Pagmumuni-muni Hinggil sa Pagdurusang Ipinataw kina Andrea Rosal at mga Kasama sa Camp Bagong Diwa


Sapagkat walang tigil ang pagpaparusa’t pahinto-hinto ang pagpapahintulot Sapagkat malambot ang laman ng sanggol kaya tumigas ang inyong loob Sapagkat walang maasahan sa rehimeng Aquino kaya umasa sa madlang nakikibaka Sapagkat malupit ang militar-pulis subalit maamo’t mahinhin ang mga kapanlig Sapagkat  marahas ang hukom at burokrasya kaya mahinhin ang nakikiramay Sapagkat mapait ang hatol ng […]

Sapagkat walang tigil ang pagpaparusa’t pahinto-hinto ang pagpapahintulot
Sapagkat malambot ang laman ng sanggol kaya tumigas ang inyong loob
Sapagkat walang maasahan sa rehimeng Aquino kaya umasa sa madlang nakikibaka
Sapagkat malupit ang militar-pulis subalit maamo’t mahinhin ang mga kapanlig
Sapagkat  marahas ang hukom at burokrasya kaya mahinhin ang nakikiramay
Sapagkat mapait ang hatol ng upisyal kaya matamis ang tutol ng pulang mandirigma
Sapagkat malabo ang kahihinatnan ng kaso’t malinaw ang katarungang dapat manaig
Sapatkat mamad ang sentido ng gobyerno’t sensitibo ang mga inang naghinanakit
Sapagkat mababaw ang balita sa midya at malalim ang pagtarok ng mamamayan
Sapagkat makitid ang paningin ng simbahan at malawak ang dunong ng pesante
Sapagkat walang awa ang imperyalista’t mapagmalasakit ang Bagong Hukbong Bayan
Sapagkat bulag at bingi ang awtoridad sa harap ng mulat at mabalasik na trabahador
Sapagkat may wakas din ang pagtitiis at laging nag-uumpisa ang himagsik
Sapagkat marupok ang poder ng politiko’t matibay ang lakas ng sambayanan
Sapagkat may takda ang salita at walang hanggahan ang kilos at gawa ng masa
Sapagkat tuyo na ang luha ninyo kaya’t panahon nang paagusin ang galit at poot
Sapagkat–tigil na’t kung sakaling may babasa nito, aksaya lang–kumilos at lumaban!