Pinoy Weekly

Insidente sa Tubbataha, ipinapakita kung bakit VFA dapat ibasura

Sinabi ng Bayan at iba pang grupo na patunay lamang ang insidente sa Tubbataha Reef na matagal nang dapat ibinasura ng gobyerno ng Pilipinas ang RP-US Visiting Forces Agreement. (Pher Pasion)

Sinabi ng Bayan at iba pang grupo na patunay lamang ang insidente sa Tubbataha Reef na matagal nang dapat ibinasura ng gobyerno ng Pilipinas ang RP-US Visiting Forces Agreement. (Pher Pasion)

Nagpapatuloy sa pagwasak sa pambansang yaman ng Pilipinas sa Tubbataha Reef ang barkong pandigma ng US .

Dahil dito, at sa iba pang dahilan, dapat agarang repasuhin ng gobyerno ang RP-US Visiting Forces Agreement (VFA), ayon sa mga grupong makabayan at makakalikasan.

“Walang malinaw na paliwanag ang mga opisyal ng US sa kung bakit nag-trespass ang barko nila sa marine sanctuary (sa Tubbataha). Walang paghingi ng dispensa o pagkilala sa paglabag na ginawa nila,” sabi ni Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan People’s Network for the Environment.

Kasama ang Kalikasan sa mga grupong nagprotesta malapit sa embahada ng US sa Maynila laban sa pagsira ng isang barkong Amerikano sa Tubbataha, isang protektadong lugar sa katimugan ng Pilipinas.

Pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga kaalyado nito ang naturang protesta.

Nanawagan ang grupo sa gobyerno ng Pilipinas na igiit ang soberanya nito at tiyakin ang tunay na kalagayan ng USS Guardian na sumadsad sa Tubbataha Reef sa Sulu Sea, malapit sa isla ng Palawan, noong nakaraang linggo.

“May absolutong karapatan ang Pilipinas na inspeksiyunin ang naturang barko,” pahayag ng Bayan.

Pagpapakita ng mga militante ng kanilang galit sa imperyalismong US, sa protesta malapit sa embahada ng US sa Maynila. (Pher Pasion)

Pagpapakita ng mga militante ng kanilang galit sa imperyalismong US, sa protesta malapit sa embahada ng US sa Maynila. (Pher Pasion)

Sinabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, na dapat ibunyag ng gobyerno ang tunay na lagay ng US Guardian, lumubog man ito o hindi.

Hindi naman naniniwala ang Kalikasan sa ‘palusot’ na “faulty navigation chart” ang dahilan ng pagsadsad ng naturang barko sa Tubbataha.

Isang mahinang palusot umano at tiyak na kasinungalinan ang pagsisi sa lumang kagamitan dahil nagtataglay ng state of the art na teknolohiya at sandata ang mga barko ng US, ayon sa Kalikasan.

“Hindi natin dapat hayaan ang puwersang US na insultuhin ang lokal na awtoridad at itago ang mahahalagang impormasyon. Hindi natin hahayaang pigilan nila tayo para inspeksyunin ang kanilang barko. Karapatan natin ito bilang isang malayang bansa na nalagay sa mapanganib na sitwasyon,” dagdag ni Reyes.

Ginawa ng Bayan ang protesta ilang oras bago manumpa si US President Barack Obama sa ikalawang pagkakataon. Matatandaang nanawagan si Obama ng pagpapatindi ng presensyang militar ng US sa Asya bilang pagbalanse umano sa pwersa nito sa rehiyon.

Kabilang ang Pilipinas sa daungan ng mga tropang Amerikano na gumagamit sa mga pantalan ng bansa bilang bahagi ng VFA.

“May problema sa VFA at sa usapin ng paggamit ng puwersang Amerikano sa mga daungan sa ating bansa. Sa dalas ng kanilang pagdaong na pinapayagan sa VFA, nagiging birtwal na base militar ang Pilipinas. Nagpupunta sila anumang oras, ginagalugad ang ating katubigan at nagdaraos ng mga lihim na gawain,” paliwanag ni Reyes.

Dahil sa VFA, nahihirapan umano ang Pilipinas na panagutin ang mga sundalong Amerikano.

“Kahiya-hiya na hindi nais ng gobyerno ng Pilipinas, sa puntong ito, na panagutin ang pwersang Amerikano sa pagkawasak ng ating coral reef. Patunay lamang ito ng pagpapakatuta at pagpapailalim. Ano na ang nangyari sa paggiit sa soberanya?” tanong ni Reyes.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22607

avatar Posted by on Jan 21 2013. Filed under Features, Pambansang Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Subscribe to me on YouTube

Features

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes