Pinoy Weekly

80 migranteng Pinoy, humihiling ng hustisya vs kompanyang nakabase sa US

Piket ng mga manggagawang Pilipino, kasama ang Migrante Party-list sa harap ng Philippine Overseas Employment Administration. (Kontribusyon)

Piket ng mga manggagawang Pilipino, kasama ang Migrante Party-list sa harap ng Philippine Overseas Employment Administration. (Kontribusyon)

Sinuportahan ng Migrante Party-list ang laban ng di-bababa sa 80 migranteng Pilipino na nagsampa ng class suit laban sa mapang-abusong kompanya na nakabase sa US.

Sa isang pahayag, sinabi ng Migrante na makatarungan lamang ang paghiling ng hustisya ng mga manggagawang Pilipino ng Grand Isle Shipyard, Black Elk Energy at DNR Offshore Crewing Services. Bukod sa pang-aabuso umano sa kanila ng naturang kompanya, nagdulot pa ang pang-aabusong ito ng pagkamatay ng tatlong Pilipino at malubhang pagkasugat ng tatlo pa noong Nobyembre 2012.

Isinampa ang class suit sa isang korte sa Louisiana, US, kung saan nakabase ang Grand Isle Shipyard.

“Hindi katanggap-tanggap ang mga pang-aabuso na ginawa ng mga kompanyang ito. Modernong pang-aalipin ang ginagawa ng mga kompanyang ito at pinapayagan ang diskriminasyon at dehumanization ng mga migranteng manggagawa,” pahayag ng Migrante Party-list.

Kompanyang nakabase sa Louisiana, USA ang Grand Isle Shipyard na nag-eempleyo ng mga Pilipinong migrante para ideploy sa mga kompanya ng langis tulad ng Black Elk Energy sa nag-ooperasyon sa Gulf of Mexico.

Nirekluta sila ng lokal na recruitment agency na DNR Offshore Crewing Services.

Noong Nob. 16, 2012, tatlong Pilipinong welder ang namatay at talo ang nasugatan nang may sumabog sa Black Elk. Kabilang sa nasawi sina Avelino Tajonera, Ellroy Corporal at Jerome Malagapo.

Sinasabing may mahabang rekord na ang Black Elk ng paglabag sa pandaigdigang safety standards. Katunayan, mula 2010, umabot na sa 315 ang kaso ng paglabag nito sa mga istandard.

Sinabi ng mga migrante na magmula noong 2005 nang maempleyo rito ang marami sa kanila, iba’t ibang pang-aabuso na ang naranasan nila. Kasama rito ang di-pagbigay ng overtime pay habang nagtatrabaho sila ng 12 hanggang 14 oras; pagbabayad ng ilegal na mga bayarin; hindi pagpayag na bisitahin at bumisita sa kanilang mga pamilya; diskriminasyon; at pananakot sa pamamagitan ng deportasyon at marami pang paglabag sa paggawa.

Isa sa mga nagsampa ng kaso si Saxon Gannod, na pansamantala umanong nabulag dahil sa mahabang panahong nagwelding nang walang pahinga. Sinabi ng Migrante na habang nagpapagamot si Gannod, pinilit pa rin siya ng kompanya na magtrabaho.

May isa ring Pilipino, hindi nagpakilala, ang nagsabing nasunog siya habang nasa loob ng isang tangke. Tatlong araw lang umano siyang ginamot, at saka itinago sa isa sa mga bahay ng mga rekruter.

Ayon kay Connie Bragas Regalado, tagapangulo ng Migrante Party-list, inaasikaso sa kasalukuyan ang mga kasong sangkot ukol sa mga paglabag sa paggawa. “Isusunod pa nila ang ilan pang kaso matapos nito,” aniya.

Isiniwalat rin ni Regalado na walang tiwala ang mga manggagawa na matutugunan ng Overseas Workers Welfare Association o OWWA, ang kaso.

Sinabi ng Migrante na malapit nilang imomonitor ang pag-usad ng kaso, dahil maraming manggagawang Pilipino ang makikinabang kung maipapanalo ang kaso.

Sinabi pa ni Regalado na aabot sa 500 manggagawang Pilipino ang mabibiyayaan sa posibleng pagpapanagot sa Grand Isle Shipyard ng korte sa Louisiana.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22579

avatar Posted by on Jan 21 2013. Filed under Balita, Manggagawa. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes