Daan-daang magniniyog na lumusob sa NAPC, di hinarap ng ‘coco levy fund mafia’
Sa ikatlong pagkakataon ng paglusob sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), hindi hinarap ni NAPC Sek. Joel Rocamora ang mga magniniyog na iginigiit ang kagyat na distribusyon ng pondong coco levy. Daan-daang magsasaka mula sa Bicol, Quezon, Aurora at Cagayan ang tumalon sa bakod o lumusot sa ilalim ng kinandadong gate ng NAPC para makausap sana […]

Sa ikatlong pagkakataon ng paglusob sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), hindi hinarap ni NAPC Sek. Joel Rocamora ang mga magniniyog na iginigiit ang kagyat na distribusyon ng pondong coco levy. Daan-daang magsasaka mula sa Bicol, Quezon, Aurora at Cagayan ang tumalon sa bakod o lumusot sa ilalim ng kinandadong gate ng NAPC para makausap sana si Rocamora.
Binarikadahan ng mga guwardiya ang pintuan ng NAPC at binugahan ng mga fire extinguisher ang mga magniniyog. Naglabas din ng M-16 armalayt ang isang pulis, bagay na ikinagalit ng mga demonstrador. (Tingnan ang mga larawan sa ibaba)
Ayon kay Sr. Supt. Richard Albano, direktor ng Quezon City Police District, ipinaaabot umano ni Rocamora na dapat ay “sumulat” na lamang ang mga magniniyog para makapag-iskedyul ng dayalogo.
Ngunit ayon kay Willy Marbella ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), matagal na silang hindi hinaharap ni Rocamora, na bahagi ng tinawag niyang “coco levy fund mafia.” Tinutukoy niya ang Presidential Task Force on the Coco Levy Funds na binuo ni Pangulong Aquino para pangasiwaan umano ang paggamit sa pondong coco levy.
Inihayag ng NAPC na gagamitin ang pondo, kung saan P56 Bilyon ang nai-remit na sa National Treasury noong nakaraang taon, sa Conditional Cash Transfer at Comprehensive Agrarian Reform Program. Tinututulan ito ng mga magniniyog.
“Walang karapatan si Noynoy Aquino at anumang ahensiya niya na gamitin ang coco levy funds sa ano mang programa nila o sa ano pa mang kadahilanan. Ang coco levy funds ay pera ng mga magniniyog kaya ang mga magniniyog lamang ang may solong karapatan na magdesisyon kung ano man ang gagawin dito,” ayon kay Nestor Villanueva, Southern Tagalog coordinator ng grupong Claim (Coco Levy Funds Ibalik Sa Amin).
“Hindi panatag ang mga magniniyog na ang pera nila ay nasa kamay ng Hacienderong Pangulo…Kaya hindi tayo umaasa na mababawi natin ang coco levy funds sa pamamagitan lamang ng pakiusap kundi sa pamamagitan ng paggigiit ng aming mga karapatan,” dagdag ni Villanueva.
Samantala, ibinulgar naman ng KMP na humihingi si Rocamora ng P1.6-B na “advance” mula sa pondong coco levy. Para umano ito sa “anti-peasant poverty reduction roadmap” ng industriya ng niyog.
Pero ayon sa mga magniniyog, may regular nang pondo ang mga programa ng NAPC. Pangamba nila, gagamitin ang pondo sa darating na halalan, partikular sa kampanya umano ni Akbayan Rep. Risa Hontiveros, na tatakbo sa ilalim ng senatorial slate ni Aquino. Si Rocamora ay dating tagapangulo ng Akbayan.
“Hindi lamang ang bulsa nila ang kanilang pinatataba, kundi pati ang campaign chest ng kanilang partido,” sabi ni Marbella.
Nananawagan ang KMP at CLAIM ng distribusyon ng coco levy funds sa pamamagitan ng “social benefits” gaya ng pensyon at benepisyo sa kalusugan at edukasyon. Isinusulong nila ang House Bill 3443 o Coconut Levy Funds Administration and Management Act ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano. Layon ng HB 3433 na mabuo ng konseho na kinabibilangan mismo ng mga magniniyog.
Samantala, sa isang pahayag na ipinamahagi sa midya, sinabi ni Rocamora na “malaki ang pagkakapareho” ng panukalang HB 3433 at NAPC Roadmap. Aniya, sinasalubong niya ang pagiging mapagmatiyag ng mga magniniyog. “Let us work on our common goals,” aniya.
Mga larawan ng paglusob sa NAPC:







Basahin ang naunang artikulo: Banta ng muling pagnanakaw sa pondo ng coco levy