Maralitang Lungsod

Maralita sa Commonwealth Ave., pinapalayas


Naglunsad ng noise barrage sa Commonwealth Avenue ang ilang grupo ng maralita mula sa Brgy. Holy Spirit kahapon laban sa planong bidding para sa Controlled Economic Zone (CEZ) sa Quezon City na umano’y magpapalayas sa libu-libong maralitang pamilya. Noong Mayo 6, nasunog ang isang bahagi ng Brgy. Holy Spirit na bahagi ng CEZ, isang proyekto […]

Sunog sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, sinadya umano para puwersahang palayasin ang mga maralita na apektado ng Controlled Economic Zone. Kontribusyon
Sunog sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, sinadya umano para puwersahang palayasin ang mga maralita na apektado ng Controlled Economic Zone. Kontribusyon

Naglunsad ng noise barrage sa Commonwealth Avenue ang ilang grupo ng maralita mula sa Brgy. Holy Spirit kahapon laban sa planong bidding para sa Controlled Economic Zone (CEZ) sa Quezon City na umano’y magpapalayas sa libu-libong maralitang pamilya.

Noong Mayo 6, nasunog ang isang bahagi ng Brgy. Holy Spirit na bahagi ng CEZ, isang proyekto ng gobyerno para “paunlarin” ang 23-ektaryang lupa sa southbound na bahagi ng Commonwealth Avenue. Arson, bilang porma ng demolisyon, ang tinitingnan ng mga residente na dahilan ng sunog, na tumupok sa tirahan ng mahigit-kumulang 100 pamilya.

Pinagbabawalan na ang mga nasunugang pamilya na magtayo ng mga bagong istruktura sa lugar, sang-ayon sa bagong ordinansang ipinasa ng lokal na gobyerno ng QC (Sangguniang Panlungsod o SP-2247).

Tinatayang mawawalan ng tirahan at kabuhayan ang 10,000 pamilyang maralitang nakatira sa gilid ng Commonwealth Avenue dahil sa pagtatayo ng CEZ.

Ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ngayong Mayo planong isagawa ng gobyernong Aquino ang bidding para sa CEZ area na tinatayang nagkakahalagang P1.5 hanggang 1.7 bilyon.

“Malinaw na hindi kaunlaran ang idudulot ng proyektong ito, bagkus ang pagkawasak ng kabuhayan at tirahan ng libong maralitang pamilya,” ani Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay.

Taong 2003 nang pirmahan ni dating pangulong Gloria Arroyo ang National Government Center at Land Utilization Act (RA 9207) na sumasaklaw sa 238 ektaryang lupain sa Brgy. Payatas at Brgy. Batasan Hills, at 184 ektarya ng Brgy. Holy Spirit at Commonwealth Avenue para diumano sa pagtatayo ng iba’t ibang programang pangkaunlaran, kabilang na ang CEZ.

Kahapon, sa ika-11 anibersaryo ng pagpirma sa RA 9207, sinunog ng mga maralita ang isang pinalaking kopya ng RA 9207.

Nanawagan ang Kadamay sa mga kapwa-maralita na labanan ang tahasang pagbebenta ng lupang kanilang kinatitirikan, na umano’y ibibigay lamang ng gobyerno sa mga pribado at dayuhang kompanya.

Ayon sa Kadamay, sa kabila ng ipinangangalandakan na “paglago” ng ekonomiya ng bansa, higit sa 60,000 maralitang pamilya ang nawalan ng tirahan at kabuhayan, at nalugmok sa ibayong kahirapan sa malalayong relokasyon, sa pagpapatupad ni Aquino ng mga Public-Private Partnership.

Noong 2012, nasa 6.8% ang paglago ng ekonomiya, samantalang nasa 7.2% naman noong 2013.