Pinoy Weekly

Mga lider-kabataan nagbabantay sa taas-matrikula sa mga pamantasan sa susunod na semestre

Mga lider-estudyante mula sa iba't ibang pamantasan, nagkaisa para imonitor ang pagtaas ng matrikula sa kanilang mga pamantasan. (Kontribusyon)

Mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan, nagkaisa para imonitor ang pagtaas ng matrikula sa kanilang mga pamantasan. (Kontribusyon)

Inaasahan ng mga lider-estudyante na mahaharap muli sila sa maraming paglaban sa pagtaas ng matrikula sa iba’t ibang pamantasan sa susunod na semestre.

Dahil dito, nagkaisa sila para imonitor ang pagtaas ng matrikula at ikampanya ang pagtutol dito ng mga estudyante.

Pinangunahan ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), kasama ang mga konseho mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), Feati University, De La Salle University-Araneta (DLSAU), at University of the East-Caloocan, ang pagbubuo ng Tuition Monitor Network (TMN).

Layon ng TMN na mangalap ng mga datos tungkol sa inihahaing mga pagtaas ng mga bayarin sa mga pamantasan sa darating na pasukan. Binabantayan din ang paraan ng konsultasyon sa pagitan ng administrasyon at mga mag-aaral.

Layon din nito na mangalap ng datos upang pag-aaral ang mga naunang pagtaas ng mga bayarin sa mga pamantasan sa buong bansa.

“Hindi kaya ng mga mag-aaral ang panibagong bugso ng pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pamantasan. Nagtulak ang patuloy na pagtaas ng mga bayarin sa pag-dropout ng mga kabataan sa mga pamantasan,” ayon kay Isabelle Baguisi, pangkalahatang kalihim ng NUSP.

Patuloy ang pagtataas ng matrikula at bayarin ng mga administrasyon ng mga pamantasan kahit na hindi pumapayag ang mga mag-aaral dito. Hindi rin umano sumusunod ang karamihan sa mga pamantasan sa demokratiko at tunay na konsultasyon, ayon kay Baguisi.

“Nagiging information-dissemination ang mga konsultasyon sa halip na makinig nang tunay sa mga mag-aaral at mga magulang na hindi nagnanais ng mga pagtaas ng bayarin,” dagdag ni Baguisi.

Taun-taon ang mga reklamo mula sa iba’t ibang pamantasan pero hindi nagkakaroon ng resolusyon ng mga reklamong ito, ani Baguisi. Binabalewala umano ng mga pamantasan ang mga reklamong ito dahil wala rin kongkretong aksiyong ginagawa ang mga may pananagutan na ahensiya gaya ng Commission on Higher Education (CHED), ayon kay Orly Putong, tagapangulo ng UP Diliman’s School of Library and Information Science Student Council.

“Nangangalap kami ng mga paunang datos na nagsisiwalat ng di-demokratikong mga konsultasyon. Nais naming itulak lahat ng may pananagutan upang makinig sa aming mga panawagan para sa de-kalidad at abot-kayang edukasyon,” ayon kay Baguisi.

Hindi umano dapat umasa ang mga mag-aaral sa CHED para protektahan ang interes ng mga mag-aaral laban sa pagtaas ng mga bayarin. Kailangang umasa ang mga mag-aaral sa kolektibo nitong lakas at pagkilos upang mapagtagumpayan ang laban sa mga pagtaas na ito, ayon kay Raven Desporado ng Central Student Council ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

“Sa PUP, halimbawa, sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga mag-aaral at konseho nagawang ibalik sa mga mag-aaral ang binayaran nilang medical fee, gawing optional ang PE uniform at gawing responsable ang PUP system administration sa x-ray fee ng mga nasa unang taon,” ayon kay Desporado.

Ayon naman kay Robert Ryan Gatbonton, presidente ng Supreme Student Council of DLSAU, kanilang pinangangalagaan ang interes ng kabataan, mag-aaral at kanilang mga magulang lalo na’t nagpapatupad at nangungulekta ang mga administrasyon ng mga pamantasan ng mga bayarin nang walang konsultasyon mula sa mga mag-aaral.

Redundant na at labis ang presyo ng ibang mga bayarin.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=22581

Pher Pasion Posted by on Jan 21 2013. Filed under Balita, Kabataan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Mga lider-kabataan nagbabantay sa taas-matrikula sa mga pamantasan sa susunod na semestre”

  1. [...] Inaasahan ng mga lider-estudyante na mahaharap muli sila sa maraming paglaban sa pagtaas ng matrikule sa iba’t ibang pamantasan sa susunod na semestre. Dahil dito, nagkaisa sila para imonitor ang pagtaas ng matrikula at ikampanya ang pagtutol dito ng mga estudyante. Pinangunahan ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), kasama ang mga konseho [...] Read more… [...]

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes