Uncategorized

May katuturan pa ba ang mga awards?


Panahon na naman ng mga awards. Para sa pelikula at telebisyon, anihan na naman ng mga parangal para sa mahuhusay—ayon sa panlasa ng mga pumipili—kaya aligaga na naman ang showbiz sa puntong ito. Una nang naggawad ng parangal ang USTv Awards ng University of Santo Tomas at Gandingan ng UP Los Baños. Sumunod naman ang […]

Panahon na naman ng mga awards.

Para sa pelikula at telebisyon, anihan na naman ng mga parangal para sa mahuhusay—ayon sa panlasa ng mga pumipili—kaya aligaga na naman ang showbiz sa puntong ito.

Una nang naggawad ng parangal ang USTv Awards ng University of Santo Tomas at Gandingan ng UP Los Baños.

Sumunod naman ang Golden Screen TV Awards ng Entertainment Press Society, Inc. o Enpress at pagkatapos ay agad na sinundan ng Gawad Tanglaw o ang Gawad Tagapuring mga Akademisyan sa Aninong Gumagalaw.

Hindi pa tayo nalingat ay naghatag naman ng mga parangal ang Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club sa ika-29 na taon nito.

Hindi pa nga nangangalahati ang taon ay sangrekwa na ang mga nagbabahagi ng awards.

Magbibigay rin ang PMPC ng Star Awards for TV at Music.

Meron ding Famas, Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, YCC o Young Critics Circle, Luna Awards ng Film Academy of the Philippines, Pasado o Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro.

Ang Enpress ay may Golden Screen Movie Awards din.

May Catholic Mass Media Awards pa gayundin ang Cultural Center of the Philippines.

Hindi rin pumapayag ang Maria Clara Awards na maetsa-puwera kahit na panahon pa ito ni Mahoma at binuhay lang na manag-uli ng ilang dating kasapi ng mas malawak na Famas na mula sa Maria Clara Awards ang mga panuntunan at namamalakad nito.

May mga umuusbong pang organisasyon sa mga lalawigan na nagbibigay ng mga karangalan sa TV at pelikula.

Sangkatutak, di ba?

***

May silbi pa ba ang awards?

Oo at hindi.

Oo dahil ipinamamarali ng mga award-giving body na may mahuhusay sa hanay ng mga tagalikha ng telebisyon at obrang pampelikula.

Pamantayan din ito ng mga tao para sukatin ang impluwensiya ng kanilang napapanood.

Bilang konsyumer o mamimili, may karapatan ang bawat isa na turulin at makita ang kahulugan at kahalagahan ng isang panoorin bilang produkto—kung ito ay nakakatulong sa pag-angat ng buhay sa maraming aspeto dahil ang telebisyon at pelikula ay hindi lang pag-aaliw, ang mga ito ay kadluan din ng edukasyon at impormasyon.

Naglalabas ng pera ang isang manonood para lang makasaksi ng isang pelikula at kahit libre ang panonood ng TV sa free TV, may bayad ang pagbili ng TV set at may kaukulang presyo ang bawat anunsyo na katumbas din ng ibinabayad ng isang tagatangkilik sa takilya.

Kailangang maging sulit ang karanasan ng manonood sa harap ng puting katsa o iskrin.

***

Sa dinami-dami ng mga award-giving bodies, may katuturan pa ba ang mga ito?

Marahil, sa paglikha at paghulma ng mga pamantayan—solido man o malabnaw—ng mga namimigay ng awards, may kahit konting mahahapuhaw ang isang manonood sa mabuting tunguhin ng pagsasapraktika ng kritisismo para sa mga elemento ng pelikula at telebisyon.

Gayunman, para sa amin, imbes na awards ay bakit hindi ang pakikipaglaban para sa tamang suweldo at pagkita ng pera sa showbiz, sa pelikula at telebisyon, ang dapat munang asikasuhin ng mga grupo.

Ang daming hindi nasusuwelduhan nang tama sa showbiz—sa hanay ng mga artista at manggagawang produksyon—na kahit hindi nagrereklamo nang pormal ang mga ito ay nagtatanong din naman sa kanilang kaloob-looban ng isip at diwa.

Ang mamahal na ng presyo ng mga bilihin at apektado na rin ang mga taga-showbiz dito pero wala pang hakbang na pangkalahatan para maisulong ang ganap na pagbabago sa kaayusan ng paggawa kabilang ang sa showbiz.

***

Hindi naman inaalis ang mga awards dahil nagpapamalas ito ng insentibo sa mga tagalikha ng mga obra pero mas higit na kailangan ang sapat na kita para mas masagana at mas matwid ang buhay, ang mga bagay na itinuturo ng Panginoong Diyos at ng Bibliya.

Kaya lang ay talamak na ang kawalang katarungan sa pagpapasuweldo sa showbiz at kung maaaksyunan ito ay mas magiging mas kapaki-pakinabang ang paggagawad ng mga karangalan.