Panlilinlang at kapabayaan sa nasalanta ng Yolanda
Dalawang linggo nang umuulan sa Samar. Kung sumilip man ang araw ay ilang oras lang. Maputik ang daan at lubog ang mga palayan. Buwan ng Abril, buwan ng pagtatanim. Nasimulan na sana ang paglilinis ng mga palayan, pero hindi masimulan ang pagtatanim dahil walang tigil ang ulan. Mababa ang lugar ng Basey, Samar, kaya’t nang […]
Dalawang linggo nang umuulan sa Samar. Kung sumilip man ang araw ay ilang oras lang. Maputik ang daan at lubog ang mga palayan. Buwan ng Abril, buwan ng pagtatanim. Nasimulan na sana ang paglilinis ng mga palayan, pero hindi masimulan ang pagtatanim dahil walang tigil ang ulan. Mababa ang lugar ng Basey, Samar, kaya’t nang manalasa ang superbagyong Yolanda, isa ito sa matinding napinsala.
Nagtutulungan ang mag-asawang Maricel at Nelson Alambra sa pagkukumpuni ng kanilang munting tahanan na sinira ng bagyo. Nakatira sila sa Sitio Rizal, Barangay Bulao, Basey, Samar.
Limang buwan na ang nakalilipas, tumutulo pa rin ang kanilang bubong, walang dingding ang kusina, at sira ang palikuran. Katulong si Tatay Elias, ang ama ni Maricel, sa pagkakarpintero. Samantala, nakikipukpok ang pitong taong gulang na si Mark. Laro man ito sa kanya ngayon, pero pagsasanay na rin ito sa maagang paggampan ng trabaho. Dito sa kanayunan, nasa murang edad pa lamang ay maagang nasasanay ang mga bata sa gawaing manwal.
Tulad ng libu-libong pamilya sa Eastern Visayas na hinagupit ng bagyong Yolanda, malubha ang naging epekto ng bagyo sa kanilang buhay. Umapaw ang tubig at binaha ang kanilang bahay. Nasira ang kanilang, gamit kusina at iba pang gamit sa bahay. Wasak ang kanilang kabuhayan. Nabasa ang nakaimbak na palay at apat na sako rito ang hindi na napakinabangan. Ang inaasahan nilang produkto mula sa saging ay aabutin pa ng isa hanggang tatlong taon bago mapakinabangan.
Gutom ang sinasapit ng pamilya nina Maricel ngayon. Bago ang bagyo, tatlong beses isang araw pa silang nakakakain ng kanin. Ngayon ay isa hanggang dalawang beses na lamang. Ang root crops naman na panghalili sana sa kanin ay nasira rin. Katumbas sana sa dalawang buwang konsumo ang apat na sakong palay na nasira ng bagyo. Inuutang na lang nila sa tindahan ang sabon, petrolyo at mga batayang pangangailangan sa araw-araw. Ang mas malupit pa, nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin.
Naalala ni Maricel na limang araw pagkatapos ng bagyo, kinailangan lumuwas ng Maynila ang Nanay niya para makabili ng batayang pangangailangan tulad ng asin, posporo at sabon. Naglalaba ang mga tao nang walang sabon. Gumastos siya ng P1,400 na pamasahe sa bus pa-Maynila. Ang dating P80 pamasahe sa motor ay umabot sa P250 dahil kulang ang suplay ng gasolina.
Marami sa kapitbahay nila ang nakipagsapalaran muna sa Maynila para makapagtrabaho. Ilang buwan lang ay bumabalik agad. Ang pautang na P2,000, P170 ang ipinapataw na interes kada linggo.
Kung malubha ang pananalasa ng bagyong Yolanda, mas malala ang dulot ng pagpapabaya ng gobyernong Aquino sa kapakanan ng kanyang mamamayan. Gutom, uhaw, kadiliman ang hatid ng kainutilan at kapabayaang ito.
Ang green card ng DSWD
Ayon kay Maricel, Disyembre na nang nagsimula ang relief. Naglabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Disaster Assistance Family Access Card (DAFAC) o mas kilala sa tawag na “green card” na monitor ng “natatanggap” na relief ng kada pamilya.
Nakatala rito ang kantidad at klase ng produktong ipinamamahagi sa bawat pamilya. Isa ang pamilya nina Maricel sa 150 pamilya na residente ng barangay. Kahit hindi galing sa DSWD ay nakatala roon. Halimbawa, ang green card nina Maricel ay naglalaman ng mga relief galing sa ICRC, Bayan Muna, LCDE, CARE, isang congressman, Red Cross, Kuwait. Malala pa, karamihan sa mga nakalista roon ay hindi naman nila natanggap tulad ng mga fruit cocktails, spaghetti pasta at sauce na para sana sa Pasko. Naulinigan nila sa AFP na iyon lamang daw lubos na wasak ang bahay ang makakatanggap nito. Kinonsiderang parsyal lamang ang pinsalang natamo ng bahay nina Maricel.
“Natanggap na lang namin ‘yang green card na ‘yan, marami ng nakasulat. Pinapirma na lang kami, kahit hindi naman namin natanggap ang iba,” sabi ni Maricel. “Kaming nasa interyor na mga baryo ang nagtitiis sa gutom. Wala kaming inaasahang pagkukunan ng pagkain ngayong bagsak pa ang mga sagingan. Hindi tulad ng nasa gilid haywey na pwedeng maglabandera, o mangisda,” dagdag pa niya.
Bilang ina, mahirap para kay Maricel ang kalagayan nila. Tatlo ang kanyang mga anak – si Marinel, edad 12; Nelmar, 10; at Mark, 7. May tindahan sila dati, pero nawasak ito ng bagyo. Mayroon silang thresher, na siyang pinapaupa nila. Isang sako ang sa kanila sa kada 10 sakong ani. Ang katumbas nitong halaga ay P550 kada sako ng palay. Mababa ang presyo ng palay ngayon pagkatapos ng bagyo. Umaabot na lamang ito sa P12 kada kilo, samantalang P15 ito sa Tacloban bago ang bagyo. Para makarating sa Tacloban, kailangang gumagastos sa transportasyon ng P50 kada sako. Sa panahong ito, napipilitan silang ibenta ang palay sa murang halaga dahil wala naman silang ibang pagkukunan ng cash pambili man lang ng sabon.
Ang mas malaking problema ay ang pagpapaaral sa mga anak niya. Tutuntong na ng hayskul ang panganay niya. Hindi niya alam kung saan niya kukunin ang P600 kada buwan na serbis. Hindi naman pwedeng maglakad dahil malayo ang eskwelahan. Bibili pa ng uniform, sapatos at mga gamit sa eskwela. Hindi na kataka-taka kung karaniwang hanggang elementarya lamang ang natatapos ng mga bata sa kanilang lugar.
“Kung sa mas malapit sa eskwelahan mag-aaral, ganun din, may bayad sa serbis. Mas magastos pa dahil maraming projects,” pag-aalala ni Maricel.
Lahat ng presyo ng mga bilihin ay tumaas. Nanatiling nasa P5 ang asin, pero mas konti. Ang sabong panlaba, mula P6 ay naging P8, ang panligo, mula P18, naging P20. Umabot pa nga ito ng P23 noong kasagsagan ng kasalatan ng suplay. Umabot pa sa P50 hanggang P60 ang isang lapad ng petrolyo, samantalang P30 lamang ito bago ang bagyo. Nitong Pebrero na lamang bumalik ito sa dating presyo.
Naibalik lamang ang kuryente nitong Marso 4. Dati ay P80-P100 kada buwan ang binabayan nila. Nag-aalala siyang malaki ang itataas ng singil sa kuryente sa susunod na buwan.
Para kay Maricel, walang pinakatamang gawin kundi igiit ang kanyang mga karapatan. Upang madinig ang kanyang boses, isa siya sa 12,000 nasalanta ng Yolanda na dumagsa sa lansangan ng Tacloban noong Pebrero 25. Alas-10 ng gabi ng Pebrero 24 ay dumating na sila roon. Muli siyang nagrali noong Marso 8.
Ang programang cash for work ng DSWD
Nagpatupad ng programang cash for work ang barangay noong Disyembre 2013 na sumaklaw sa 10 araw. Nagrelyebo ang mga residente sa 10 araw na ito. Nakapagtrabaho lamang nang isang araw si Nelson, ang asawa ni Maricel. Si Maricel ang pumirma sa payroll na nasa munisipal na opisina ng DSWD. P2,600 ang halaga ng kanang pinirmahan, ngunit pang-isang araw lang ang kanyang natanggap. Ang sukli ay ibinigay niya sa kapitan ng barangay. Batbat ng anomalya ang payroll dahil marami ang nakalista sa payroll na hindi naman nagtrabaho.
Ang tatay niyang si Elias Sabañao, 60, na taga-sitio Gipongdoan, Barangay Cogon, Basey, Samar, ay isa sa biktima ng programang cash for work na ito. Nag-construct sila ng paaralan sa Gipongdoan mula Disyembre hanggang Enero. Umabot sa 85 katao ang nagtrabaho rito pero 60 lamang ang nakalista sa payroll. Katapusan na ng Abril ay hindi pa sila binabayaran. Sila pa ang pinapapunta sa Cogon para i-follow up ang sweldo. Pamasahe pa lamang ay nasa P50 na ang balikan.
“Utang na lakas paggawa,” ang tawag ni Tatay Elias sa sweldong hanggang ngayon ay hindi pa ibinibigay sa kanila. “Limang araw akong nagtrabaho, pero isang araw lang ang nakapayroll sa akin, ibig sabihin, P260 lang ang matatanggap ko,” lahad ni Tatay Elias. Lahat daw sana ay may pagkakataong makapagtrabaho, pero limitado lamang ito sa isang araw. “Ang kapitbahay nga namin ay sila mismong mag-asawa ang nagtrabaho, pero isa lang ang suswelduhan sa kanila,” dagdag ni Tatay Elias. Ang kapitan ng barangay ay nagpapatupad ng programang cash for work.
Bukod sa hindi sinuswelduhan ang mga nagtrabaho sa programang cash for work, inaasahan yata ng gobyernong Aquino na mabubuhay ang isang pamilya sa halagang P260 mula Disyembre hanggang ngayong Abril. “Walang niyog, walang pera, sadyang mahirap ang buhay,” deklarasyon ni Tatay Elias. Nagkaroon man ng cash for work ay isang beses lang naman itong nangyari, hindi pa binayaran.
May mga pangyayaring sa halip na pera ang ibayad, relief goods ang ibinabayad sa cash for work. Bakit kailangang pagtrabahuan ang donasyong para naman talaga sa mga nasalanta ng bagyo?
“Wala na ngang bahay at kabuhayan, pinapalayas pa ang iba sa amin ng polisiyang no-build zone. Inililipat kami sa landslide area – pinapatay lang ang mga biktima,” pagdidiin ni Tatay Elias.
Bago humagupit ang bagyong Yolanda, kumikita si Tatay Elias ng P300 hanggang P400 kada araw sa pag-aani ng niyog na may 500 hanggang 2,000 piraso. “Pagka-Yolanda, wala na ito. Ang kain namin ay isang beses na lang kada araw. Mabuting tumaas kahit paano ang suhol sa pag-aani ng palay at paggamas, mula P25 dati, ngayon ay P30 na kada oras. Ang bayad naman sa banika (upland farm) ay P200 ngayon mula sa dating P150 kada araw.
Sa banika, kamote ang karaniwang itinatanim ni Tatay Elias, at palay naman sa palayan. Sa Tacloban niya binebenta ang mga produkto. Para madala rito, gumagastos siya ng P300 kada jeep. Ngayon ay wala nang mabagsakan ng kanyang produkto dahil walang bumibili. Kinokonsumo na lamang nilang pamilya ang sobrang ani, kaya’t mahirap talagang kumita ng pera. Matagal pa bago makabangon ang sagingan at mga niyugan. Ang niyugan ay aabutin pa ng sampung taon bago muling mapakinabangan.
Sina Maricel at Tatay Elias ay ilan lamang sa libu-libong mamamayang dumaranas ng gutom at kahirapan, hindi dahil sa bagyong Yolanda, kundi dahil sa kapabayaan ng gobyernong Aquino. Hindi na nga maramdaman ang donasyon at iba pang porma ng tulong na galing sa iba’t ibang bansa, ang ipinagyayabang pang solusyon ng gobyernong Aquino tulad ng panaka-nakang relief at programang cash for work ay mababaw, batbat ng panlilinlang at hindi nakabubuhay. Sa kanilang pagbangon, walang ibang maaasahan ang mamamayan kundi ang tumindig sa sariling lakas at sa sama-samang pagkilos.