Scope Out

Adelberto Silva: Tunay na makabayang Lycean


Maagang tagapagtangkilik ng nasyunalismo at ni Sen. Claro M. Recto, naging kapita-pitaganang makabayang aktibista at kahanga-hangang Lycean ang bilanggong pulitikal na si Adelberto Silva.

Kahit pilitin ng mga guwardiyang pulis na ibaba niya ito, itinaas ni Adelberto Silva ang kanyang kamao, matapos ang pagdinig sa gawa-gawa mga kaso laban sa kanila sa Bacoor, Cavite noong Agosto 13. <b>KR Guda</b>
Kahit pilitin ng mga guwardiyang pulis na ibaba niya ito, itinaas ni Adelberto Silva ang kanyang kamao, matapos ang pagdinig sa gawa-gawa mga kaso laban sa kanila sa Bacoor, Cavite noong Agosto 13. KR Guda

Sa kabila ng mga rehas na nakapagitan sa amin, masayang nagkuwento si Adelberto Silva ng kanyang kabataan noong nag-aaral pa siya ng peryodismo sa Lyceum of the Philippines (ngayo’y Lyceum of the Philippines University o LPU) hanggang sa naging aktibong kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) noong dekada ’60.

Kahit ‘di na niya matandaan ang ilang mga detalye at petsa, pinilit niyang alalahanin ang mga unang taon niya sa pambansa-demokratikong kilusan bilang isang kabataang aktibista. Inalala rin niya kung paanong sa maagang bahagi ng kanyang buha’y namulat, nahubog at nabago siya para paglingkuran ang mga manggagawa at mamamayang Pilipino.

“Nagsimula iyon noon sa paghanga ko kay Claro M. Recto. Madali lang sa tatay kong ipaliwanag ang ginagawa ko dahil maipluwensiyang tao si Recto,” sabi ni Ka Adel. Dagdag niya na idolo ng tatay niya si Recto.

Noong panahong iyon, si Recto, isang makabayan at anti-imperyalistang senador at estadista, ay mariing tumutol sa mga ‘di pantay na tratado sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos, partikular ang kasunduan sa parity rights na nagpapahintulot sa paggamit ng mga negosyo ng Amerika sa mga likas-yaman ng Pilipinas, pagdepende ng piso sa dolyar at pagpapanatili ng mga base militar ng Amerika.

Nang mapaso ang noong 1954 ang Batas Bell sa Kalakalan ng 1946, pinalitan ito ng mas malala na Kasunduang Laurel-Langley noong 1955 na may bisa hanggang 1974. Pinalawig ng kasunduan ang Batas Bell na nagbigay ng full parity rights sa Amerika upang monopolyohin ang mga negosyo at dambungin ang yaman ng Pilipinas. Si Jose P. Laurel, matalik na kaibigan ni Recto at tagapagtatag ng LPU, ang siyang nakipagnegosasyon sa gobyerno ng Amerika at pumirma sa kasunduan bilang kinatawan ni Pang. Ramon Magsaysay.

Sa unang kongreso ng KM sa Maynila noong Nobyembre 30, 1964, tulad ng kapwa Lycean na si Satur Ocampo at Charlie del Rosario, isa si Ka Adel sa mga nagtatag at unang kasapi ng KM kasama ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad at kabataang manggagawa mula sa mga pagawaan sa palibot ng Kamaynilaan.

Naging malaking bahagi ang KM sa pagbubuo at pagpapatatag ng makabayang paninindigan ni Ka Adel. Kalauna’y naging opisyal siya sa Komiteng Pangkultura ng KM dahil sa kanyang pagkahilig sa teatro at bilang kabataang mamamahayag ay kasama sa paglilimbag ng buwanang pahayagan ng KM.

‘Di na nagpatuloy si Ka Adel sa pag-aaral, nagtrabaho siya bilang isang tour guide at naging aktibo sa kilusang paggawa kasama ang kinikilalang makata, manunulat at lider-manggagawang si Amado V. Hernandez.

Sa tulong ni Ka Amado, nakapasok siya sa Philippine Educational Theater Association (PETA) at nakapagtanghal kasama ng batikang aktor na si Tony Abuel. Naalala niya ang isa sa kanilang dula noong 1969 na “Magkabilang Mukha ng Isang Bagol” sa National Press Club sa harap ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos. Walang reaksiyon ang mag-asawa kahit na patama sa kanila ang satirikal na pagtatanghal.

Noong 1971, nagpunta sina Ka Adel at iba pang aktibista sa pagbisita sa bansang Tsina na nasa ilalim ng pamumuno ng Chinese Communist Party (CCP) para makita ang kalagayan at pagbubuo ng Tsina sa kanilang bayan matapos magtagumpay ng rebolusyon. Tagapangulo na ng Pambansang Kilusan ng Manggagawang Pilipino (PAKMAP) si Ka Adel noon at humanga siya sa mabilis na pag-unlad ng Tsina sa ilalim ng pamumuno ng tagapangulo ng CCP na si Mao Zedong.

Bukod sa mabilis na pagbangon mula sa digmaan, humanga rin si Ka Adel sa mga Tsino dahil sa kanilang katapatan. “Nawalan ako ng wallet noon sa isang bangketa sa Shanghai na may lamang $50. Naibalik sa akin ang wallet ko na walang bawas ang pera noong nasa Beijing na kami. Sinundan talaga ako hanggang maibalik sa akin,” kuwento ni Ka Adel.

Idineklara ni Marcos ang batas militar noong 1972 at pinili ni Ka Adel tulad ng marami pang aktibista ang kumilos ng palihim o underground at lumaban sa diktadura sa gitna ng matinding panganib.

Noong dekada ’80, nagbalik sa Kamaynilaan si Ka Adel mula Gitnang Luzon at Cordillera para muling mag-organisa ng mga manggagawa. Naging tagapayo siya ng tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Rolando “Ka Lando” Olalia.

Matapos ang pag-aalsa sa EDSA noong 1986, kalahok si Ka Adel sa paghahanda ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Mula dito’y tuluy-tuloy ang gawain ni Ka Adel sa peace talks lalo na sa usapin ng mga manggagawa at kabuhayan. Isa si Ka Adel sa mga consultant na bumuo sa panukalang kasunduan na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) para talakayin ang ugat ng armadong tunggalian. Hanggang sa kasalukuyan, ‘di pa rin ito naisasalang sa negotiating table dahil na rin sa makaisang panig na pagtigil ng GPH sa usapang pangkapayapaan.

Hinuli sina Ka Adel kasama ng kanyang asawa na si Sharon Cabusao at isa pa nilang kasamahang si Isidro de Lima noong Hunyo 1, 2015 sa Bacoor City, Cavite dahil sa gawa-gawang mga kaso. Nagpapatuloy siya sa pagkilos sa kabila ng pisikal na pagkakapiit sa Kampo Crame.

Isang tunay na makabayan si Ka Adel dahil sa katapangan at sigasig niya para ipagtanggol ang mga karapatan ng manggagawang Pilipino sa kabila ng pampulitikang panunupil. Sabi niya, ang patuloy na suporta at paglaban ng mga mamamayan sa para sa malaya at makataong lipunan ang nagbibigay-lakas sa kanya, at sa marami pang detinidong politikal at consultant ng NDFP. Pinatunayan niya at ng marami pa na nasa katuwiran ang panawagan ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Akma sa karanasan at buhay ni Adelberto Silva ang diwa sa mga linya sa Awit ng Lyceum: “Damdamin mo’y makabayan/Pugad ka ng kagitingan/Diwa mo’y dakila.” Isang tunay na Lycean, ipinagpapatuloy ni Ka Adel ang labang sinimulan niya sa kanyang kabataan harapin man ng pandarahas ng mga mapanupil na rehimen sa bansa.