FEATURED Showbiz/Reality

Para makarating sa Amerika


Kinasangkapan ng teleseryeng The Story of Us ang reyalidad ng mga Pilipino sa Amerika para sa isang love story na tatabo sa ads.

showbiz-reality-iconKatatapos pa lang–dalawang linggo na ang nakararaan–ng teleseryeng The Story of Us sa ABS-CBN-2. Malamang, mayroong nanood sa inyo, katulad ng panonood ko. Nitong huling dalawang buwan, dahil sa ilang personal na sirkumstansiya na hindi ko na ikukuwento rito, nakatutok ako sa telebisyon sa panahong ipinapalabas ang mga primetime na teleserye ng Dos.

Hindi mahirap makakuha ng atensiyon ang The Story of Us. Bukod sa sikat (at may angking husay din naman sa pag-arte) na mga artistang sina Xian Lim at Kim Chiu (dalawang pangalan na sa ibang henerasyon ay baka mapagkamalang artista sa Hong Kong o China), madaling nabitag sa kuwento ng pagmamahalan.

Sina Macoy (Lim) at Tin (Chiu) ay childhood sweethearts sa dalampasigan ng isang komunidad ng mga mangingisda sa Palawan, nagpursiging makapag-aral sa Maynila para sa gumanda ang buhay. Kalauna’y natulak si Tin na mangibang bayan sa Amerika dahil sa pagkakasakit ng kanyang kapatid na special child. Doon niya nakilala ang tunay na ina na si Myra (Zsa Zsa Padilla) at suwail na kapatid na si Caitlyn (Kira Balinger).

Samantala, nagkalabuan sila ni Macoy. Sa kagustuhan niyang muling mapaibig si Tin, sinundan ni Macoy ang dating kasintahan sa Amerika. Doon sila nasangkot sa kung anu-anong kumplikadong sitwasyon – naging sikat na hairdresser si Tin, nakapangasawa ng isang mayamang Fil-Am (Bryan Santos) na may matapobreng ina (Princess Punzalan). Naging TNT sa Amerika si Macoy, pero dahil sa pagpupursigi’y nakakuha ng magandang trabaho sa isang restawran at isang elderly care center bilang caregiver. Dahil sa pagkakasangkot ni Macoy sa isang aksidente kaya siya nadiskubre ng mga awtoridad sa US at tinugis bilang illegal alien. Siyempre, dumulo ang kuwento sa pagbabalik nila sa Pilipinas, sa Palawan kung saan nanumbalik ang kanilang pagmamahalan.

The-Story-of-Us-01

Pangkaraniwan na sa atin ang kuwento ng pangingibang bayan. Sa US, ayon sa 2010 census, mahigit apat na milyon ang Pilipinong immigrant. At ito lamang ang mga nag-fillup sa census. Tinatayang mahigit isang milyon ang Pilipinong undocumented immigrants—o mga Pilipinong “ilegal” ang presensiya sa Amerika.

Bakit ba natutulak mangibang-bayan ang mga Pilipino? Alam na rin natin ang dahilan. Walang sapat na trabaho sa sarili nating bayan, kaya iyung kayang mag-abroad (at kayang magsakripisyo na iwan ang pamilya) ay nag-a-abroad. Kayang mag-abroad ni Tin dahil nasa Amerika naman ang tunay niyang ina. Katulad naman ng maraming mahal-sa-buhay na pinepetisyon o sumusunod sa mga asawa o kaanak nilang nasa abroad na si Macoy. Kahit na pakay niya sa pag-Amerika ang muling mahalin ni Tin, di nagtagal ay napagtanto rin ni Macoy na hindi madali ang buhay sa ibang bansa. Napagtanto niyang sa kabila ng diskriminasyon at mababang estado-sa-lipunan, tinitiis ng mga Pilipino ang pinakamahihirap na mga kalagayan para lang mapagpadala ng remitans.

Pag-ibig ang nagtutulak sa mga migrante na mangibang-bayan, at hindi kaiba rito sina Tin at Macoy. Yun nga lang, malaking balakid sa ganap na eksposisyon ng sitwasyon ng mga OFW ang prayoridad ng mga manunulat ng teleseryeng ito na magpokus sa love story ng dalawa. Kahit pa gumamit ito ng device na pagsingit ng testimonya ng mga tunay na OFW na nagkukuwento sa paghihirap nila sa abroad. Lalong naging problematiko ang istorya nang makauwi si Macoy sa Pilipinas at nakakuha ng trabaho sa real estate at dito’y agad siyang naging matagumpay. Sa totoong buhay, hindi makauwi ang maraming OFW, hindi dahil hindi na nila gustong umuwi, kundi dahil wala pa rin silang makuhang trabahong may nakabubuhay na sahod pag-uwi.

Sa huli, tila naghanap lang ng reyalidad na pamilyar sa atin ang mga gumawa ng The Story of Us para magkaroon ng dahilan na pumunta ng Amerika at i-shoot ang isang love story na behikulo ng dalawang sikat na artista ng network.