Ang panguluhan at lupa


Sadya man o hindi, magkaugnay ang mga paksa sa dalawang eksibit na inilunsad ng Vargas Museum sa University of the Philippines Diliman sa pagbubukas ng taon: The President’s Office at Lupa: The Struggle for Land. Tampok sa mga eksibit ang sining biswal hinggil sa mga espasyong pisikal (opisina ng pangulo ng Pilipinas) at sosyal (pakikibaka sa lupa). Sa malawak […]

Soiree ni Alwin Reamillo
Soiree ni Alwin Reamillo

Sadya man o hindi, magkaugnay ang mga paksa sa dalawang eksibit na inilunsad ng Vargas Museum sa University of the Philippines Diliman sa pagbubukas ng taon: The President’s Office at Lupa: The Struggle for Land.

Tampok sa mga eksibit ang sining biswal hinggil sa mga espasyong pisikal (opisina ng pangulo ng Pilipinas) at sosyal (pakikibaka sa lupa). Sa malawak na imahinasyon ng mga kapwa bata at beteranong artista, laging may umuusbong na bago para hamunin ang mga imahe at ideyang nakagisnan na, o di kaya’y palitawin at paunlarin ang nakatanim nang progresibong aspeto ng mga ito.

Ang The President’s Office, halimbawa, ay isang kongkreto–at kung sa gayo’y subersibo–na pagsilip sa trono ng kapangyarihan ng panguluhan na nananatiling isang abstrakto para sa karamihan. “While officially a space that is open to all, the exigencies of practical operation and security effectively bar the majority from entering the space. Hence, the seat of power is obscured from scrutiny save for a few glimpses as can be gained from occasional public broadcasts or inferred from documents such as those that roughly describe it in terms of architecture,” ayon sa mga tala ng eksibit.

Kabilang sa malalakas na piyesa ang pambungad na portrait paintings (The Stockholders nina Mity Dela Pena, Jed Nacabuan, Patch Qunito, at JP Sampson) ng makakapangyarihang pulitiko at notoryus na personalidad, gaya ni Hen. Jovito Palparan, na hinalaw mula sa mga poster ng pelikula. Gaya ng sa pelikula, napaghahalo ang horror at comedy sa hall of shame na ito na patok sa marami sa nakakita.

The Stockholders nina Mity Dela Pena, Jed Nacabuan, Patch Qunito, at JP Sampson
The Stockholders nina Mity Dela Pena, Jed Nacabuan, Patch Qunito, at JP Sampson

Isa pang patok ang Sugod, video installation ni Renan Ortiz. Simulasyon ito ng isang video game kung saan ang gamer ay pinagpapalagay na disgustadong mamamayang nilusob ang Malakanyang. Pinagpapalagay din na pinatatamaan ang kasalukuyang pangulo na mahilig sa video games. Bayolente ito, gaya ng karamihan sa video games, at pantastiko: ang tangan lamang ng gamer ay kapirasong kahoy (ang paboritong depensibong sandata ng mga maralitang lungsod kapag may demolisyon) na ipinapakita ang kanyang pagiging underdog at inaapi sa sagupaan sa de-baril na Presidential Security Group, kahit pa habang lumalaban.

Malalakas din ang simbolismo ng grand piano na may shredded na salapi (Soiree) at sagisag ng pangulong gawa sa talangka (Republika) sa mga instalasyon ni Alwin Reamillo. Samantala, sa Personal Domain ni Lisa Ito, mapa ang gamit sa pagmarka ng pribadong mga lupain, gaya ng sinaunang panahon ng monarkiya’t pyudalismo, pero heto’t modernong inilawan sa panahon ng “demokrasya” at mala-pyudalismo. Madudungaw ito mula sa trono.

Ang trono mismo ng pangulo (Hole at Appointed ni Mark Justiniani) ang pinakasentro ng eksibit. Gamit ang salamin, lightbox, at ladder, ipinamumukhang mula sa isang sikretong underground chamber ang mga umuupo sa puwesto. Hitik ito sa kahulugan, gayundin ang espadang nakabitin sa itaas ng trono ng pangulo.

Ang The President’s Office ay bahagi ng seryeng Blind Spots, kung saan susubukan ng mga artistang pasukin, sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon, ang mga espasyong restricted o di-nagpapapasok ng pangkaraniwang mamamayan. Ang iba pang artistang kalahok sa eksibit ay sina Buen Calubayan, Leo Abaya, Buen Abrigo, Salvador Alonday, Kristine Calayan, Cian Dayrit, Noell El Farol, Nina Laurel, Adelaida Lim, at Manolo Sicat.

Personal Domain ni Lisa Ito
Personal Domain ni Lisa Ito
Hole at Appointed ni Mark Justiniani
Hole at Appointed ni Mark Justiniani

Samantala, mas direkta sa kanyang intensiyon ang pangalawang eksibit: magbigay-pugay sa mayoryang naghihirap at pinagsasamantalahan (sa pangunguna ng mga nakaupo sa puwestong kinutya sa kabilang eksibit). Noong 2010, inilunsad ang Kapital: Tribute to Labor. Ang Lupa: The Struggle for Land ang ikalawa sa seryeng ito na hinggil sa uring anakpawis.

Ang Hunger for Land ni Neil Doloricon at May Bahid ang Kahapon Series ni Renato Habulan ay parehong mga klasikong obra hinggil sa pakikibaka sa lupa. Hindi kumukupas ang ganitong imahe ng mga magsasaka, bagaman ang pangalawa ay mas malinaw na nasa konteksto ng nakaraang siglo, habang ang una ay iyong mailulugar sa anumang panahon sa kasaysayan. Kasing-natural ng mga galaw ng paggawa sa bukirin ang pamumuo ng galit sa mukha ng mga magsasaka. Tila naghahanda silang bumalikwas anumang oras (mga paa’y itinutulak ang barbed wire, mga tubo’y tangan na parang sandata).

Siyempre, pinatitingkad ang eksibit ng pagkakaroon ng isang pangulong haciendero. Tampok sa dalawang obra ang Hacienda Luisita ng pamilya Cojuangco-Aquino. Ang mural ng Ang Gerilya sa mismong salaming pader sa bungad ng museo, sinasariwa ang dilaw na kahangalan ng arawang sahod ng mga manggagawang-bukid; ang No Trespassing ni Ted Camahalan, backdrop ang mas sariwang balita ng pakikipagtunggali ng mga magsasaka sa mga guwardiya ng Rizal Commercial Banking Corp.

(Kaliwa) Hunger for Land ni Neil Doloricon; (Kanan) May Bahid ang Kahapon Series ni Renato Habulan
(Kaliwa) Hunger for Land ni Neil Doloricon; (Kanan) May Bahid ang Kahapon Series ni Renato Habulan

Kalahok din sa eksibit sina Calubayan, Sicat, Ortiz, Frederico Dominguez, Gene de Loyola, Nikki Luna, Jose Tence Ruiz, Iggy Rodriguez, Pablo Baes Santos, Mel Vera Cruz, at Chitoy Zapata. Inorganisa ito ng Concerned Artists of the Philippines at UP Fine Arts.

Sabi ni Doloricon sa pagbubukas ng eksibit noong Enero 8, marami sa mga artistang biswal, lalo na sa hanay ng mga beterano, ang saksi sa kabiguan ng nagdaang mga pangulo na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at ipamahagi sa mga magsasaka ang nararapat sa kanila. “Siguro nga talagang ang lupa ay di binibigay, ito’y ipinaglalaban—at kasama kami sa labang ito.”

Tagumpay para sa progresibong sining ang dalawang eksibit na iisang diwa ang pagtangan sa magkaiba ngunit magkaugnay na paksa, sa iba-ibang paraan ng pagpukaw at pagkiliti, ng pag-udyok at pag-alala.