E-jeepney: Hindi solusyon sa krisis ng transportasyon

May 31, 2017

Pakikinabangan lang ng iilang malalaking negosyante ang sinasabing ‘modernisasyon’ sa transportasyon na itinutulak ng gobyerno.

Isang sulyap sa EDSA sa karaniwang araw ang kailangan lang makita para matanto kung gaano kasama ang sistema ng transportasyon sa ating bayan.

Nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3- Bilyon ang nakokonsumo ng Pilipinas araw-araw dahil sa trapiko at kadalasa’y palpak na pampublikong transportasyon sa Kamaynilaan lang. Isa sa pinakamalaking parte ng konsumo na ito ang gasolina. Subalit hindi rito kasama ang masamang epekto ng palpak na transportasyon sa kalusugan ng mga mamamayan. Bukod sa polusyon, madalas na siksikan, kawalan ng tamang bentilasyon, at mahahabang biyahe na nagdudulot ng tensiyon, pagod, at samu’t saring mga sakit sa katawan.

Ang solusyon? Modernisasyon, ayon sa pamahalaan.

Sa papel, magandang pakinggan ang pagmomodernisa sa transportasyon. Pero kung aaralin ang aktuwal na pinaplanong implementasyon nito, matatanto ang tunay na adhikain: pribatisasyon imbes na modernisasyon. Para sa mga opisyal ng gobyerno, madaling solusyon ang pribatisasyon ng pampublikong transportasyon: Ito ang paglipat ng pagmamay-ari ng transportasyon, tulad ng MRT/LRT, sa kamay ng pribadong mga kompanya at mga negosyante. Pero sa kabila ng pribatisasyon, kaliwa’t kanan pa rin ang mga reklamo ng mga mamamayan sa pampublikong transportasyon.

Kalawang sa riles

“Nawalan ako ng malay sa PNR (Philippine National Railways) sa sobrang siksikan. Wala nang natitirang espasyo at ang init. Binaba ako sa may Pasay Road, na-late ako sa klase,” kuwento ni Daphne Tekano, karaniwang pasahero ng PNR para makapasok sa unibersidad. Di malayo sa nangyari kay Jonathan Caiña, propesor sa isang unibersidad, na napilitang bumaba mula sa MRT dahil sa sobrang init at kawalan ng air conditioning.

Bagamat pagmamay-ari ng pamahalaan ang PNR at kasosyo naman ang MRT/ LRT ng Ayala Corporation, tila pareho lang ang kinakaharap nitong problema sa pasilidad at serbisyo. Madalas na inirereklamo ng mga pasahero na patay o walang air conditioning ang mga tren at kulang din ang mga ito kung kaya’t napipilitang magsiksikan ang mga tao sa kakaunting bilang ng tren na pabalik-balik sa mga riles. Tila salungat sa modernisasyon ang nangyayari sa MRT/LRT at PNR.

Siksikan, tulakan, gitgitan at unahan sa tren ang kadalasang eksena rito. Sa lala ng lagay ng MRT/LRT, maituturing nang maganda at matagumpay ang araw ng mga pasahero kung hindi magkakaroon ng technical difficulties ang tren na sinasakyan.

Sa kabila ito ng “modernong” sistema ng tiket (“Beep cards” ang ginagamit). Ang Beep ay pinangangasiwaan ng pribadong kompanyang AF Payments, na pagmamayari ng Ayala Corp. at Metro Pacific Investments Corp. Bukod sa Beep na hindi naman nasolusyunan ang problema sa pila ng MRT/LRT, at mga mangilan-ngilang kubeta, halos wala itong pinagbago o ikinaunlad.

Samantala, nais ding palawakin ng gobyerno ang saklaw ng MRT/LRT sa katabing mga probinsya ng NCR tulad ng Cavite, at Tagaytay, at sa Bulacan kung saan nagsisimula na ang konstruksiyon ng MRT-7.

Ang MRT/LRT ay nananatiling isang halimbawa na hindi modernisasyon kundi negosyo ang habol ng mga oligarkiya at opisyal ng pamahalaan— halimbawa na nararapat tandaan para sa darating na isa pang “modernisasyon” na para naman sa mga dyip.

Hinog sa pilit

Sa mga dyip, ang plano ngayon ng gobyerno ay “imodernisa” ito sa pamamagitan ng pag-phaseout sa mga dyip kapalit ang mga e-jeepney na hindi gumagamit ng gas at bagkus ay tsina-charge sa AC na kuryente.

Pero tulad ng karanasan ng bansa sa tren, laging kakabit ng “modernisasyon” at pribatisasyon ang pagtaas ng singil o presyo sa mga serbisyong “minomodernisa” o isinasapribado.

Tantiya ni George San Mateo, tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston), mula sa P8 ay maaari nilang gawing P12 o magkakaroon ng halos 50 porsiyentong taas-pasahe kung maipatutupad ang planong e-jeepney at matutuloy ang jeepney phaseout. Hindi malayong mangyari ito sapagkat nangyari din ito sa MRT/LRT at mismong ang Philippine Utility Vehicle, Inc. (PhUV) ay nakikipag-katuwang sa TECO Electric & Machinery Co. Ltd., isang Taiwanese na kompanya, para sa produksiyon ng e-jeepney. Mismong ang makina at disenyo rin ng e-jeepney at galing sa Pangea Motors, LLC ng Estados Unidos.

Subalit tulad rin ng kapalpakan sa MRT/LRT, hindi akma ang presyo ng modernisayong ito para sa benepisyong matatanggap ng mga mamamayan. Ang isang yunit ng e-jeepney ay nagkakahalagang P1.2 hanggang P1.6-M—mas mahal pa sa isang kotse kung tutuusin, at doble ng presyo ng isang regular na dyip.

Masyadong mahal ang halagang ito para sa kinikita ng mga drayber ng jeep, ayon kay San Mateo. Sabi pa ng mga tsuper, maski magpasailalim sila sa payment program ng Land Bank para sa e-jeepney ay mababaon pa rin sila sa utang dahil sa interes nitong 6 porsiyento kada taon. Mapipilitan ring bumili ang mga nais mapanatili ang kanilang trabaho sapagkat mayroon nang plano ng scrappage o pagkalas sa mga lumang dyip upang magbigay daan sa e-jeepney bilang parte ng jeepney phaseout.

Sa halaga ng e-jeepney na P1.6-M, tila hindi pa rin nito kayang palitan ang silbi ng regular na dyip, na napatunayan na ang tibay at kayang suungin ang baha at bagyo, at kayang magmaneho maski sa labas ng kalsada, ayon pa kay San Mateo. Samantala, ang e-jeepney naman ay tila madaling uminit: lumiyab nang kusa ang isang yunit nito noong 2015 sa Katipunan, Quezon City, ayon sa isang opisyal ng Global Electric Transport (GET)distributor ng e-jeepney.

Ang mapipinsala riyan (sa e-jeepney program) ay mahigit 200,000 operators tapos 600,000 drayber at mga pasahero natin. Kasi pag pinalitan na ‘yan, tiyak na magkakaroon ng pagtaas ng pamasahe,” ani George San Mateo ng Piston. Dagdag pa ni San Mateo, umaandar at nakakabiyahe pa rin naman ang ating mga dyip, at hindi disposable ang mga ito. Kung kaya’t kung may problema man sa polusyon na nadudulot ng dyip dapat lang itong i-rehabilitate at paglaanan ng pondo ng pamahalaan ang rehabilitasyon sapagkat mas mura itong solusyon.

Nakadepende rin ang trabaho ng maraming Pilipino sa dyip — di lamang ang mga drayber kundi pati na rin ang mga pasahero mismo dahil sa baba ng pamasahe nito. Mismong ang akto rin ng rehabilitasyon ng mga lumang dyip ay makakatulong sa lokal na industriya ng bansa at mapapanatiling abot-kaya ang pamasahe.

Imbis rin na maglaan pa ng malaking pondo ang gobyerno sa electronic vehicles, puwede naman umano ikumbert ang mga dyip sa paggamit ng LPG o iba pang environment-friendly na gas para sa mga tradisyunal ng dyip na subok na.

Pambansang industriyalisasyon, kailangan

Para sa Piston, kabalintunaan ang paggiit ng gobyerno na “imodernisa” ang mga dyip, samantalang nananatiling bulok ang maraming kagamitang ginagamit ng gobyerno. Sa larangan ng pagdedepensa ng bansa, nananatiling nakadepende ang gobyerno sa binebentang lumang kagamitan ng armadong puwersa ng US.

“Ipinamumukha ng pamahalaan na ayaw namin (Piston) bigyan ng modernisasyon ang mga tao. Pero hindi naman modernisasyon ang ginagawa nila,” sabi pa ni San Mateo.

May alternatibo namang solusyon sa problema sa pampublikong transportasyon, ayon kay San Mateo: “Sa kagyat, ang alternatibo natin ay rehabilitasyon ng mga dyip. Pero siyempre, sa pangmatagalan, gusto natin magkaroon ng pambansang industriyalisasyon, siyempre kapag may ganun at reporma sa lupa, makakapaglikha tayo ng sarili nating sasakyan.”

Sa pambansang industriyalisasyon, madedebelop ng Estado ang sariling industriya ng bakal na siyang salalayan sa pagpapaunlad ng sariling industriya ng mga sasakyan—mga sasakyang maaari nang isaalang-alang ang kalikasan. Sa pagpapaunlad ng mga industriya ng bansa makakamit ang tunay na modernisasyon sa mga serbisyo na talagang pakikinabangan ng mga mamamayan.

Hindi iyung kunwaring modernisasyon ng aircon na e-jeepney na lalong magpapahirap sa mga mamamayan at pakikinabangan lang ng iilang malalaking negosyante.


 

Sid Natividad

Sid Natividad

Isa sa aming masipag at masugid na mga manunulat si Sidlangan Maquidato Natividad, na kumuha na kursong pamamahayag sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.