo.

Gayunman, bukod sa iba pang adhika ng pestibal, ang isa pa rin sa mga layon ng okasyon ay makapaglikom ng pondo para sa MMDA at sa mga proyekto nito.

***

Mula noong 2010 ay may New Wave nang kategorya ang taunang pestibal bukod pa sa walong opisyal na kalahok sa pagdiriwang.

Karaniwang digital ang porma ng New Wave mula sa paggawa nito hanggang sa pagpapalabas samantalang nagmumula sa 35mm ang karamihan sa walong pelikulang kung bansagan ay gawa ng malalaki at mapeperang produksyon.

Gayunman, sa pagtatanghal ng walong obra ay nasasalin na rin ang mga ito sa tinatawag na Digital Cinema Package o DCP na siyang nag-iimbak ng pelikula para ibuga sa telon sa loob ng sinehan.

Nakakatipid ang mga prodyuser sa paggamit ng DCP kaysa naman sa karaniwan at tradisyunal nang celluloid o ‘yong rolyo-rolyong negatibo na pinapasan o ibinibisikleta ng mga tinatawag na lagarista sa bawat sinehan para eksakto sa oras ang pagpu-project ng mga ito sa iskrin.

Kung daan-daang libong piso ang nagagastos ng mga prodyuser sa paggamit ng rolyo-rolyong reproduksyon ng negatibo na nakapulupot o nakasilid sa loob ng bilog na lata, humigit-kumulang lang sa P10 hanggang P20 libong piso ang nagagasta sa paglipat sa DCP ng bawat pelikula na pareho o mas mataas pa ang kalidad sa negatibo.

Kahit itanong ninyo kay Ramon “Bong” Revilla, Jr., ang isa sa mga katibong senador at artista ng bansa na prodyuser ng Imus Productions na isa sa mga gumawa ng “Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako”—bukod pa sa OctoArts Films at M-Zet Productions—na mas nakakamura sa DCP kaysa mga rolyo ng kinopyang pelikula.

Sa dinami-dami ng mga sinehan sa buong Pilipinas, milyun-milyon ang puwedeng gastusin ng mga prodyuser kung ang negatibo pa ang gagamitin sa pagtatanghal.

Nagsasanib sa teknolohiya ang mga kulang sa budget—hindi ibig sabihin ay independent at ang may kaya o mayayamang prodyuser.

***

May walong kalahok sa 2012 MMFFP na kinabibilangan ng bukod sa pelikula nina Bong at Vic Sotto ay may “Thy Womb” ng Centerstage Productions; “Sisterakas” ng Star Cinema; “One More Try” ng Star Cinema at Viva Entertainment; “The Strangers” ng Quantum Films; “Shake, Rattle & Roll 14” ng Regal Entertainment; “Sosy Problems” ng GMA Films at “El Presidente The General Emilio Aguinaldo Story” ng Scenema Concept International.

Samantala, sa ilalim naman ng New Wave category ay may “Ad Ignorantiam” ng Quantum Films sa direksyon ni Armando “Bing” Lao;’ “In Nomine Matris” ng Hubo Productions na pinamamahalaan ni Will Fredo; “Grave Hunters” ng Paper Boat Pictures na idinirek ni Tyrone Acierto; “Gayak” ng Pro.Pro Artist and Advertising sa direksyon ni Ronaldo Bertubin at ang “Paglaya sa Tanikala” ng  Kuwentista Productions, Inc. sa direksyon ni Michael Angelo Dagñalan.

***

Inaakusahan na walang katuturan, predictable, formula ang mga pelikulang gawa ng mga pangunahing movie studio at ang mga tinatawag na independent o indie ay may sinasabi o makabuluhan.

Gaano nga ba katotoo ang ideyang ito?

Dahil marami ring mga tinatawag na indie na wala ring ibig sabihin.

Hindi rin naman tatanggapin ng mga sinasabing “mainstream” filmmakers na “formula” sila o walang binatbat ang mga trabaho nila kahit na may mga pamantayan pa.

O tanggapin man ang ganitong konsepto ay sasabihing “hala, formula na kung formula, sa inyo na ang mga award at papuri ng mga kritiko at sa amin na ang box-office o kita sa takilya.”

Pero paano naman ang kapakanan ng mga tao o ng publiko?

Kailangang may matutunan o eduksyunal naman ang isang pelikula o sa isang matindi at nakakagulantang na katotohanan—ang pelikula ay kailangang magbago ng pangit at walang katarungang lipunan.

***

Ito ang tunggalian ng mga pelikula ng kung anu-anong pakulo at mga persuwasyon.

Pero ang New Wave ay talaga bang maituturing na kapuri-puri at nagtataguyod ng katotohanan at mapagpalayang sining?

At ang walo nga bang pelikula ay pulos eskapista lamang?

O ito ba ang dapat na sukatan?

Kailangan bang may New Wave o may komersyal na mga palabas lamang?

O wala dapat katawagan bastat ang lahat ay pelikula lamang, mga produktong kultural na may mga iba’t ibang katangian—masama man o mabuti para sa kanyang buhay—na makakamtan ng isang mamamayan o konsyumer.