Disente, pangmasang pabahay sa Venezuela

March 28, 2017

Pinakita ng bansang Venezuela na kung gugustuhin ng isang gobyerno, matutugunan nito ang pangangailangan ng mga mamamayan para sa disenteng pabahay.

Anino lang ang pag-ookupa ng mga maralita sa nakatiwangwang na housing projects ng National Housing Authority (NHA) ng napakalalang krisis sa pabahay na kinakaharap ngayon ng Pilipinas.

Noong 2011, umabot sa 1.4 milyon na bahay ang kinakailangan para sa mga Pilipinong walang matinong tirahan. Samantala, sa taon ding ito, sa bansang Venezuela na nakaranas din ng matinding krisis sa pabahay, naglunsad si Presidente Hugo Chavez ng programang Great Housing Mission (o dakilang misyon sa pabahay).

Sa misyong ito, target ng gobyerno ng Venezuela na sa loob ng limang taon ay nakagawa ito ng isang milyong bahay at naipamahagi ito sa mahihirap at mga walang maayos na matirhan dahil sa mga delubyo at iba pang dahilan. Umabot na sa 1.5 milyon ang nagagawa ng gobyerno ngayong 2016. Balak pa nilang ituloy ang programa hanggang maabot ang tatlong milyong target na disenteng pabahay sa 2019.

Mass housing sa isang lugar sa Caracas, Venezuela. Larawan mula sa <b>Venezuelanalysis.com</b>

Mass housing sa isang lugar sa Caracas, Venezuela. Larawan mula sa Venezuelanalysis.com

Ang mga bahay na ito ay libre sa pinakamahihirap at sobrang baba ang bayad para sa mga tumatanggap ng minimum na sahod.

Pampublikong pondo ang ginamit sa pagpapatayo ng naturang mga pabahay sa iba’t ibang bahagi ng Venezuela. Sinikap ng gobyerno ni Chavez (at kalaunan, ng gobyerno ni Nicolas Maduro) na iwaksi ang kaisipang maaaring pasukin ng gobyerno ang pabahay bilang negosyo o proyektong income-generating.

(Ikumpara ito sa oryentasyon ng NHA sa Pilipinas bilang isang government operated and controlled corporation na kailangang lumikha ng kita mula sa mga pabahay nito).

Pero may ilang panganib sa mga tagumpay na ito. Matindi ang kapangyarihan ng maliit na oposisyon sa Venezuela na pinamumunuan ng malalaking negosyante’t miyembro ng oligarikiya. Sa National Assembly (parang Kongreso sa Pilipinas) na dinodomina ng oposisyon, ipinasa ang isang Housing Privatization Law na naglalayong itulak ang mga residente na ibenta sa pribadong sektor ang kanilang mga bahay. Pero dineklara ito ng Korte Suprema ng Venezuela na ilegal, dahil nakasaad sa Konstitusyon nila na karapatan ng taumbayan ang pabahay at di maaaring gawing negosyo.

Sa kaparehong bilang ng oras na ikinalala ng krisis sa pabahay ng Pilipinas, nasolusyunan o nabawasan ng Venezuela ang isang kahalintulad na problema. Isang magandang ehemplo ito ng tama at epektibong reporma para sa mahihirap na dapat bigyang pansin o paghalawan ng ating pamahalaan. May ulat ni Priscilla Pamintuan


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/03/disente-pangmasang-pabahay-sa-venezuela/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Sid Natividad

Sid Natividad

Isa sa aming masipag at masugid na mga manunulat si Sidlangan Maquidato Natividad, na kumuha na kursong pamamahayag sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.