Tao, Tahanan at Tanikala: Ilang Akto mula sa Pasinaya 2013


Sa unang linggo ng Pebrero, umapaw sa sining ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP). Umapaw din ito sa tao, bata man o matanda, may pera man o wala: isang pambihirang pangyayari bagaman sinasabi ng pamahalaan na buong taon ay hindi naman sinarado sa ordinaryong mamamayan ang gusali nito. Dagdag sa mahigit 4,000 empleyado ng CCP […]

pasinaya 2013Sa unang linggo ng Pebrero, umapaw sa sining ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP). Umapaw din ito sa tao, bata man o matanda, may pera man o wala: isang pambihirang pangyayari bagaman sinasabi ng pamahalaan na buong taon ay hindi naman sinarado sa ordinaryong mamamayan ang gusali nito. Dagdag sa mahigit 4,000 empleyado ng CCP ay ang 15,000 alagad ng sining, tagapagtanghal at manunuod na nakibahagi sa taunang Open House Festival.

Paano nga ba matunghayan ang lahat ng mahigit 100 pagtatanghal sa loob ng walong oras? Hindi ito ginagarantiya ng P300 VIP baller bagamat kampante ang may-ari nito na nakakalamang siya sa nakaing sining sa isang araw kumpara sa karamihang ang kaya lamang bilhin ay P50 Watch-All-You-Can Pass.

Sa Tanghalang Huseng Batute, tampok ang 13 dula sa iba’t ibang porma at genre: musikal, alegorya, klasikong dulang Griyego, sayaw-monologo, dulang panaginip, dulang sikolohikal, puppet, komedya, dulang laboratoryo at horror-tragedy. May gumamit ng purong Filipino, purong Ingles at Filipino-Ingles-Bisaya.

Sa kabuuan, wala sa kategoryang dula ng Pasinaya ang nagbitbit ng temang Go Tsinoy kahit pa nabanggit sa @Home (Kolab Co.) si Dr. Jose Rizal: tanyag na repormista, anti-kolonyal na lider sa panahon ng pananankop ng Kastila at Pilipinong nakahanay sa Bahay Tsinoy Museum bilang may lahing Chinese mestizo. Gayunpaman, may kinalaman kay Pangulong Noynoy ang mga palabas, mulat man dito o hindi ang produksiyon. Labas sa dahilang ang kasalukuyang pangulo ay Tsinoy rin sapagkat ang kanyang inang si Corazon Cojuangco ay kabilang sa ika-apat na henerasyon ng Co Yu Hwan mula sa Hongjian Tsina, may kinalaman ang mga palabas sa ilang kinakaharap ng bayang Pilipino.

Isa na rito ang usaping pamilya at ang ekonomiya ng pagbubukod o pagbubuklod batay sa galaw ng paniniwala, kapangyarihan at kumbensyon ng lipunan. Higit dito ay ang mga tunggalian kaugnay ng karapatang pantao.

Sa Jack and the Beanstalk (Kid Acts Philippines) na ginampanan ng mga batang mahusay sa pag-awit, ang katapangan ng batang si Jack ang dahilan ng pagkabuo muli ng pamilya. Sa bersyong ito ng kwentong Ingles, nabitag si Jack sa hamon ng masiba at manlolokong higante mula sa kaharian sa may tuktok ng mahiwagang butong tumubo hanggang langit sa isang gabi lamang. Tumakas ang bata, isang pagkakataon rin upang mapalaya ang alipin ng higanteng nagbigay ng buto sa kanya: ang kanyang amang matagal nang nawalay sa kanilang mag-ina.

Nawawalang anak naman ang nilaro ng Play the Judas (Iloilo Prima Galaw). Pinakita nito ang pyudal at telenobelang komplikasyon sa loob ng maliit at madilim na bahay: kakulangan sa komunikasyon ng magulang sa anak, kompetisyon sa pagitan ng magkakapatid, melodrama ng anak na naligaw ng landas at kwento ng ibong nakahawla sa nakaraan at kasalukuyan. Nakakaumay ang paulit-ulit na pagpapakita ng pisikal na karahasan sa entablado ng tatlong aktor sa dula.

Makikita sa King Oedipus (Lipa Actors Company) ang kaugnayan ng domestikong problema sa mas malawak na pamayanan. Tanyag ang piyesa sa kanlurang pandulaan bilang unang dulang tumalakay sa insesto at ang paglipana ng sakit na tumutupok sa ordinaryong mamamayan gawa ng kamalian ng kanilang hari. Natatangi ang disenyo sa pananamit at modernong koreograpiya ng Lipa Actors upang maipabatid ang mensaheng ito.

Sapol ng @Home ang pagbabagong-anyo ng konsepto ng pamilya, tahanan at bayan sa panahon ng globalisasyon. Sa dalawang binyeta nito, pinaglimian ang lokasyon at dislokasyon maging ang pagkakampante at pagkabahala ng tao sa kanyang pakikipagsapalaran sa planetang Google Earth. Ang monologo at diyalogo nitong nilangkapan ng galaw ay ulan ng mga parikala ng migrasyon, identidad, pangarap ng buhay na matiwasay o ligtas at pagbuklod ng Pilipino saan mang dako.

Sa ganitong tono ng paghahanap at pagkabagabag sa usapin ng pagkatao kaugnay ng lipunan ang Untitled (Tanghalang Ateneo). Ang bida ay nabubuhay sa gitna ng kawalan ng katahimikan sa kanyang panaginip ng tila walang katapusang paghahabol sa tutubi sa gitna ng mga ilusyon at dahilan ng naramdamang isolation: ang buhay na iniluwal ng araling pang-ekonomiya at batas ng kapitalismo ayon sa naghahari; ang social media batay sa weapons of self-destruction; ang kasaysayang sinakop ng konsumerismo; ang pagningning at paglabo ng tama o mali; at ang pagkaroon at kawalan ng totoo o artipisyal.

Samantala, hagip ang usapin ng diskriminasyon sa dulang Lola Basyang: Ang Mahiwagang Kuba (PETA) kung saan ang sinumpang prinsipeng kuba ay naghangad ng halik ng prinsesa upang manumbalik ang kanyang taong anyo. Pinalawig ang usapin ng diskriminasyon kaugnay ng karapatan ng kababaihan sa By a Lady (Dulaang Filipino – De La Salle College of St. Benilde). Ang bida ay karakter ng ika-18 siglo sa panahon ng panimulang pagsibol ng kilusan sa pagpapalaya ng kababaihan sa Europa habang ang mga lalaking hip hopper ay representasyon ng kasalukuyang Pilipinas na ngayon lamang hinarap ang Violence Against Women Act, Reproductive Health, Marriage Equality at Divorce Law. Sa pamamagitan ng sagutang rap, awit at fliptop, naipadaloy ang matagal nang pakikibaka laban sa mababang pagturing sa babae. Itinanghal ang diskurso ng taglay na kakayanan ng isang babae taliwas sa nakaugaliang pananaw ng machong kalalakihan na ang babae ay mahina: parehong pananaw na umiiral sa patriyarkal na pamahalaan at ng mapagmatang Katolikong simbahan.

Ang pagtatanghal naman ni Ony Carcamo, isang bentriloko ay 30 minuto ng masigabong halakhak at pagkamangha dahil sa talento nitong salamanka ng pagbibigay-buhay sa baboy na si Sampaguita (soft puppet) at batang si Kulas (hard puppet). Higit pa sa panimulang pag-aaral o pag-aaral muli ng sining ng bentrilokiya, ang simpleng diyalogo ng guro (Ony) at estudyante (Kulas) ay pasaring sa realidad ng kalagayan ng edukasyon at ng mga patakarang di maka-bata.

Bilang Komedya, ang Batalya ni Prinsipe Alvaro at Prinsipe Rodante (Mga Komedyante ng San Dionisio Parañaque)ay labanan ng mga Moro at Kristiyano sa ngalan ng lupa, teritoryo at pag-ibig. Sa buong pagtatanghal ay natawa ang karamihan ng manunuod na para bang ang Komedyang Pilipino ay kahalintulad ng kanluraning Ingles sa layuning magpatawa. Hindi naging epektibo ang pagsiksik ng 20 kawal na may tunay na de-yerong armas bilang props sa entabladong 16×20 piye bagamat walang marahas na reaksyon ang manunuod sa ginawang inobasyon ng mga aktor sa pagsayaw gaya ng Kung Fu Panda Style at Gangnam Style.

Tambak ng putik-tao ang bumungad sa huling palabas na Ang Haunted House sa Ilalim ng Papaya Tree (Teatro Expedicion de Filipinas sa direksyon at panulat ni Joey Paras). Pamilyar ang imahen bilang hatid ng delubyo. Sa karakter nitong militar at mga sibilyang naghahanap ng anak sa tambakan, tinukoy ng produksiyon ang lugar ng pinangyarihan nito: ang Compostela Valley na malubhang naapektuhan ng bagyong Pablo nito lamang Disyembre 2012. Tinukoy rin ang haunted house bilang kuta ng NPA kung saan rin nagaganap ang sinasabing patayan. Pilit hinalungkat ng dula ang sarado nang usapin hinggil sa sinsabi ng Armed Forces of the Philippines na 1980s internal purging ng Partido Komunista ng Pilipinas habang kinubli nito ang patuloy na realidad ng talamak na krimen ng mga ahente ng AFP sa nayon: panununog ng tahanan at taniman, pagdukot sa mga sibilyan at masaker sa pamilyang magsasaka. Sa isang banda, nais ipahayag ng palabas na kahit sa panahon ng trahedya, ang iniisip ng sundalo ay sang-ayon sa utos ng pamahalaan: ang pagtamo sa kuta ng mahuling NPA imbes na sagipin ang mga batang naaanod sa baha. Ginagamit din ng sundalo ang pagkakataon upang pilit na mapaamin ang mga magsasaka na sila’y rebelde o kaya’y magsilbi sa sundalo bilang tiktik at utusan kapalit ng bigas o pagtulong sa kanila sa paghahanap ng mga mahal sa buhay.

Sa isang aspeto, ang laboratoryong 1984 (Sipatlawin Ensemble) ay nagsilbing paghahanda para sa Ang Haunted House. Ang naganap ay debriefing kung saan kasali ang mga manunuod. Hayagang pinahayag at hayagan ring tinanggi ng moderator (JK Anicoche) na ang pagtatanghal ay eksena ng batas militar (ngayon) matapos ang batas militar (ni Marcos). Gamit ang meta cards, idinikta sa manunuod: War is Peace; Freedom is Slavery; Ignorance is Strength; Dahil sa tulong ng Amerika umunlad ang bansa; at 2+2=5. Sa proseso, ang presong babae sa entablado ay determinadong 4 ang sagot sa tanong na 2+2 kahit nakasalang siya sa de-kuryenteng razor shave. Nagtapos ang eksena sa tuluyang pagkakalbo ng babae at paghubad ng saplot bilang impresyon ng pinakamataas na pagyurak sa pagkatao ng mamamayang di sunud-sunuran: pagpapahiya at paggahasa sa harap ng publiko. Hindi man hayagang inamin ng dula, ang stratehikong psy-war ay isang eksena sa swabeng panganganak ng nangangayupapang mentalidad sa pamamagitan halimbawa ng malinis na implementasyon ng Oplan Bayanihan: isang penomenon kung saan hindi napapanagot ang pangulong commander-in-chief, malaya ang mga sundalong kriminal at hindi napaghahalataan ang malalang kaso ng panghuhuli, sapilitang pagkawala at politikal na pamamaslang habang sa internasyunal na midya ay ipinangangalandakan ang mala-tigreng status ng ekonomiya.

Nagpahapyaw ang isang karakter sa Art (Sipatlawin Ensemble) na ang tao ay may kinikilingan dahil mayroong dalawang uri ng sining: isang tae at isang hindi. Mayroong halimbawa isang dibuhong hinihirang bilang kontemporaryo at nagkakahalaga ng kalahating milyon gayong ang tanging binibigay nito ay aliw ng puting pintura sa puting kanbas na may puting linyang diyagonal. Sa isang indibidwal, prestihiyosong maaangkin ang taeng pamigay ng mga Ayala sa isang auction.  Ang pagkiling ay di nagtatapos sa sining. Tumatagos ito hanggang sa libing.