Uncategorized

Abrelata ng 9th Cinemalaya, inulan, binaha


Kung pamahiin o metapisika ang panukat na ang pagbuhos ng ulan ay pagbaha ng suwerte, ang malakas na buhos ng ihi ng langit noong Biyernes, ika-16 ng Hulyo, 2013 ay palatandaan ng buwenas sa taunang pagdiriwang ng Cinemalaya Independent Film Festival, ang tinaguriang Philippine Independent Film Festival. Ilang minuto bago magbukas ang ikasiyam na Cinamalaya […]

Ruben Nepales, Janet Susan Rodriguez-Nepales, Babyruth Villarama at Chuck Gutierrez
Ruben Nepales, Janet Susan Rodriguez-Nepales, Babyruth Villarama at Chuck Gutierrez
Ruben Nepales, Janet Susan Rodriguez-Nepales, Babyruth Villarama at Chuck Gutierrez

Kung pamahiin o metapisika ang panukat na ang pagbuhos ng ulan ay pagbaha ng suwerte, ang malakas na buhos ng ihi ng langit noong Biyernes, ika-16 ng Hulyo, 2013 ay palatandaan ng buwenas sa taunang pagdiriwang ng Cinemalaya Independent Film Festival, ang tinaguriang Philippine Independent Film Festival.

Ilang minuto bago magbukas ang ikasiyam na Cinamalaya ay pinakawalan ng langit ang masaganang ulan na nagdulot ng baha sa maraming lugar sa Kamaynilaan.

Pero hindi napigilan ng unos ang kasabikan ng mga manonood na makibahagi sa pag-aabrelata ng palatuntunan ng hapong ‘yon.

Kahit basang-basa sa ulan, humugos pa rin sila sa Tanghalang Nicanor Abelardo o Main Theater o sa lobby nito ng Cultural Center of the Philippines para saksihan ang makasaysayang programa ng pestibal at pagkatapos ay panoorin ang opening film na “Jazz in Love,” ang documentary piece ni Babyruth Villarama.

Humahangos na pumasok sa bulwagan ng Little Theater si Mel Chionglo, ang Monitoring Head ng Cinemalaya at ang kanyang Amerikana at pantalon ay basang-basa pero dahil tunay siyang alagad ng sining, tahimik lang siya sa dagok ng kalikasan at nagtuloy sa may isang sulok ng lugar at nagsimulang tumawag sa mga may kaugnayan sa kanyang trabaho.

Sumunod kay Mel si Joel Lamangan na suki na ng Cinemalaya.

Kahit walang lahok si Joel sa taong ito sa paligsahan, closing film naman ang kanyang “Burgos” sa ika-3 ng Agosto, 2013.

Iniba na ang iskedyul ng closing film at hindi na pagkatapos ng gabi ng parangal na gaganapin sa ika-4 ng Agosto.

***

Maaga pa’y nasa unahan na ng audience ang beteranang peryodistang pampelikulang si Alice Vergara na matagal ang inaabangan ang pagbubukas ng 2013 Cinemalaya.

Walang pakialam si Alice kung hanapan man siya ng kanyang mga lathalain tungkol sa showbiz dahil bastat siya ay nakikiisa sa mga sosyalang panshowbiz, katumbas na rin ito para sa kanya ng pagsusulat.

Maaga rin ang Binibining Pilipinas-Universe 1981 na si Maria Isabel Lopez.

Si Chanel Latorre, ang tuklas na bituin ng kontrobersyal at nakakaintrigang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel, ay nakaupo na nang prente sa isang tabi at nananabik na sa pagpapalabas ng kanyang dalawang pelikula sa okasyong ito, ang “Babagwa The Spider’s Lair” ni Jason Paul Laxamana at “The Diplomat Hotel” ni Christopher Ad. Castillo.

Nasa oras na rin si Laurice Guillen, ang Festival Director at nakaplakda na sa anumang kaganapan gayundin ang Tagapangulo ng Cinemalaya na si Nestor Jardin, ang dating Artistic Director ng CCP.

Halos kumpleto na rin ang lahat ng mga kasaling filmmaker sa lahat ng kategorya ng timpalak, sa mga kategoryang Directors Showcase, New Breed at Short Film.

Sa pagtawag sa kanila, ang natandaan lang naming wala ay si Jeffrey Jeturian, ang direktor ng “Ekstra” ni Vilma Santos ng pagtutulungang Cinemalaya at Quantum Films ni Atty. Joji Alonso.

Pero kinatawan naman si Jeffrey ni Zig Dulay, ang mandudulang pampelikula ng “Ekstra” at kalahok din sa Short Film category para sa obrang “Missing.”

***

Sa pakikipagtalamitam namin sa loob at labas ng CCP, nakita namin si Ellen Ongkeko-Marfil, ang direktora ng “Boses” nina Cherry Pie Picache at Coke Bolipata.

“Successful naman ang showing ng ‘Boses’ sa Riverside Studios. Ang ganda ng turnout. Maganda ang marketing ng project,” pahayag ni Ellen na nakapuwesto sa sulok ng Independent Filmmakers Cooperative o IFC.

May komersyal ding pagtatanghal ang “Boses” sa mga SM Cinemas kaya tuwang-tuwa si Ongkeko-Marfil sa kinahihinatnan ng kanyang proyektong kasama rin sa Cinemalaya noong 2008.

“It has a mission,” sabi ni Ellen.

Dahil kahit ang tagal-tagal na ng pelikula ay ngayon lang ito pinag-aaksayahan ng panahon ng maraming sosyo-sibikong organisasyon.

Matiyaga talaga si Ongkeko-Marfil at siya mismo ang nagtitinda ng kanyang pelikula noon pa man at nagbunga na ang kanyang pagsisikap dahil siya na mismo ang tinatawagan ng mga booker at mga asosasyon na nais ipalabas ang kanyang obra.

Abala si Ellen sa pag-aasikaso ng mga opisyo ng IFC sa Cinemalaya at katulong niya si Pauline Javier, ang dating right-hand woman ni Jim Libiran, ang maestro ng mga pelikulang “Tribu” at “Happyland.”

Nakay Ongkeko-Marfil na si Pauline habang wala pang ginagawa si Jim na abala naman sa pagkokonsepto ng mga proyekto at paggawa ng mga palabas-telebisyon.

***

Magkasabay na dumating sina Christopher Ad. Castillo at Mon Confiado na ang guwapu-guwapo at machung-macho pa rin kaya lihim na lihim na humahanga sa kanya ang bloke ng kabaklaan.

Ayon kay Christopher, alay niya sa kanyang namayapang amang si Celso Ad. Castillo ang kanyang pelikulang “The Diplomat Hotel.”

Si Gretchen Barretto ang bida sa pelikula at ayon kay Chris, pinili niya ang aktres dahil naniniwala siya sa kakayahan nito at hindi dahil ito ay mahal sa buhay ni Antonio Conjuangco, mas kilala sa tawag na Tony Boy Cojuangco.

Hindi nagpapapapel si Castillo kundi ayon sa kanya’y kailangang bigyan ng pagkakataon si Gretchen na patunayan na kaya niyang magdala ng isang matinding pelikula.

“Gretchen snubbed initially the script of ‘The Diplomat Hotel’ I sent her. She didn’t even bother to read the script. But a friend told her to give time to reading the script.

“The moment she read the script, she said yes to the project,” kuwento ni Ad. Castillo.

Magkano naman ang ibinayad ng produksyon kay Barretto samantalang malaking bituin ito na may malaki ring paghingi ng talent fee.

Pero dahil kilala ngang mababa ang puhunan ng bawat proyekto ng Cinemalaya, mababa rin kaya o pumayag kayang tumanggap si Greta ng hindi pangkaraniwang suweldo sa pelikula?

“No comment muna,” sabi ni Chris.

Pagkuwan ay umakyat na sa itaas si Chris at si Mon.

***

Nang umakyat na rin kami ni Jowee sa lobby ng Main Theater, tinatawag na ang mga pangalan ng mga konektado sa pestibal.

Tapos, bigla na lang bumulaga sa may pinto ang isang mukhang Tsinang nakapormal na kasuotan at may alampay na Kanluranin ang disenyo.

Nang magdaan siya sa may tapat namin ni Morel, wala iba siya kundi si Maggie Lee, ang sikat na sikat at matinik na film critic mula sa Variety Magazine.

Nanggaling din sa Hollywood Reporter si Maggie pero noong isang taon ay lumipat siya sa Variety na matindi ring magasin.

Nagkakilala kami ni Lee sa 15th Puchon International Fantastic Film Festival sa Bucheon City, South Korea noong 2011 at madalas ay magkausap kami sa Facebook at sa email.

Kaya hindi ko napigilang tawagin siya.

Lumingon naman si Maggie, ngumiti at pagkuwan ay lumapit sa amin kahit huli na siya sa presentasyon ng pagbubukas ng ika-9 na Cinemalaya.

Hindi ko naman alam noong una na siya pala ay hurado o pinuno ng inampalan ngayong taong ito kaya natawag ko pa siya.

Disin sana’y hinayaan ko na lang siyang pumunta sa may unahan ng palatuntunan.

Nanggaling pa sa Manila Hotel si Maggie at naipit siya ng trapiko at malakas na buhos ng ulan kaya halos magtatatapos na ang programa nang siya ay makarating.

Nahuli rin si Carlitos Siguion-Reyna sa pagdating dahil sa baha at trapiko.

Ang hindi nakarating nang lubusan ay si Maryo J. de los Reyes na hurado rin.

***

Bilib na bilib ang peryodistang pampelikula si Jude Bautista kay Nestor sa pagkuha kay Maggie bilang hurado.

“Matagal ko nang nababasa si Maggie Lee at ang galing niya,” sabi ni Jardin nang papunta kami sa Alabang Town Center sa Alabang, Muntinlupa City para sa pagbubukas naman doon ng 2013 Cinemalaya.

Nadagdagan na naman ang mga komersyal na sinehan na pinagtatanghalan ng mga pelikula ng Cinemalaya dahil kung noong mga nakaraang taon ay sa Trinoma at Greenbelt lang nakapagtatanghal ng mga kasali sa pista ng pelikulang Pilipino, ngayon ay may ATC na.

Matinding magsulat si Maggie kaya kilala siyang kritiko sa buong mundo.

Sa pag-uusap nina Jowee at Lee noong Sabado ng tanghali, napag-alaman ni Morel na sa Oxford University nagtapos ng pag-aaral ang Chinese critic.

***

Pinasalubungan naman ng masigabong palakpakan ang opening film na tungkol sa pag-iibigan ng dalawang lalaki, isang Filipinong nars at isang militar na German.

Ayon kay Babyruth, matagal na niyang proyekto ang “Jazz in Love” pero marami rin siyang inihandang trabaho sa tulong ng Goethe Institute kaya lang ang karamihan ay may problema—may kaso na ayaw magpakuha sa kamera ang isang karakter at may mahirap kausap kaya naman nagpasalamat ang lady director na pumayag si Ernesto “Jazz” Tigaldao, Jr. at si Theo Rutkowski na makunan sila sa video.

Bagamat ang wakas ng kuwento ng pag-iibigan nina Jazz at Theo ay paghihiwalay, umaasa pa rin ang madlang pipol sa masayang pagtatagpo at pagsasamang muli ng dalawang bida.

Hindi pa rin alam ni Villarama kung ano ang kahihinatnan ng istorya nina Tigaldo at Rutkowski pero may susunod pang kabanata ang kanyang pelikula.

Handog ito ni Babyruth sa lahat ng mga umiibig kabilang ang kabaklaan na anya’y hindi pa lubusang tinatanggap ng lipunang Filipino.

Maganda ang pagtanggap ng mga manonood sa “Jazz in Love” at sa lahat ng mga obra ngayong Cinemalayang ito.

Sa katunayan, sold out ang mga tiket saanmang pinagpapalabasan ng “Ekstra” nina Vilma at Jeturian.

Wala nang maibigay na tiket si Atty. Alonso, may bayad man o wala dahil wala na talagang natitirang tiket.

Sold out din ang “Porno” nina Rosanna Roces, Angel Aquino, Carlo Aquino at Yul Servo sa direksyon ni Adolf Alix, Jr.

Ayon kay Jardin, sila na mismo ang nagtanggal ng pagtatanghal ng “Porno” sa mga komersyal na sinehan tulad ng Greenbelt, Trinoma at AT dahil sa may kasunduan ang Cinemalaya at ang Movie and Television Review and Classification Board.

Ito ay dahil napakasensitibo at napakamapangahas ng likhang-sining ni Adolf dahil sa pagpapakita ng mga maseselang tagpo ng sekswaklidad.

Nagkasundo kasi ang Cinemalaya at ang MTRCB na may self-censorship at self-regulation ang mga pelikulang may delikadong tema at presentasyon kaya bilang pagsunod sa kasunduan, kahit si Alix, Jr. ay nagpakalat ng mensaheng hindi ipapalabas sa mga regular na sinehan ang kanyang trabaho kundi sa CCP lang.

***

Sa ATC naman, may musikal na bilang ang isang mananayaw na nagbukas ng 2013 Cinemalaya roon.

Bago kami umalis ay sinabi ni Ching Danseco, kababayan naming taga-Lopez, Quezon na siya ang nagpinta ng metikulosong kolor sa katawan ng dancer kung saan ang mga kulay ay dilaw, pula at bughaw na halaw sa mga komposisyon ng simbolong balanghay ng Cinemalaya.

Nasabi rin ni Ching na ang dami-daming ekstra sa gala ng “Ekstra” noong Linggo.

“Sobra ng showbizzzzzzzzzzzzzzzzzz” ang paglalarawan ni Danseco sa kaganapan dahil nga ang halos lahat ng mga mamamayan ng daigdig ng pelikula, telebisyon, tanghalan, multimedia at musika ay presente sa gala premiere ng pelikula ni Santos.

Pero Ching, showbiz naman tayong lahat at walang masama ro’n sa aking pakahulugan ng salitang ito.

Dahil ang showbiz ay buhay at ang buhay ay showbiz.