Sagasa ng tren ni Digong

September 30, 2017

Mga magsasaka ng Tungkong Mangga ang isa sa pinakaunang biktima ng grandiyosong Build! Build! Build! ng rehimeng Duterte.

Kailan kaya kikilalanin ang tunay na karapatan sa lupa ng mga magsasakang Pilipino, kasama ang mga magsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan?

Hindi sa 2020 kung kailan nakatakdang matapos ang ekstensiyon ng MRT-7 mula North EDSA hanggang Tungkong Mangga sa San Jose Del Monte, Bulacan.

“Mula 1994 hanggang ngayong 2017, wala silang inaaalok kundi kami mismo ang humihiling ng diyalogo,” ani Conchita Katurino, 42, pangulo ng samahang magsasaka sa Tungkong Mangga nang tanungin kung ano ang kahihinatnan nila kung tuluyang ipatayo ang depot ng MRT-7 sa kanilang lupain.

Sa kasalukuyan, hindi pa naipapatayo ang mga pundasyon ng naturang depot. Pero makikitang pilit na pinagsisiksikan ang kabahayan nilang mga residente at magsasaka sa Baryo Bisaya na malayo sa itatayong depot. “Diyan naman ‘yan (mga inilipat na kabahayan) galing sa taniman noong dekada ‘90. Tinaboy sila papunta rito mula roon sa kanilang taniman sa labas,” ani Ronnie Manalo, 49,  isa  sa mga miyembro ng Tungkong Mangga Upland Farmers Association.

Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), ang depot ng MRT-7 ay sasakop ng 17 ektarya. Kung mismong depot lang, hindi naman ito nangangailangan ng ekta-ektaryang lupain. “Ang plano talaga nila sa development, ‘yung ala-Cubao na pagbaba mo sa tren, diretso ka sa malls, diretso ka sa mga condominium. (Pero) saan kami diyan? wala naman kaming ano diyan?” ani Manalo.

Masusuri rin sa concession agreement sa pagitan ng DOTC at ng pangunahing contractor na Universal LRT Corporation Limited/EPC Contractor, pagmamay-ari ng San Miguel Corp. ang iba’t ibang mapanirang modipikasyon sa ilalim nito tulad ng pagtatayo ng depot terminal sa San Jose del Monte, Bulacan. Ang layunin: gawing komersiyal na lugar ito.

Tinatayong Altaraza Residences sa lupain ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. <b>Monique Panganiban</b>

Gate ng Altaraza Town Center sa lupain ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. Monique Panganiban

Artist's perspective ng Altaraza sa Tungkong Mangga.

Artist’s perspective ng Altaraza sa Tungkong Mangga.

Pagbungad pa lang ng Baryo Bisaya, tatambad ang gate ng Altaraza Town Center, proyektong pabahay ng Ayala Land Inc. at Araza Resources Corp., kompanya ni Gregorio “Greggy” Araneta III. Ayon sa mga magsasaka, higit sa 100 ektaryang lupain na kanilang binubungkal sa Tungkong Mangga ang na-bulldoze upang itayo ang nasabing proyekto.

Maunlad at mayaman ang lupang binubungkal ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga pero unti-unting pinupulbos ng mga bulldozer ang kanilang pananim.

Bukod sa itatayong estasyon ng MRT-7, sinimulan na rin noong 2016 ipatayo sa kanilang lugar ang soundstage studio ng ABS-CBN, na pagmamay-ari ng Lopez Group of Companies, kung saan 15 ektarya naman ang kinain mula sa mga magsasaka.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, pinagtatalunan ng mga magsasaka at ni Araneta ang kabuuang 3,500 ektarya ng pinag-aagawang lupa sa San Jose del Monte, Bulacan. Sa ngayon, ito’y napunta sa kamay ni Araneta sa pamamagitan ng exemption order ng dating Department of Agrarian Reform.

Pasalin-salin ang nag-aari ng mga lupang pagtatayuan ng MRT-7. Pero ang tiyak na matagal nang nagbubungkal dito’y ang mga magsasaka sa Tungkong Mangga.

Taniman ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. <b>Monique Panganiban</b>

Taniman ng mga magsasaka sa Tungkong Mangga. Norielyn de Guzman

Walang natira

“Pagsasaka, ’yung paghahayupan. ’Yun naman talaga ang karaniwang hanapbuhay dito,” ani Ka Ronnie. Pero para ba tuluyan nang kikitilin ang kabuhayan ng mga magsasaka ngayong nakatakdang nang itayo ang MRT-7 sa kanilang lugar.

Mahigit sa 200 pamilya sa Sityo Bisaya ang maaapektuhan ngayong itatayo ang napakaraming proyekto sa kanilang lugar. Karamihan sa mga residente ay nakatira na sa lugar mula pa noong 1968.

“Katangian kasi ng aming sakahan dito, upland. Ibig sabihin ang mga pangunahing tanim dito ay mga prutas at saka gulay. Sari-saring gulay na ’yun: sitaw, ampalaya, kalabasa, talong, at talbos ng kamote. Sa prutas naman mga pangunahin, karamihan saging, mangga, santol. Tapos iba’t ibang klase rin ng puno.” Bukod ditto, idinagdag din ni Ka Ronnie na iniaakyat  nila ang kanilang mga produkto sa Novaliches, sa Commonwealth o hindi kaya nama’y sa kanilang pamilihang bayan.

Kung susuriing mabuti, mula sa pagtatanim at pagbebenta ng aning gulay nairaraos ng mga magsasaka ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Hindi man katulad ng ibang sakahan na patag ang lupa, nagagawan ng paraan ng mga taga-Baryo Bisaya na payabungin ang lupang ngayo’y nakatakdang tuluyan nang agawin sa kanila.

“Ito raw ang lupang sinasaka’y exempt sa land reform dahil sa matarik, walang irigasyon tsaka hindi developed. ‘Yun yung katwiran nila,”  ani Ka Ronnie. Idinahilaan noon ng DAR at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang lupang sinasaka sa baryo’y di-agrikultural kung kaya’t hindi ito makakasama sa reporma sa lupa.

Nagsagawa rin daw ng ocular inspection sa lugar upang tingnan kung natataniman nga ba ang mga lupa subalit hindi normal na inspeksiyon ang nangyari. Ani Ka Ronnie,  bago isinagawa ang inspeksiyon, nagpadala ang Manila Banking Corp. ng mga guwardiya upang sunugin at bunutin ang kanilang mga tanim. Bukod pa rito, nagsunog rin ang mga guwardiya ng mga kubo at nang-agaw ng mga araro. Isinagawa nila ito kahit umaga. Pero para walang makakita, isinasagawa na nila ang kanilang operasyon sa gabi. Kung kaya’t nung nag-inspeksiyon na ang mga ahensiya ng gobyerno, wala na ang kanilang mga tanim. Ang resulta ng inspeksiyon, bagsak ang kanilang lupa at hindi ito agrikultural.

Bukod pa rito nakapagtayo na rin sila ng eskuwelahan na hanggang sa ika-anim na antas sa elementarya nang dahil sa kanilang sama-samang pagkilos. Noong panahong iyon, bawal mag-akyat ng materyales sa konstruksiyon kung kaya’t gumawa sila ng paraan para hindi ito makita ng mga nakabantay na militar at guwardiya.

Ronnie Manalo ng Tungkong Mangga Farmers Association. <b>Monique Panganiban</b>

Ronnie Manalo ng Tungkong Mangga Upland Farmers Association. Monique Panganiban

Pagpapaalis sa lupa

Lubos na ikinabigla nina Conchita, residente at magsasaka nang 23 taon, ang pagtatayo ng MRT 7. Idinagdag pa niyang hindi man lang sila ipinatawag kahit sa barangay upang abisuhan  na may mga proyektong itatayo mismo sa kanilang lugar.

“Ang sabi nila dadaanan lang ng MRT,” ani Conchita.

Sabi pa niya, tila nililihis ng DAR ang mga pangyayari upang hindi na lang sila umapela nang matugunan ang kanilang hinaing ukol sa MRT 7. Sinabi ng DAR na ang kabilang lugar na Ciudad Real ang maaapektuhan ng proyekto. Pero ipinagtataka ng mga magsasaka, kung totoo man ito, bakit nila nakikita mismo sa kanilang mga sakahan ang pagbuo ng mga plano?

Para mapaalis ang mga magsasaka, iba’t ibang puwersa na rin ang ipinadadala ng gobyerno para gipitin, takutin at pagbantaan sila. “Tinatabas nila yung pananim, ’yung mga kubo namin sinusunog, tapos nanunutok sila (baril),” ani Conchita.

‘Di na rin bago sa lugar ang iba’t ibang paraan ng pagpapalayas upang tuluyang makamkam ang mga lupa. Noong 1999, nagkaroon na rin ng masaker sa Tungkong Mangga. Apat na magsasaka ang namatay matapos pagbabarilin ng military habang gumagawa ng kubo. Pang-aagaw sa lupa pa rin ang itinuturong pakay.

Ngayong 2017, ayon pa kay Conchita, may mga dumating na guwardiya at sundalo sa lugar. Kinukumbinsi silang huwag na lang sumali sa mga rali. Sinabi rin nila na sila na ang bahala at ang gagawa ng paraan. Samantala, tuwing gabi, nag-iikut-ikot ang mga sundalo sa mga bahay nang may mga dalang mga aso.

Naidagdag rin nilang may ilang lider na pinagbabantaan. May mga tinetext na papatayin daw sila, pagpaparatang miyembro ng New People’s Army, at iba pa.

Para sa negosyo

Nagtatanong ang mga magsasaka: Bakit ba magtatayo ng proyekto sa lugar na wala naming tao doon na makikinabang? Dagdag pa, napag-alaman nilang di lang MRT-7 ang kanilang kalaban. Pati na rin ang mga proyektong kaalinsabay nito tulad ng mga bahay, condominium, malls at iba pang establisimyento na kakain sa mahigit na 300 ektarya ng lupa kabilang na ang Baryo Bisaya.

Wala talagang relokasyon. Kasi, ang mga pabahay dito sa San Jose ng National Housing Authority (NHA) sabi nila nakalaan daw doon sa mga dinedemolis na maralitang tagalungsod na galing Metro Manila. ‘Yung mga tao dito sa San Jose, walang relokasyon,” ani Ka Ronnie.

Para sa mga magsasaka ng Baryo Bisaya, bigung bigo ang administrasyong Duterte na tuparin ang pangakong pag-alwan ng buhay ng mga magsasaka. Sa pagpapatuloy ng proyektong Public-Private Partnership ng nakaraang rehimen, patuloy din ang pagbigay pabor nito sa malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa, habang natatapakan ang karapatan ng maralita, lalo na mga magsasaka. Tumitindi pa ito sa ilalim ng programang Build! Build! Build! ng rehimeng Duterte na plano ng serye ng mga progyektong imprastraktura. Ang pondo, karamiha’y iuutang sa dayuhan (tulad ng China), ang iba’y kasosyo ang malalaking negosyante tulad ng San Miguel Corp.

“Iyang sinasabi nilang kaunlaran, kabaligtaran (ang nararanasan namin). Hindi man lang nila inalam kung ilang tao ang mawawalan ng kabuhayan. Tapos, sabi nga namin kikilalanin kami bilang magsasaka. Sa dami namin wala silang nakikita. Lagi nilang sinasabi na walang magsasaka (sa lugar),” pagtatapos ni Ka Ronnie.