Mag-aaral sa U-Belt, nagsindi ng kandila para sa estudyante ng UP


“Hindi dapat ito nangyari!” Ito ang nagngangalit na sigaw ng mga mag-aaral sa University Belt na nagsindi ng mga kandila sa Mendiola Bridge upang manawagan ng katarungan para sa isang mag-aaral ng University of the Philippines Manila na nagpakamatay dahil umano hindi makapagbayad ng kanyang matrikula. “Kung tunay na maka-mamamayan ang sistema ng ating edukasyon, […]

Candle-lighting sa Mendiola Bridge ng mga mag-aaral na nananawagan ng katarungan para sa nagpakamatay na estudyante ng UP Manila (Pher Pasion)
Candle-lighting sa Mendiola Bridge ng mga mag-aaral na nananawagan ng katarungan para sa nagpakamatay na estudyante ng UP Manila (Pher Pasion)

“Hindi dapat ito nangyari!”

Ito ang nagngangalit na sigaw ng mga mag-aaral sa University Belt na nagsindi ng mga kandila sa Mendiola Bridge upang manawagan ng katarungan para sa isang mag-aaral ng University of the Philippines Manila na nagpakamatay dahil umano hindi makapagbayad ng kanyang matrikula.

Itim na laso, itinali sa estatwa ni Chino Roces bilang simbolo ng pagluluksa (Pher Pasion)
Itim na laso, itinali sa estatwa ni Chino Roces bilang simbolo ng pagluluksa (Pher Pasion)

“Kung tunay na maka-mamamayan ang sistema ng ating edukasyon, kung tunay na prayoridad ng gobyerno ang edukasyon, hindi ang pagpapatakbo na parang negosyo ang dapat na mangyari sa mga pamantasan dahil sa kakulangan ng badyet dulot ng taun-taong pagkaltas dito,” Vanessa Faye Bolibol ng Kabataan Party-list.

Hindi maihihiwalay ang pagpapakamatay ng mag-aaral ng UP Manila sa mapaniil na polisiya sa UP na STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program) na ang layunin ay maging “paying scholar ng bayan ang mga mag-aaral nito,” ayon kay Bolibol. Ipinapakita umano ng ganitong mga polisiya ang patuloy na paglala na krisis ng edukasyon sa bansa.

“Walang ibang pag-uugatan ang ganitong trahedya kundi ang estado na nagpapatupad ng mga polisiyang nagtutulak pa lalo palayo sa mga mag-aaral na hindi makapasok sa mga pamantasan at kitlin ang sariling buhay kasama ng pagkamatay ng kanilang mga pangarap,” ayon naman kay Marc Lino Abila, deputy secretary general ng College Editors Guild of the Philippines.

Mga polisiyang para sa komersyalisasyon ng edukasyon ni Pangulong Aquino ang itinututurong pangunahing dahilan ng krisis sa edukasyon (Pher Pasion)
Mga polisiyang para sa komersyalisasyon ng edukasyon ni Pangulong Aquino ang itinututurong pangunahing dahilan ng krisis sa edukasyon (Pher Pasion)

Ayon pa kay Abila, wala nang pinag-iba ang nararanasan ng mga mag-aaral sa state universities and colleges (SUCs) sa mga mag-aaral sa pribadong pamantasan. Dahil sa komersyalisasyon ng edukasyon kung saan itinutulak ang SUCs na maging self-sufficient at ang mga pribadong pamantasan naman para kumita, pinapatawan ang mga estudyante ng iba’t ibang hindi resonable at hindi maipaliwanag na mga bayarin gaya ng mga cultural fee, religious fee, donation fee, at iba pa.

“Matagal na naming panawagan na itigil o ibasura ang mga polisiya gaya na STFAP. Matagal na naming panawagan na itaas ang badyet sa edukasyon. Nakalulungkot at nakakagalit na may kailangan pang may isang mag-aaral na mamatay para mas marami pa ang magsabing karapatan naming kabataan ang edukasyon, at tungkulin ito ng gobyerno na ibigay ito sa amin,” ayon kay Bolibol.