Uncategorized

Dalawang pag-asawahan sa showbiz: Cesar Montano-Sunshine Cruz, ER Ejercito-Maita Sanchez


Maraming pag-asawahan sa showbiz pero isentro muna natin ang diskusyon sa dalawang pareha—kina Sunshine Cruz at Cesar Montano at Maita Sanchez at ER Ejercito. Kapwa may naunang asawa sina Cesar at ER, kay Montano, isang hindi taga-showbiz at kay Ejercito, isang dating modelo at mutya ng kariktan, si Emma Rose Policarpio. Parehong may anak sa […]

buboyshine_ermaita

Maraming pag-asawahan sa showbiz pero isentro muna natin ang diskusyon sa dalawang pareha—kina Sunshine Cruz at Cesar Montano at Maita Sanchez at ER Ejercito.

Kapwa may naunang asawa sina Cesar at ER, kay Montano, isang hindi taga-showbiz at kay Ejercito, isang dating modelo at mutya ng kariktan, si Emma Rose Policarpio.

Parehong may anak sa una sina Buboy at ER (Emilio Ramon o Jeorge Estregan) bagamat namatay ang sa una at buhay na buhay ang sa ikalawa.

Samantala, parehong dalaga nang pakasalan ng dalawang aktor ang dalawang aktres.

***

Halatang hindi naging mabunga at maligaya ang naunang relasyon nina Cesar at ER kaya nakatagpo sila ng kanilang ihaharap sa dambana sa malaon at madali.

Kapwa dumaan sa mga pagsubok ang mga naunang ugnayang romantiko nina Montano at Ejercito at humantong sa hiwalayan.

Ngayon naman ay hindi pa nalulusaw ang pagsasama ng dalawang tambalan bagamat inuulan din ng mga agam-agam at paghamon.

Ngayon nga ay heto si Sunhine na bagamat ang sabi ng kanyang talent manager na si Alfie Lorenzo ay bumalik na sa kanilang tahanan ni Montano ang aktres ay dumaan ang unos at nag-alsa-balutan ang aktres, isinama ang kanyang tatlong anak na babae at panandaliang nanirahan sa isang condominium.

Ito ay dahil sa pagpasok sa eksena ng pribadong buhay nina Buboy at Shine ang isang bagitang aktres na nagngangalang Krista Miller.

***

Sino si Krista Miller?

Si Krista Miller ay isang bagong talento na kasama ni Cesar sa paggawa ng isang obra tungkol sa alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim.

Sa agos ng pagsasama nina Krista at Cesar sa likod at harap ng kamera ay may namuong pagtitinginan sa dalawa na kung tutuusin ay pangkaraniwan sa mga nagkakasama sa showbiz pero ang ikinainis ni Cruz ay nang malaman sa mga makabagong lagusan ng impormasyon tulad ng Twitter at Instagram na ang kanya mismong mga regalo sa mister ay napupunta sa sinasabing starlet.

Nakakapagparebelde ang ganitong mga kaayusan sa katawan ni Sunshine at nagmumula pa sa ibang babae, kay Krista ang mga ebidensiya ng pagdududa niya kay Buboy.

***

Ideyal pa namang partner sina Cesar at Sunshine sa pulitika ng buhay, pulitika ng showbiz at pulitika ng pulitika.

Bagamat walang opisyal na deklarasyon ngayon si Montano ng kandidatura sa anumang posisyon, malaki ang papel na ginagampanan ni Sunshine sa departamentong ito bagamat dalawang beses nang nabibigo si Buboy sa kanyang pagtakbo sa puwesto sa gobyerno.

Sakali at nagwagi si Montano sa mga nakaraang eleksyon, tipikal na misis ng isang pulitiko si Cruz.

Marahil ay hindi pa pinagkakasya si Buboy ng kanyang kapalaran at naturalismo na manalo sa halalan kaya bitin pa siya sa larangang ito.

***

Pero dito naman nakopo nina ER at Maita ang kapangyarihang lokal at rehiyunal dahil gobernador ng Lalawigan ng Laguna ang lalaki at alkalde naman ng Pagsanjan ang babae, ang dating posisyon na pinagmulan ng kanyang esposo sa pulitika.

Kahit na nagrereklamo si Sanchez sa kawalan ng panahon nila sa isa’t isa bilang mag-asawa, nag-uumapaw naman sila sa kapangyarihan kaya tinitiis na lang nila ang pisikal na kasalatan sa oras ng pagsasama bagamat madalas pa rin silang magkita.

Ipinabago na nga ni Ejercito ang isang dating luklukan ng ama ng probinsiya sa kapitolyo ng Laguna sa Sta. Cruz.

Ayon nga sa isa sa kanilang mga kawaksing babae, “dating bodega lang ito sa panahon ni Governor Ningning Lazaro” pero ipinaremodel ni ER at dito na siya nag-uupisina.

May isa ring tanggapan si Maita sa tagiliran ng gusali.

Para ngang palasyo ng dating ng santuwaryo nina ER at Maita at palasyo rin ang taguri rito ni Sanchez, ayon sa kanilang kaibigan na si Zeny Marcelo-Poe, asawa sa turing ng namayapang action star at kapatid sa ama ni Fernando Poe, Jr. na si Conrad Poe.

Kung titingnan ay simple ang timpla ng pag-asawahang Sanchez at Ejercito pero dahil komplikado nga ang pulitika, komplikado rin ang kaayusan nito sa maraming pananaw.

Tipikal na unang ginang din si Maita sa namamalakad ng asawa pero ang poder ay nangangailangan nang hindi tipikal na pangangasiwa tulad rin ng pamamahala sa produksyon ng isang disin sana’y napapanahong pelikula.