Kabataan

Militanteng kabataan, nagrali sa gate ng Malakanyang vs dagdag-bayarin


  Sumugod sa pamamagitan ng raling-iglap ang mga miyembro ng Anakbayan-National Capital Region (NCR) at #StrikeTheHike Network ang Gate 7 ng Malakanyang para direktang isisi sa pamahalaang Aquino ang anila’y walang tigil na taas-bayarin ng batayang mga bilihin at serbisyo sa bansa. Itinaon ng mga nasabing grupo ang protestang ito isang araw bago magkaroon muli […]

Kinalampag ng kabataan ang gate seven ng Malakanyang nang sigurin nila ito sa isang lightning rally. Pher Pasion

 

Nahiga sa harapan ng gate seven ng Malakanyang ang mga kabataan bilang simbolo ng kanilang protesta laban sa pamahalaang Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>
Nahiga sa harapan ng gate seven ng Malakanyang ang mga kabataan bilang simbolo ng kanilang protesta laban sa pamahalaang Aquino. Pher Pasion

Sumugod sa pamamagitan ng raling-iglap ang mga miyembro ng Anakbayan-National Capital Region (NCR) at #StrikeTheHike Network ang Gate 7 ng Malakanyang para direktang isisi sa pamahalaang Aquino ang anila’y walang tigil na taas-bayarin ng batayang mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Itinaon ng mga nasabing grupo ang protestang ito isang araw bago magkaroon muli ng oral argument ang Korte Suprema kaugnay ng P4.15 kada kilowatt hour na dagdag-singil ng Manila Electric Company (Meralco).

Wala umanong ginagawa ang administrasyon ni Noynoy Aquino para pigilan ang pagtataas ng iba’t ibang produkto at utilidad tulad ng kuryente, tubig, langis, LPG, LRT/MRT, Philhealth, SSS, pagkain, at matrikula sa tatlong taong pamumuno nito.

Kinalampag ng kabataan ang gate seven ng Malakanyang nang sigurin nila ito sa isang lightning rally. <strong>Pher Pasion</strong>
Kinalampag ng kabataan ang gate seven ng Malakanyang nang sugurin nila ito sa isang lightning rally. Pher Pasion

“Malinaw na hindi sinsero si Pangulong Aquino at walang kakayahang makinig sa hinaing ng mga mamamayan para ibaba ang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo,” ayon kay Dianne Marie Solmayor, pangkalahatang kalihim ng Anakbayan-NCR at tagapagsalita ng #StrikeTheHike Network.

Ayon sa nasabing mga grupo, mas maraming mga protesta ang haharapin ni Pangulong Aquino dahil mananawagan sila hindi na lamang ng pagbababa ng halaga ng bilihin, kundi pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.

“Habang walang ginagawa si BS Aquino para maibsan ang pasanin ng mga mamamayan, magiging mas mainam kung umalis na lamang siya sa puwesto sa pinakamadaling panahon,” ayon kay Solmayor.

Nakatakdang magsagawa ng pagkilos ang mga nasabing grupo sa oral arguments sa Korte Suprema sa Pebrero 11 at 18. Kaugnay nito, isang malawakang protesta din ang kanilang isasagawa sa Pebrero 17 na tinagurian nilang “Kalampagin ang Malakanyang.”