Alboroto ng Bulkan/Bayan sa Ibalong at Daragang Magayon


Ang epiko ay paglalakbay ng bayaning hinirang ng isang pamayanan kung saan nahahalaw ang isang lokal na kaisipan tungo sa pambansang kamalayan. Ang kasaysayang ito ay masasabing atin at ang pagsisikap na mapanatiling buhay ito ay pagtuligsa sa mapagkubabaw na layunin ng kolonyalistang Kastila sa pagbura ng katutubong paniniwala gayundin ng likas na ekspresyong pansining. […]

mayon
Nagsilbing rehearsal sa paglunsad ng Daragang Magayon Festival ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas sa pagbukas ng pagtatanghal ng epikong Bikol at alamat ng Mayon noong Pebrero 8, 2013.

Ang epiko ay paglalakbay ng bayaning hinirang ng isang pamayanan kung saan nahahalaw ang isang lokal na kaisipan tungo sa pambansang kamalayan. Ang kasaysayang ito ay masasabing atin at ang pagsisikap na mapanatiling buhay ito ay pagtuligsa sa mapagkubabaw na layunin ng kolonyalistang Kastila sa pagbura ng katutubong paniniwala gayundin ng likas na ekspresyong pansining. Mahalaga rin ang pagyabong ng tradisyong naipapasa sa bawat henerasyon, berbal man o nakasulat, upang mapabulaanan ang pangmamaliit ng kolonyalistang Amerika sa lahing Pilipinong wala umanong sariling mito at pagkatao.

Nagsilbing rehearsal sa paglunsad ng Daragang Magayon Festival ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas sa pagbukas ng pagtatanghal ng epikong Bikol at alamat ng Mayon noong Pebrero 8, 2013. Handog ng Tanghalang Pilipino ang Ibalong, isang musikal at ng E-Dance Theater ang Daragang Magayon, an Istorya ni Mayon, isang dulang multimedia.

Imposibleng walang kwento ng kabayanihan ang mga ninuno ng rehiyong tahanan ng niyog at anahaw. Imposibleng walang sinaunang mga paglalakbay sa lupain nitong naligiran din ng Karagatang Pasipiko. Katunayan, balon ng pamanang kultura ang materyal ng dalawang dula bagamat kontrobersyal ang kadalisayan ng naarkibong Kastilang texto sa panulat nina Fray Bernardino de Melendreras at Fray Jose Castaño.

Sinalaysay sa unang palabas ang karanasan ng mga katutubo ng Ibalong, na kilala ngayon bilang Bikol, sa pagtayo ng pamayanan. Samantala, sinuhayan sa Daragang Magayon ang tunggalian ng mga tribo at ng mga Bathala tungo sa pagpalawak at pagbuklod ng pamayanan. Pag-ibig ang nagpapatibok sa mga pangyayari ng dalawang kwentong sumusuyod sa ilang daang taon at tauhan habang nanatiling sentral na imahen nito ang bulkang may perpektong hugis tatsulok at may lawak ng lupang sumasakop sa walong munisipalidad at lungsod kabilang ang Albay, Camarines, Sorsogon, Catanduanes at Masbate. Katuwang ng tao sa pagbantay ng yamang likas, si Daragang Magayon ay kilalang Diwata ngayon ng Bundok Mayon katumbas ng mga Diwata ng iba pang bundok gaya nina Maria Cacao ng Bundok Lantoy (Cebu), Maria Makiling ng Bundok Makiling (Laguna) at Maria Sinukuan ng Bundok Arayat (Pampanga).

I Ang Babae bilang Mapagpasya

Sa unang bahagi ng Ibalong, inilinaw na ang lokasyon ng kwento ay nahati sa dalawang teritoryo: ang Upper World at Under World. Ang una’y pinamamahalaan ni Gugurang (May Bayot), Diwata ng Liwanag at ang ikalawa ay ginagabayan ni Asuang (Jonathan Tadioan), Bathala ng Kadiliman. Dito nananahanan ang mga Halimaw na may hitsurang tila mutation ng iba’t ibang hayop. Nabulabog ang malawak nilang tahanan sa panghimasok ng Taong mandirigma na si Baltog (Nicolo Magno). Ang pagtugis nito sa maestrong baboy-damong si Opon (Red Nuestro) ay hudyat ng kanyang paghari. Naging saksi sa matagalang labanan ng Halimaw at Tao ang ahas na anak ni Asuang na si Oryol (Jenine Desiderio). Sa kanya ibinilin ng ama ang pagbawi ng kanilang gubat at dagat. Sa pagpanaw ni Baltog nang walang kasunod na pinuno, naging malaya muli ang mga Halimaw at namuno si Oryol.

Sa ikalawang bahagi, sinalakay muli ng Tao ang Under World sa pamumuno ng hambog na batang si Handyong (Myke Salomon). Matapos ang maraming labanan, pumanaw si Asuang na naging hudyat para kay Oryol upang magpakasal kay Handyong bilang taktika ng pagsalba ng kanilang uri. Sa kabila ng pagputol niya ng kanyang buntot bilang sakripisyo, itinuring ng ibang mga Halimaw na ito ay pagtaksil laluna’t sa katunayan, matapos makipagsundo, sila naman ay ginawang alipin ng sakahan at pa-in ng digmaan imbes na maging kapantay ng Tao ang turing sa kanila ni Handyong. Labas dito, pinaslang ni Handyong si Rabot (Marco Viaña), ang tanging kapatid ni Oryol na ayaw sumuko sa pamamalakad ng Tao.

Sa huling bahagi, nangamba si Gugurang sa kasakiman ng Tao at pananakop nito sa Upper World nang makitang tila inaabot ni Makusog (Cheeno Macaraig) ang langit. Si Makusog ang naging bunga ng pag-isang dibdib nina Oryol at Handyong. Inutusan ni Guguran ang kidlat na kumitil kay Makusog sa isang iglap. Sinumpa ng Diwata na mabubuhay lamang ito muli sa pagpanaw ni Handyong. Sa unang pagkakataon, nakalimutan ni Handyong ang kanyang sarili at inalay ang buhay alang-alang sa anak. Bininyagan ni Oryol si Makusog bilang may malay na kalahating-Tao at kalahating-Halimaw na mangunguna sa tipo ng pamumunong may marangal na budhi. Ipinahayag ni Gugurang ang propesiyang si Makusog ang magiging ama ng magandang dilag (Daragang Magayon).

Nakatuon ang adaptasyon ni Rody Vera sa ugnayan ng tao at hayop sa pakikipagbunó upang mabuhay. Tinumbok rin nito ang pag-alay ng sakripisyo, maging ang aral sa pagsilang ng isang tunay na bayaning may makatwirang pagkiling sa kaunlarang pakikinabangan ng mamamayan at di lamang para sa makasariling pagtayo ng kaharian o pagtagá ng angking pangalan.

Sa dula, ang mga Halimaw ay kumakatawan sa pangkat ng taong inagawan ng yamang likas habang ang mga Taong agresibo gaya nina Baltog at Handyong ay tumutukoy sa uri ng pinunong mapang-alipin at ganid. Sa bahaging ito ay sadyang may pagpihit sa konsepto ng bayani mula sa tinaguriang magigiting na lalaking mananalakay (Baltog at Handyong) tungo sa babaeng mandirigmang (Oryol) ang tanging hangad ay kalayaan at katiwasayan para sa kanilang pamayanan. Binuyangyang din ang realidad sa pagbuo ng kabihasnan sa pamamagitan ng karahasan at pang-aalipusta. Tinukoy ito bilang isang ugat ng ligalig ng kalupaan. Sa huli, ang bayani ng sumunod na salinlahi na si Makusog ay mutation ng mapagkapwa at maka-kalikasang kaugalian ng Tao at Hayop.

Mahalaga ang mga detalyeng ito bilang ambag ni Vera sa nawawalang mga pahina ng epiko kung saan 60 taludturan lamang ang naisalba mula sa tinayang 600 taludturan ng orihinal na manuskritong Kastila.

Payak ang produksyon ng Ibalong sa direksyon at disenyo ng entablado ni Tuxqs Rutaquio bagamat kapansinpansin ang pagretaso ng baging mula sa kanyang disenyo ng dulang Amihan (Miriam College Institute for the Arts, 2008/2011). Naging posible naman ang pagtanghal ng musikal na ginampanan lamang ng mahigit-kumulang 20 aktor at ng siyam na miyembro ng bandang Inkantada para sa live na tunog at musika.

Nakakaindayog ang tensyong hatid ng komposisyon ni Carol Bello na siya ring may pakana sa makapangyarihang saliw ng Orozman at Zafira (Dulaang UP, 2008/2010-13) kung saan naipabatid sa modernong kabataan ang isang klasikal na akda ni Balagtas. Kapita-pitagan ang pagtimpla ng katutubo at kontemporaryong instrumento gaya ng tungatong, kali drum, djembe, devil’s chimes, t’boli bells, balimbing, kubing, gabbang, gangsa, shakers, rainstick, violin, gitara, live organic sound effects at live electronic sound effects. Kakambal ng libretto ni Vera at areglo ni Rizalino Reyes, binigyang-buhay nito ang bawat aksyon, galaw, papet at anino ng palabas.

Makatotohanan ang pagganap ni Desiderio bilang kalahating tao-kalahating ahas na mapangahas, mapang-akit at mapagkumbaba. Dama ang pag-iba ng timpla sa kanyang mga solo dahil di ginawang live ang kanyang saliw ngunit sa paiba-ibang timbre ng emosyon at tulak ng motibasyon, hindi nasalaula ang kanyang boses sa pag-awit man o sa diyalogo bagkus ay napanghawakan niya ang bansag na world class hanggang sa huling kanta. Gayunpaman, maaari pang pag-isipan kung paano maipakita sa ibang paraan ang kanyang paggiling upang maiwasang maihalintulad ito sa paraan ng Sex Bomb na di nababagay sa kanyang karakter.

Kapansinpansin naman ang mga blubber na madalas namamaksima lamang ng live art sa iba pang dahilan. Sa dula, nagsilbi itong hilaw na ikalawang boses ng Liwanag at Dilim. Samantala, nakakatuwa ang kasuotan ng mga Halimaw sa disenyo ni Leeroy New bagamat ito ay pamilyar na sa dulang Umaaraw, Umuulan, Kinakasal ang Tikbalang (Dulaang UP, 2011/2012). Liban dito, dahil sa bigat ng materyal at delikadong elemento, nakakapanghinayang na nalimitahan ang koreograpiya (Alden Lugnasin) ng mga Halimaw. Gayunpaman, ang mga sayaw at stunt (Jerry Ramirez) sa mga eksenang labanan ay napangibabawan ang limitasyon sa bilang ng aktor at sa espasyo ng Tanghalang Aurelio Tolentino.

Malakas na elemento ng dula ang tauhan ng Batang Oryol (Trixie Esteban) bilang saksi sa hinagpis, mithi at walang imbot na pakikitunggali ng isang pamayanan upang ipagtanggol ang kanyang kanlunga’t libingan. May dating ang huling awit ng bata bilang pahimakas ng nakaraan at pagsalubong sa bagong simula.

Matatandaang matapos ang kolonyal na pananakop, hinamon at nakabangon muli ang mga Bikolano sa matitinding trahedya gaya ng pagputok ng Mayon (1814/2006), lahar (1726/2006) at Bagyong Reming (2006). Samantala, patuloy namang kinakaharap ng mamamayan ang kahirapan, kagutuman at pang-aabusong militar.

Pangalawa ang Bikol sa pinakamahirap na rehiyon sa bansa (Ateneo Social Science Research Center/National Statistical Coordinating Board) habang sa ilalim ng Ehersisyong Balikatan sa pagitan ng sundalong Amerikano at Pilipino at ng Oplan Bayanihan, ang anti-insurehensiyang patakaran ni Pang. Benigno Aquino III, may talang 34 kaso ng pampolitikang pamamaslang at 3 kaso ng sapilitang pagkawala sa loob lamang ng 2 taon (KARAPATAN, 2010-12). Samantala, umaabot na sa 19 ang bilang ng detenidong politikal sa rehiyon (KARAPATAN, 2012). Dagdag dito, wala pa ring hustisya para sa Mancera masaker na naganap sa Camarines Norte noong Pebrero 2012 kung saan dalawang bata kasama ng kanilang ama ang pinaslang ng mga sundalo mula sa 49th IB.

II Ang Musa bilang Kalahi ng Lupa

Simpleng kwento ng paglalakbay ng mag-irog ang alamat ng Daragang Magayon. Nagbukas ang dula sa ligalig ng Tierra de Ybalon kaugnay sa pagbangon ni Bakunawa, isang higanteng ahas na nagbantang lamunin si Buwan at magdulot ng walang katapusang kadiliman sa pamayanan. Lahat ng nilalang ay dumaing kay Haliya, ang Diwata ng Buwan (Mayumi Toribio). Sa kanyang tulong ay pansamantalang naglaho ang Bakunawa. Si Buwan, kasama ang Espiritu ng Kalikasan na si Usa (Pamela Josef) ay pawang gabay sa bidang magsing-irog at sila rin ang saksi sa kompetisyon sa kapangyarihan sa pagitan ng dalawang banal na sina Gugurang (Ronnie Lazaro) at Asuang (Pontri Bernardo) dahil kinaiinggitan ni Asuang ang kapangyarihang Calayo o apoy ni Gugurang .

Si Daragang Magayon (Ea Torrado) ay anak ni Makusog (Marcus Tolentino), ang pinuno ng tribong Rawis mula sa karagatan. Dahil sa kanyang angking halina at tapang, maraming nagkagusto sa kanya kasama na rito si Pagtuga (Francis Cascaño), ang pinuno naman ng tribong Iriga mula sa kalapit-bayan ng kabundukan. Nagsadya si Pagtuga sa Rawis kasama sina Linog (Roduardo Ma) at iba pang mandirigma upang ihapag ang kanyang alay ng pag-ibig kay Magayon kasama dito ang ginto, perlas at hinabing tela. Para kay Makusog, hindi sapat ang dala niyang alay bagamat bilang paggalang ay pumayag siya sa kanilang kasalan. Tumakas si Magayon tungong gubat dahil di niya gusto ang hambog na pinuno bagamat sa loob-loob niya ito ay paglabag sa nakaugalian.  Sa gubat, nagtagpo ang landas nila ni Ulap (Victor Maguad) matapos habulin ng huli si Usa. May kislap sa una nilang tagpo ngunit alerto din si Magayon dahil si Ulap ay dayong pinuno ng Karilaga, isang tribong Tagalog. Pinaliwanag ni Ulap na wala siyang masamang intensyon gaya ng pagsalakay sa kanilang pamayanan. Nang magpasya si Magayong tumuloy na sa kanilang tahanan, sinundan ito ni Ulap na nag-alay ng nahuling usa sa butihing pinuno bilang simbolo ng paghapag ng kanyang pag-ibig kay Magayon. Dahil dama ang magaang kalooban ng dalawa sa isa’t isa, binasbasan ni Makusog ang kanilang pagsasama na ikinagalit ni Pagtuga.

Sa ikalawang bahagi, habang sinimulan ng Baliana o babaylan (Zyda Baaya) ang pagdiwang ng kasalang Magayon at Ulap, sumalakay sina Pagtuga at binihag si Makusog. Nagkaroon ng labanan sa pagitan ng dalawang tribo. Sa huli, napalaya si Makusog. Napaslang ni Ulap si Pagtuga at bilang ganti, nagpakawala si Linog ng panang may lason para kay Ulap ngunit humarang si Magayon. Sa huling halik ni Ulap sa naghihingalong sinta ay di niya namalayang tumagos rin ang pana sa kanyang dibdib. Bagamat nanghihina, nagawang paslangin ni Ulap si Linog. Sa labanan ng tao, tumindi rin ang alitan nina Gugurang at Asuang bilang ispiritwal na kadugo ng tao. Sa paglipas ng panahon, naging aktibong bundok ang himlayan nina Magayon at Ulap. Pinaniniwalaang sa bawat pagputok nito ay inuutusan ni Gugurang si Calayo upang turuan ang mga nasalaulang nilalang na manumbalik sa kabutihan. Sa tuwing may lindol (Linog), nagkakaroon ng pagputok (Pagtuga) bilang ngalit ni Pagtuga at pagbawi ng kanyang mga alay noon kay Magayon. Ang pagputok ay pinapahupa naman ng luha ng ulan (Ulap).

Sa produksyon ng E-Dance Theater, nanatiling malaking kalakasan ang musika ni Ramon Santos, 2012 Gawad CCP para sa Sining. Siya rin ang tagakumpas ng orkestrang binuo ng rondalla at vocals mula sa UP Rondalla at Novo Concertante Manila. Sadyang nakadisenyo ang musika para sa rondalla bilang bahagi ng kulturang Bikol. Ito ang natatanging kaibahan mula sa komposisyon ni Santos para sa produksyon ng parehong alamat (koreograpiya ni Hazel Sabas-Gower at tula ni Merlinda Bobis).

Kakambal nito ang mga tula ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario. Una dito ang Daragang Magayon, isang papuri sa dilag sa gayak na tradisyon ng pagpupugay sa diwata. Mahihinuha sa tula ang mahigpit na ugnayan ng tao at banal:

Kagandahan ka nga, ang Hubog na Mithi,

Mailap na mutya ng aming lunggati;

Sining nami’y kulang, wika’y nakikimi,

Kapag sinikap kang gagapin ng limi.

Ang pagtapat ng pagpuri’t hingapis nina Pagtuga at Ulap ay mabanaag sa piyesang Pag-ibig. Singdalisay ang layon ngunit magkaibang materyal na handog.

Ayon kay Pagtuga:

Inihahandog ko ang lakas at yaman

Ang hiyas ng mundo, ang lahat ng mahal,

Dahil walang silbi itong kapalaran

Kung walang pag-ibig na pag-aalalayan.

Ayon naman kay Ulap:

Inihahandog ko ang hininga’t buhay,

Kahit na mamatay kapag kailangan;

Kaligayahan ko kahit ang libingan

Kung sinta’y kapiling sa kawalang-hanggan.

Samantala, ang Tagulaylay ng Bayan para sa eksena ng pagkamatay ng magsing-irog ay pagbuhos ng luha ng dalawang tribo para sa ehemplo ng dalisay na pag-ibig na tinupok ng bugsong kasakiman. Simbigat ito ng luha ng bayan para sa isang martir:

Ang bayani’y katungkulang ipagluksa

Pag nag-alay ng hininga’t nakidigma,

Pag naghandog ng tagumpay sa bandila,

Pag nagsulong ng marangal na adhika

 

Ngunit dapat ding iluha itong wakas

Ng pag-ibig na wala nang kasingwagas,

Tinutuklas ang paglaya’t bagong landas

At palaging sinisikil ng marahas.

Sa pangwakas, binuod ng Ang Bulkan ang kolektibong damdamin ng isang pamayanan para sa elemento ng kalikasang may kapangyarihang magdikta ng araw, ulan at ligalig. Ang talinghaga ni Almario ay repleksyon sa pananaw ng mamamayan sa bahagi ng lupang karugtong ng kanilang bituka sa pamumuhay:

O, Bulkan! O, Bulkan!

Tahanan ng aming munting kapalaran.

O, Bulkan! O, Bulkan!

Pintungan ng aming lakas kabuhayan.

 

Kapag may panahong api’t nilulupig

Ang pagdagundong mo’y huwaran ng init

Upang ang anak mo’y sumigaw ng galit

At magtipong-tipong tigib sa himagsik

Matapos mapanuod ang pagtatanghal sa direksyon at koreograpiya ni Gerald Mercado, masasabing walang matingkad na interbensyon ang dramaturhiya ni Albay Poet Laureat Abdon Balde Jr. bagamat may-akda din siya ng Ibalong, Pagbuo ng Epikong Bikol (2012 NCCA Writers Prize) at ng Legend of the Three Mountains (2012), isang musikal kasama ang alamat ng Mayon. May katanungan sa dramaturhiya dahil ito sana ang maaaring sumagot sa kalagayang mahina ang bisyon o kabuuang direksyon ng dula. Pinupunan din sana nito ang puwang sa kahinaan o kaya kawalan ng pagkakaisa sa mga artistikong elemento ng pagtatanghal kabilang ang script (Aimee Escasa/Bonifacio Ilagan), bidyo (Chuck Escasa), animation (Niko Salazar), ilaw (John Batalla) at koreograpiya.

Sa naunang atake ni Sabas-Gower, itinanghal si Magayon bilang bayaning babae. Ang atake naman ni Mercado ay sadyang walang pokus samantalang mahusay sana kung natapatan nito ang progresibong pag-unlad ng tono/emosyon ng musika ni Santos at ang papaibabaw na tinig ng taumbayan sa teksto ni Almario.

Sa pagpasya sa produksyon bilang multimedia, mahalagang napagbalanse kung ano ang pangunahing silbi ng aspetong bidyo/animation: (1) kung aako nga ba ito ng eksena, magsilbing transisyon o magbigay ng pang-suportang effects lamang; (2) kung realistiko nito ipakita o hindi; at (3) kung magsisilbi lamang ito sa tauhang imortal upang idiin ang ibang dimensyon nito. Mismong ang bidyo at animation din ay nag-aagawan sa isa’t isa na tila ba wala itong napagkasunduang tiyak na patutunguhan. Maaaring ang pagmaniobra ng pelikula sa isang dulaan ay naging epektibo sa Walang Sugat (Tanghalang Pilipino sa direksyon ni Carlos Siguion-Reyna, 2012) ngunit sa pagkakataong ito, bagamat maganda ang kalidad ng bidyo/animation, di nito napagtagni ang aksyon ng dula bagkus ay naudlot pa ang paglikha ng suspens sa ilang bahagi.

Dahil itinanghal ito ng isang kumpanyang dula-sayaw ang forte, labis ding inasahan ng manunood na matunghayan ang aksyon ng dula sa pamamagitan ng sayaw. Sa kabuuan, bitin ang mga sayaw. Kung hindi ito natabunan ng bidyo/animation, ang sadyang kawalan ng sayaw bilang biswal na espektakulo sa entablado ay wala naman sa pulso o timing gaya ng mahabang pagpokus lamang ng ilaw sa orkestra. Tuloy, may panghinayang din sa lawak ng espasyo ng Tanghalang Nicanor Abelardo.

Gayunpaman, kapansin-pansin ang routine ng Usa at Baliana habang nag-iwan ng tanda’t hikayat ng palakpak ang pas de deux nina Magayon at Ulap sa pag-alab ng kanilang pagmamahalan sa piling ng ilog at dagat. Sana ay tumampok din ang koreograpiya sa labanan ng dalawang tribo bilang mahalagang bahagi ng tunggalian gayundin ang huling koreograpiya ng apat na pangunahing tauhan bilang climax.

Sa ilang bahagi, naging organiko ang kasuotan (Carlo Pagunaling) sa lokasyon at damdamin ng mga eksena ngunit maaari pang paunlarin ang materyal ng mga aksesoryang karugtong ng katawan ng mga mananayaw nang hindi ito tumilapon kung di kailangan at mang-agaw ng eksena sa tanghalan. Hindi naman nakatulong ang mala-Party Pilipinas na ilaw ni Batalla bagamat mahusay nitong naipakita ang apoy sa huling bahagi at napalutang ang disenyo ng entablado ni Leo Abaya na pabilog imbes na pa-tatsulok.

Ang produksyon ng E-Dance Theater sa Daragang Magayon ay halimbawa ng mahalagang proyektong binuo ng mahuhusay na artistikong tim ngunit sa naging resultang palabas ay nangibabaw ang kawalan ng pagkakaisa sa mga elemento ng pagtatanghal. Sa kasaysayan ng dulaang Filipino, ang danas na ito ay magsisilbi ring aral sa sining ng mapagpasyang pagdirehe ng alamat sa kategoryang dula-sayaw at multimedia.

Samantala, di naman matatawaran ang pagsisikap sa likod ng pagbuo ng dalawang dula. Magandang inspirasyon ang paulit-ulit na pagtatanghal ng epiko gaya ng Ramayana ng mga kalapit-bansa sa Asya maging ang paggamit ng katutubong porma ng sayaw, musika at dulaan bilang pangkulturang armas ng pamayanan sa kabila ng malaganap na panghimasok ng kung anu-anong maka-imperyong produktong kultural sa porma ng DVD, telebisyon at online media.

Kung kaya, ang paghatid ng dula mula sa sinaunang panitikan ay malaking bagay para sa patuloy na pag-unlad ng materyal at pagbukas ng kamalayan laluna ng mga kabataan. Malaking bagay din ang pagsuporta nina Gob. Joey Salceda ng Albay at Mayor Carmen Geraldine Rosal ng Legazpi upang maging posible ang pagkumpuni at pagbigay ng panibagong buhay sa mga pamanang pangkultura. Ang konsiderasyon ng pagturing sa mga dula bilang bahagi ng turismo gaya ng pagtampok nito sa festival sa Abril at Agosto ay makakatulong sa paglaganap at popularisasyon ng epiko’t alamat. Gayunpaman, nawa’y hindi maabuso sa ngalan ng kita at atrasadong rendisyon ang klasikong kuwento.