Rebyu

Kultura | Umaagos na Sining ni Antipas Delotavo


Paano pinagdurugtong ng artistang ito ang Basi o Ambaristo Revolt noong pananakop ng mga Kastila sa kasalukuyan?

Tinaguriang “social realist” o nagpapakita ng tunay na kalagayan ng mga Pilipino ang alagad ng sining na si Antipas Delotavo. Sa kanyang exhibit na “Agos”, tinalakay ng limang obra ni Delotavo ang Basi Revolt sa Ilocandia noong 1807 na bunsod ng paghigpit sa manupaktura ng basi o sugarcane wine at ng tumitinding kaapihan ng mga kolonyalistang Espanyol. Ipinakikita sa “Agos” ang pagkakatulad at pagpapatuloy ng kasaysayan ng pang-aapi at pang-aalipin sa mga Pilipino mula noon hanggang ngayon.

“Ganito Noon” at “Ganito Ngayon”

Kultura Ganito Ngayon
“Ganito Ngayon” ni Antipas Delotavo. Larawan mula sa Facebook like page ni Delotavo.


Magkapareho ang mga elementong matatagpuan sa “Ganito Noon” at “Ganito Ngayon.” Magkakambal ang mga obra
ng ito na may parehong sentral na imahen ng taong nakatitig sa tagamasid, tila nagsasabing: “Ang panahon ko at panahon niya ay panahon mo rin.”

Makikita sa background ng “Ganito Noon” ang mga maralita sa panahon ng Kolonyalismong Kastila: aleng nagbubuhat ng banga, magbubukid, namamalakaya at katutubo. Mayroon ding gwardiya sibil at ilustrado. Sa “Ganito Ngayon” naman ay mga manggagawa, aleng nakapayong, batang basurero. Kaiba sa Noon, ang mga karakter sa Ngayon ay mas aligaga, iba’t ibang direksyon ang tinitingnan, at karamihan ay may hinahanap: trabaho, pagkain, pangangailangan, at marahil ay pag-asa sa gitna ng kabulukan ng lipunan.

 

“Agos ng Ilog Bantaoay”
Agaw-pansin ito bilang pinakamalaking canvas sa exhibit na direktang tumatalakay sa Basi o Ambaristo Revolt. Higit isandaang Ilokano ang sumusugod patungong silangan. May nagwawagayway ng bandilang pula at dilaw (ang opisyal na watawat ng naging pag-aaklas) at may mga armado ng pana at itak.

“Agos ng Ilog Bantaoay” ni Antipas Delotavo. Larawan mula sa Facebook Like Page ni Delotavo.

May buntis na nakatakip ang mukha at kipkip ang lumolobong tiyan – tila simbolo ng pagsilang ng isang bagong lipunan. Ang lalaki sa gitna ng canvas ay nakatingin sa direksyon ng tagamasid – tila nag-uudyok at nagtatanong: bakit patuloy ka pa ring nanonood lang hanggang ngayon?

Sa kalangitan ay mayroong pira-pirasong simbolo ng Hari ng Espanya: tanso, gintong barya, galleon, at rebulto. Umaagos ang ilog ng pag-aaklas laban sa mananakop. Daan-daan ang kaparehong pag-aaklas na naganap at nasupil bago nagtagumpay ang rebolusyon ng Katipunan nila Andres Bonifacio.

“Paraiso” at “Via Crucis”

"Paraiso" ni Antipas Delotavo
“Paraiso” ni Antipas Delotavo. Larawan mula sa Facebook like page ni Delotavo.

Ang tanging imahen sa “Paraiso” ay isang paruparo sa puting background – madalas na pamahiin para sa kamatayan. Nakaluklok ang canvas sa isang kwarto at napapaligiran ito ng mga imahen ng batang patpatin na sinusundan ng armas, tangke, barkong pandigma at rebelde. Tungkol ito sa karahasan ng militarisasyon.

Kamatayan – o pagpaslang sa mamamayan – ang tema ng huling obrang “Via Crucis”. Nakapaligid sa silid ang 14 na nakatalukbong na bangkay, lahat ay natatakpan ng checkered na kumot. Namarkahang ng Roman Numerals na I hanggang XIV ang katapat nilang pader. Ang pamagat na “Via Crucis” at paglalagay ng mga numero ay alusyon sa Simbahang Katolika, ang Stations of the Cross, at ang hindi na mabilang na Pilipinong naging biktima ng panunupil ng mga kolonyalista.

Ang kombinasyon ng “Paraiso” at “Via Crucis” ay magtatanong sa tagamasid: Paano ka makakapagpinta ng paraiso kung nangangamatay ang mga tao sa iyong paligid? Kahit ang Basi Revolt man ang direktang pinapatungkulan nito, maidurugtong rin ito sa mga trahedya ng gobyerno tulad ng Bagyong Yolanda.

Ang kagustuhang kumawala ng paksa sa canvas ng lipunan ang sentral na ideya ni Delotavo sa paglikha ng “Agos”. Paano uusad ang nakaraan? Paano hahanapin ang pagka-Pilipino at pag-iisang bansa? Paano makakamit ang hustisiya? Lahat ng ito’y ipinahiwatig ng mga obra sa paghahalintulad sa mga bayani ng Basi Revolt at sa sinapit ng kanilang pag-aambag – sa bandang huli’y buhay at kamatayan ang gagamiting timbangan.

“Via Crucis” ni Antipas Delotavo. Kuha ni Rogene Gonzales.