Kabataan

Badyet para sa SUCs, kulang na kulang pa rin


Nanawagan ng mas mataas na badyet para sa 113 state universities and colleges (SUCs) sa bansa si Kabataan Rep. Terry Ridon, sa deliberasyon sa Kamara ng pambansang badyet para sa 2015. Sa datos ng Department of Budegt and Management (DBM), nasa P43.3 Bilyon lamang ang nakatakdang ilaan ng gobyernong Aquino sa SUCs para sa 2015, malayo […]

Nasa P3 bilyong piso ang pondong kakailanganin ng Polytechnic University of the Philippines.Pher Pasion
Kabataan Rep. Terry Ridon PW file photo/Pher Pasion
Kabataan Rep. Terry Ridon. PW File Photo/Pher Pasion

Nanawagan ng mas mataas na badyet para sa 113 state universities and colleges (SUCs) sa bansa si Kabataan Rep. Terry Ridon, sa deliberasyon sa Kamara ng pambansang badyet para sa 2015.

Sa datos ng Department of Budegt and Management (DBM), nasa P43.3 Bilyon lamang ang nakatakdang ilaan ng gobyernong Aquino sa SUCs para sa 2015, malayo sa P122.7-B na pangangailangan ng mga ito.

“Sa nakalipas na mga taon, ang mga mag-aaral at guro ay nananawagan ng mas mataas na pondo para sa SUCs. Maaaring itinaas ng gobyerno ang badyet sa nakalipas na mga taon, pero ang pagtaas na ito ay nominal lamang. Sa nakikita natin, nasa one-third (1/3) lamang ng pangangailangan sa pondo ng SUCs ang inaprubahan ng DBM. Sa bawat tatlong piso pong kailangan ng ating mga pamantasan, piso lamang ang nailalaan ng gobyerno,” ayon kay Ridon.

Sa deliberasyon sa plenaryo sa Kamara para sa badyet ng SUCs, tinanong ni Ridon ang sponsor ng badyet na si Rep. Mariano Piamonte kung bakit P43.3-B lamang ang inaprubahan ng DBM para sa 2015. Pero hindi ito maipaliwanag ni Piamonte.

We don’t know Mr. Speaker,” ayon kay Piamonte.

Kabilang sa mga naging tanong ni Ridon ay kung bakit maraming paaralan, kabilang ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang nakakakuha ng halos kalahati lamang ng kinakailangang badyet o funding requirement.

Nagpasa ang UP ng P25-B budget proposal pero P12.6-B lamang ang inaprubahan ng DBM. Nasa P2.15-B naman ang kakailanganin ng PUP pero P1-B lamang ang inaprubahan ng nasabing ahensiya.

Pinakamababa naman ang matatanggap ng Philippine Normal University na P569 Milyon, o 18.6 porsiyento lamang ng P3-B isinumiteng pondo ng nasabing pamantasan para sa 2015.

“Sa patuloy na pagtanggi  ng gobyerno na maglaan ng sapat na pondo para sa operasyon ng SUCs, nagresulta ito sa patuloy na komersyalisasyon ng edukasyon at taunang pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin na kinokolekta sa mga mag-aaral,” ayon kay Ridon.

Sa nasabing budget hearing, napag-alaman na 40 porsiyento ng kabuuang kinakailangang pondo para sa SUCs ay nanggagaling mula sa matrikula at iba pang bayarin na sinisingil mula sa mga mag-aaral.

Nasa P3 bilyong piso ang pondong kakailanganin ng Polytechnic University of the Philippines.<strong>Pher Pasion</strong>
Nasa P3 Bilyon ang pondong kakailanganin ng Polytechnic University of the Philippines. Pher Pasion

“Dahil sa patuloy na pagpapabaya ng gobyerno, kinakailangan ng mga mag-aaral na punan ang kakulangang iniiwan ng gobyerno. Estudyante na po ang nagpupuno sa kakulangan ng pamahalaan,” ayon kay Ridon.

Dagdag din Ridon, nakakagalit na mayroong bilyung-bilyong pondo para sa mga kuwestiyonableng items sa 2015 badyet at lump-sum allocations, samantalang nasa one-third lamang ang ilalaan ng administrasyong Aquino para sa SUCs.

“May pondo para sa korapsyon, may pondo para sa pork barrel at overpriced pet projects para sa mga politiko ng administrasyon, pero sa ngayong taon at kahit sa mga nakalipas, patuloy na kulang-kulang ang natatanggap ng ating mga publikong pamantasan,” aniya.

 

State School Original Proposed Budget (2015) DBM-approved Budget (as stated in 2015 NEP) Difference Percent approved
Eulogio ‘Amang’ Rodriguez Institute of Science and Technology 238,131,000 211,811,000 26,320,000 88.9
Philippine Normal University 3,057,267,000 569,092,000 2,488,175,000 18.6
Polytechnic University of the Philippines 2,152,091,000 1,048,801,000 1,103,290,000 48.7
Rizal Technological University 455,131,000 265,077,000 190,054,000 58.2
Technological University of the Philippines 882,166,000 475,367,000 406,799,000 53.9
University of the Philippines System 25,005,289,000 12,612,093,000 12,393,196,000 50.4

Source: Department of Budget and Management