FEATURED

Mga pamana ng Rehimeng Aquino


Natapos na ang rehimen ni Aquino pero hindi pa rin tapos ang mga kapalpakang iniwan nito. Ito ang mga problemang mamanahin ni Pang. Rodrigo Duterte.

Ilang linggo makalipas manumpa si Pangulo Rodrigo Duterte at bago ang nalalapit niyang unang State of the Nation Address o SONA, balikan natin ang mahahalagang naganap sa nakalipas na anim na taon ng administrasyong Aquino.

Taliwas sa mga inilabas na mga estadistika na nagpapakita ng paglago ng ekonomiya, pagbaba ng bilang ng mga pamilyang naghihirap, pagtaas ng employment rate, at iba pang isyung panlipunan, ang tunay na naramdaman ng mga manggagawa at ng mga sektor na higit na apektado sa nagdaang anim na taon.

Ito ang naging pagsusuri ng Ibon Foundation, isang grupo ng mga mananaliksik, sa kanilang Bird Talk o pagsusuri sa unang hati ng 2016 na ginanap sa Unibersidad ng Pilipinas- Diliman nitong Hulyo 14.

Iniwan sa bayan

Sa nalalabing panahonng pamamalakad ni dating Pangulo Aquino, nayanig ang taumbayan nang umingay ang mga balita ng pag-atake sa Kaliwa at paglabag sa mga karapatang-pantao ng mga mamamayan.

Sinupil ang development workers at hinaras ang mga Lumad sa kanilang komunidad. Sa ilalim nga ng administrasyong Aquino naitala ang 318 biktima ng extrajudicial killings (2010-2016), 30 enforced disappearances, 224 na naiulat na tortyur, 1,461 ilegal na pagaresto, 561 mga bilanggong pulitikal, at 22 nadetineng konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDF).

Ayon kay Rosario Bella Guzman, executive editor ng Ibon Foundation, ang pagpapabaya ni Aquino sa mga biktima ng bagyong Yolanda at iba pang super-typhoons na nananatili pa ring nasa “relief stage,” ang pagkukulang niya sa kaso ni Mary Jane Veloso at 90 iba pang Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa deathrow ay kabilang din sa mga hindi mabuting pamanang iniwan ni Aquino.

Lumalala rin ang krisis sa buwis. Nanatili ang Value-Added Tax (VAT) sa bawat produkto o serbisyo sa kabila ng mga panawagan na ibasura ito. Walang pinagkaiba sa binabayarang buwis ng mga korporasyon at mayayaman ang buwis na binabayaran ng mga nasa “middle class.”

Sabi pa ni Guzman, ang higit na nakinabang sa administrasyong Aquino ay ang 40 pinakamayamang tao na lumago nang triple ang mga net worth (mula Php 1.3 trilion noong 2010 tungo sa Php 3.2 trillion noong 2015) at malalaking korporasyon sa bansa (mula Php 5.3 Trilyon noong 2010 tungo sa Php 8.7-T noong 2015).

Sa isyu naman ng agawan sa West Philippine Sea (WPS) sa pagitan ng bansa at ng China, mabagal ang naging aksyon ng administrasyong Aquino. Nakapagtayo na ang China ng artificial islands sa mga isla sa WPS.

Kabilang pa sa mga pasakit na dala ng nakaraang administrasyon ay ang korupsiyon – ang kontrobersiya ng pork barrel at Disbursement Acceleration Program (presidential pork barrel) o ang mga maling paggamit sa malalaking halaga na inilaan ng pambansang badyet para sa mga mambabatas na kinasangkutan ng limang senador at 23 kongresista.

Pamana kay Duterte

Malalaki ang mga naiwang isyung kakaharapin ng administrasyong Duterte. Sa ngayon, positibo ang kanyang naging mga pahayag lalo na sa usapang pangkapayapaan at kanyang makabayang mga layunin.

Ang pinakamalaking isyu ngayon na ipapamana ng administrasyong Aquino kay Duterte ay ang isyu ng agawan sa WPS, ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon. Nagpapatuloy pa ang sigalot at naghihintay pa ang bayan kung paano mareresolba ni Duterte ang pag-aagawan dito.

“Hindi tayo nakasisiguro na darating na ang pagbabago. Mainam na suportahan ang usapang pangkapayapaan at ipagpatuloy ang pagkilos ng masa upang matamo ang tunay na pagbabago,” pagtatapos ni Africa.